16. Space Between Us

2.7K 100 2
                                    

TULALA si Honey sa harap ng librong kunwari ay binabasa niya. Nasa library siya nang mga sandaling iyon. Katatapos lang ng klase nila ni Benito at absent ito. Hindi niya alam kung nasaan ito sa dalawang araw na wala sa apartment. Umalis ito nang hindi nagpapaalam pagkatapos niyang halikan nang umagang iyon. Hindi alam ni Honey kung ano ang sumanib sa kanya nang mga oras na iyon at nagawa niya iyon. Wala na naman siyang lagnat. Okay siya; nasa tamang huwisyo. Alam rin niya ang nagawa, hindi lang talaga niya kayang bigyan ng paliwanag. Basta ang natatandaan ni Honey, guwapong-guwapo ang bading sa paningin niya. Hindi niya nagawang i-resist ang parang malakas na tulak galing sa loob--na may gawin siya.

And she kissed him. 

Tanda ni Honey na namumungay pa ang mga mata ni Ben nang salubungin ang titig niya. Hindi na niya napigilan ang udyok ng damdamin, hinagkan na lang niya ito—at ang resulta, hindi na umuwi sa apartment nila ang bading.

Iyak siya ng iyak noong unang gabing wala na si Ben sa apartment. Tinatawagan niya ito pero hindi sinasagot ang tawag. Tini-text niya pero wala rin siyang natatanggap na reply. At ngayon, absent na sa klase nila.

Ganoon ba kasama ang ginawa niya? Ganoon ba nandidiri sa kanya si Ben na hindi na siya kayang makita pa?

Kung hindi pa pumatak sa librong nasa tapat niya ang luha, hindi mare-realize ni Honey na umiiyak na naman siya. Ang bigat-bigat ng kanyang dibdib. Pakiramdam ng dalaga ay nagsisikip ang paghinga niya. Dalawang araw pa palang na hindi niya nakikita si Ben, sobrang miss na miss na niya.

Mahal na yata niya ang bading na iyon.

Lalo siyang napaiyak sa naisip. Hindi siya handa sa damdaming iyon. Hindi niya naisip kahit minsan na iibig siya dahil ayaw nga niya makipagkaibigan sa mga lalaki. Akalain ba naman niyang iibig siya sa bading?

Gusto nang humagulhol ni Honey nang malakas pero pinigil niya ang sarili. Nasa library siya kaya hindi siya maaring mag-ingay.

Lalong lumalim ang tila puwang sa dibdib niya nang pumasok si Ben sa klase nila nang sumunod na araw pero hindi siya nito halos magawang tingnan. Kung umasta ito ay parang hindi na siya kilala. Lampas ang tingin sa kanya at malamig ang anyo.

Guilty si Honey sa ginawa niya kaya hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin ito. Pagkalabas niya ng room pagkatapos ng klase nila ay napaiyak na naman siya.

"Hey, are you alright, Honey?" wala sa loob na nilingon niya ang nagsalita. Si Nicho ang nakasunod sa kanya, ang pinakamatangkad sa klase nila at may pinakamakapal na eyeglasses. Dagli niyang tinuyo ang pisngi. Napansin pala nito na umiiyak siya.

"I'm fine," paiwas na tugon niya at binilisan ang paghakbang patungo sa next subject niya. Ka-klase niya pa rin si Nicho sa subject na iyon. Napansin niyang panay ang sulyap nito sa kanya. Hindi na lang niya pinansin ang lalaki. Pagdating ng vacant hour, nagpunta siya sa canteen para idaan na lang sa kain ang masamang pakiramdam. Naroon na naman si Nicho pero hindi naman umupo sa mismong puwestong napili niya. Alam ni Honey na siya na ang sinusundan nito dahil sa cafeteria ito naglalagi kapag vacant nila sa halip na sa canteen. Pasimpleng sinusulyapan siya nito. Hindi na siya nagulat nang hanggang sa patungo na siya sa parking area ay sinusundan pa rin siya ni Nicho. Hindi na siya nakatiis, hinarap na niya ang lalaki.

"I just want to make sure you'll be safe," sagot nito sa pagdedemand niya ng paliwanag kung bakit sinusundan siya. "Napansin kong ilang araw nang absent-minded ka. Umiiyak ka pa kanina. Concerned lang ako, Honey," sabi nito. "Kaya nga hindi kita nilalapitan, alam kong hindi mo gusto ang presence ng kahit sino sa tabi mo except Benito. Iiwan din kita kapag nakasakay ka na sa sundo mo," sabi nito at nanatili sa puwesto malapit sa kanya. Pagdating ng kambal ay umalis na rin ito. Mayamaya ay dumating rin si Benito—hindi para umuwing kasama nila kundi para sabihing hindi ito sasabay. Si Zelle ang kinausap nito bago mabilis na umalis. Ni hindi siya tinapunan ng tingin. Alam ni Honey na nakahalata ang mga kaibigan pero walang sinuman sa mga ito ang nagtanong. Nakita marahil ng mga ito na babagsak anumang sandali ang mga luha niya.

Nang sumunod na araw ay sinamahan pa rin siya ni Nicho patungo sa parking lot. Sa pagkakataong iyon ay nag-usisa na ito kung may problema sa pagitan nila ni Benito. Simpleng tango lang ang isinagot niya. Hindi na niya na pinansin pero nanatili itong naroon hanggang dumating sina Hazelle at Hazenne. Bago umalis si Nicho, sinabi nitong lapitan lang daw anumang oras kung kailangan niya ng kaibigan.

Hindi niya kayang tiisin ang katahimikan sa apartment nang gabing iyon kaya naisipan ni Honey pumunta sa Mystic Bar. May show ng gabing iyon si Benette. Gusto niyang makita si Ben kahit sandali lang. Ngunit ilang minuto pa lang siyang nakakaupo sa puwesto ay nilapitan na siya ni Rajed. Sinabi nitong kung si Benette raw ang hinihintay niyang mapanood ay mas mabuting umuwi na siya. Nag-resign na raw ito noong isang linggo pa. Nagtanong siya kung may ideya ito sa kinaroroonan ng kaibigan. Isang marahang iling ang isinagot nito. May tinawag na pangalan. Inutusan ni Rajed ang lalaking dumating na ihatid siya sa apartment gamit ang kotse nito. Tumanggi siya pero wala rin siyang nagawa. Nagpumilit si Rajed. Malalim na raw ang gabi. Mas safe raw siya kung papayag siyang magpahatid. Sa huli ay nagpasalamat siya rito at nagpagiya siya sa lalaking inutusan nitong maghatid sa kanya.

Lungkot na lungkot na umuwi siya sa apartment. Mas malungkot ang mga sumunod na araw na mag-isa na lamang siya. Salamat sa sense of humor ni Mamu Pauline na tinatawagan niya kapag hindi na niya kaya ang katahimikan, gumagaan kahit paano ang pakiramdam ni Honey. Nakayanan niya ang isang linggong mag-isa na lang siya sa apartment.

Walang oras na hindi niya na-miss si Ben...

Heart's Deception(Ben And Honey) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon