Uuwi na sana si Basilio nang may nakita siyang liwanag na paparating at makarinig ng yabag. Nagtago siya sa puno ng baliti at sa kabilang dako ng punong kanyang pinagtaguan ay tumigil ang taong dumating. Nagsimula itong maghukay gamit ang asarol.
Nakilala siya ni Basilio. Ang taong dumating ay ang mag-aalahas na si Simoun. Siya rin ang taong tumulong sa paglilibing sa kanyang ina at sa lalaking sugatan labing-tatlong taon na ang lumipas.
Lumabas sa pinagtataguan si Basilio at lumapit kay Simoun upang tumulong sa paghuhukay. Ngunit tinutukan siya ng baril ni Simoun at itinanong kung siya daw ba ay nakikilala nito.
Tumugon si Basilio at sinabi na nakikilala siya nito. Siya diumano ang taong tumulong sa kanya labing-tatlong taon na ang nakalilipas. Inakaala ng lahat na siyang patay na ngunit kinilala siya ni Basilio na ang lalaking kausap ay walang iba kundi si Ibarra.
Ani Simoun, malaking sikreto ang nalalaman ni Basilio kaya di niya pagsisihan na patayin ito dahil ayaw niyang maburilyaso ang kanyang planong paghihiganti.
Ngunit dahil sa halos pareho sila ng sinapit ni Basilio at uhaw din sa katarungan ay dapat daw silang magtulungang dalawa.
Inamin ni Simoun na siya nga si Ibarra at ikinuwento na nilibot niya ang buong daigdig upang magpayaman upang sa kanyang pagbabalik ay mapabagsak ang pamahalaang sumira sa kanyang buhay.
Siya raw ay bumalik upang gisingin ang damdamin ng bayan sa paghihimagsik laban sa pagmamalabis ng taong pamahalaan at simbahan.
Di rin sang-ayon si Ibarra sa plano nina Basilio na pagtatayo ng paraalan ng Wikang Kastila at sa paghingi nilang gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas at bigyan ng pantay na karapatan ang mga Kastila at Pilipino.
Ayon kay Simoun, magbibigay lamang daw ito ng daan sa Pilipinas sa pagiging bayang walang sariling pagkukuro, walang kalayaan at pati kapintasan ay hiram dahil sa pagpipilit manghiram ng wika.
Katwiran naman ni Basilio, ang kastila umano ay isang wikang magbubuklod-buklod sa mga pulo ng Pilipinas.
Bagay na pinabulaanan ni Simoun. Kailan man ay di raw magiging wikang pangkalahatan sa bayang ito ang wikang Kastila. Iilan lamang daw ang nakapagsasalita ng Kastila at ang iilang ito ay mawawalan ng sariling kakayahan, magpapailalim sa ibang utak, at paaalipin.
Tinuligsa ni Simoun ang mga pangkat na naghahangad luminang sa wikang Kastila at di sa kaalamang magsalita o sumulat sa sarili nilang wika pati ang mga nagpapanggap na di sila maalam magsalita at umunawa ng sariling wika.
Dagdag pa ni Simoun, mabuti raw kung ayaw silang turuan ng mga Kastila ng kanilang wika. Mas maigi umano na paunlarin ang isang katutubong wikain nang mawala ang pagtatangi-tangi at magkaroon ng mga layuning pambansa.
Dapat din ay huwag hayaang magpalagay ang Kastila na sila ang panginoon dito at sila'y bahagi ng bayang ito kundi sila'y mga manlulupig at dayuhan. Sa gayon daw ay mas matatamo nina Basilio ang tunay na paglaya.
Inamin ni Simoun na ito ang dahilan kung bakit hinayaan niyang mabuhay si Basilio, Isagani at Makaraig na binalak niyang patayin dahil baka maging hadlang ang mga ito sa pinaplano niyang paghihiganti.
Paliwanag naman ni Basilio, 'di daw siya isang pulitiko. Napalagda lamang siya sa kahilingang tungkol sa paaralan dahil inaakala niyang iyon ang mabuti. Ngunit sa panggagamot daw talaga ang hilig niya.
Sa kasalukuyang kalagayan daw ng lipunan ay hindi makapanggagamot nang mahusay si Basilio ayon kay Simoun dahil mas dapat umanong unahing gamutin ang sakit ng bayan.
Ngunit para kay Basilio, kaya nga daw niya pinili ang siyensiya ay upang makapaglingkod sa bayan. Kalaunan ay nauwi sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap nina Basilio at Simoun.
Napansin ni Simoun na tila hindi naantig ang kalooban ni Basilio kaya tinuya niya ito. Ani Simoun, wala namang ginagawa si Basilio kundi tangisan ang bangkay ng kanyang ina na parang isang babae. Tutulungan daw niya si Basilio sa paghihiganti.
Ngunit ano naman daw ang mapapala niya sa paghihiganti kung hindi naman daw mabubuhay ang kanyang ina at kapatid kahit gawin niya ito, sagot ni Basilio.
Ngunit tinugon siya ni Simoun na ang pagpapaumanhin ay 'di laging kabaitan, ito'y kasalanan kung nagbibigaay-daan sa pang-aapi. Walang mang-aalipin kung walang paaalipin.
Saka ipinaalala ni Simoun na sa pag-aaral ni Basilio ay maaaring danasin nito ang dinanas ni Ibarra. Nagtaka si Basilio. Siya na raw ang inapi ay siya pa ang kamumuhian.
Ani Simoun, likas sa tao ang mamuhi sa kanyang inaapi.
Ngunit 'di naman daw sila pinakikialaman ni Basilio kaya pabayaan daw nila siyang makagawa at mabuhay.
Tinugon naman ni Simoun si Basilio at sinabing magkakaanak din ito ng mababait na alipin at ang mga damdaming mabuti o masama ay mamamana ng kanyang magiging anak.
Dagdag pa ni Simoun, walang hangad si Basilio kundi isang munting tahanan, kaunting kaginhawahan, isang asawa; isang dakot na bigas; mithiin rin ng marami sa Pilipinas, at kung iyan ay ibigay sa kanila, ituturing nilang sila'y mapalad na.
Matapos sabihing 'di niya pinagbabawalan si Basilio sa pagbubunyag ng kanyang lihim ay sinabing kung may kailangan si Basilio ay magsadya lamang ito sa kanyang tanggapan sa Escolta.
Nagpasalamat naman si Basilio at iniiwan si Simoun na nag-iisip. Di raw kaya niya napaniwala si Basilio sa paghihiganti o may balak din itong maghiganti ngunit naglilihim lamang at nais sarilinin o sadyang wala nang hangad na maghiganti?
Ngunit lalong nagtumining sa loob ni Simoun ang matinding nasa na makapaghiganti.
BINABASA MO ANG
El Filibusterismo
Historical FictionAng Buod ng bawat kabanata ng El Filibusterismo BY : https://pinoycollection.com/el-filibusterismo-buod