39: Katapusang Kabanata

534 3 0
                                    

Si Padre Florentino ay malungkot na tumugtog ng kanyang armonyum. Umalis si Don Tiburcio de Espadaña sa pag-aakalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na darakpin daw sa gabing iyon. Akala niya'y natunton na siya ni Donya Victorina na kanyang asawa.

Isang telegrama ang pinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil sa bayan kay Padre Florentino. Anang telegram, "Espanyol escondido casa Padre Florentino cojera remitara vivo muerte".

Si Simoun talaga ang tinutukoy sa telegrama. Sugatang dumating sa bayan nina Padre Florentino si Simoun may dalawang araw na ang nakararaan. 'Di na siya inusisa ng pari. Walang alam ang pari tungkol sa mga kaganapan noong gabi ng piging sa Maynila.

Ang akala ng pari ay kaya sugatan si Simoun sapagkat may naghiganti dito sa kadahilanang wala na ang Kapitan Heneral. Ngunit paliwanag ni Simoun ay nagkasugat lamang siya dahil sa kawalan ng pag-iingat.

Nang matanggap ng pari ang telegrama ay naghinala ito na si Simoun ay tumakas sa mga kawal na tumutugis sa kanya sa Maynila.

Si Simoun naman ay ayaw magpagamot sa ospital ngunit pumayag na mag-paalaga kay Dr. De Espadaña. Malubha ang sugat na natamo ni Simoun.

Itinigil ni Padre Florentino ang pagtugtog at inisip ang kahulugan ng pakutyang ngiti ni Simoun nang mabatid nito ang tungkol sa telegrama at sa ikawalo ng gabi ang dating mga darakip.

Sa isip ng pari ay taong palalo daw si Simoun na dati'y makapangyarihan ngunit ngayon ay kahabag-habag.

Inisip din niya kung bakit sa kanya na isang paring Pilipino ninais ni Simoun na mamalagi at magtago gayong dati'y napakababa ng tingin sa kanya nito.

'Di kasi pinansin noon ni Simoun ang pakisuyo ng pari na tulungang makalaya si Isagani sa kulungan dalawang buwan na ang nakararaan.

Ikinalungkot din ni Isagani ang pagkakadali ng kasal ni Paulita at Juanito sa tulong ni Simoun. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito maging ang pagtulong ni Padre Florentino kay Simoun ay tila ba walang pagnanasang mailigtas ni Simoun ang sarili.

Pumasok ang pari sa silid ni Simoun at tila wala na ang mapangutyang anyo sa mukha nito. Uminom pala ng lason si Simoun at wari'y tinitiis ang sakit na dulot nito.

Tinangka pa ng pari na ihanap ng lunas si Simoun ngunit tumanggi na ito. Nagdasal ang pari at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Dito na ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang katauhan. Halos nasindak ang pari. Malungkot na ngumiti ang maysakit. Tinakpan ng pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay.

Labintatlong taon siyang tumigil sa Europa upang mag-aral saka bumalik sa Pilipinas na puno ng pangarap at pag-asa. Napatawad na niya noon ang mga nagkasala sa kanyang ama at piniling mabuhay ng tahimik at mapayapa. Ngunit isang kaguluhan ang dumating sa kanyang buhay at sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, at kalayaan. Naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan.

Tinangka daw niyang maghiganti. Nagpunta siya sa ibang bansa dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya'y nangangalakal.

Sumali daw siya sa himagsikan sa Kuba. Nakilala niya roon ang Kapitan Heneral na noon ay Kumandante pa lamang. Pinautang siya at naging matalik na kaibigan dahil sa kawalang hiyaan ng kapitan na siya lang ang nakaaalam.

Sa tulong umano ng salapi ay nakuha niyang maging kaibigan ang Kapitan Heneral at naging sunud-sunuran pa sa kanya.

Marami pang pagtatapat na sinabi si Simoun na inabot na ng gabi nang matapos. Saglit na nanahimik at inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun. Hiniling din ng pari na igalang ng mag-aalahas ang kalooban ng Diyos.

Makaraan ay nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin. Ang sabi ng pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan saka nagpaliwanag.

Tinanggap ni Simoun ang mga sinabi ng pari. Inaming siya'y nagkamali at naitanong na dahil ba sa pagkakamaling iyon ay ipagkakait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya?

Tumugon ang pari at sinabing ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap. Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa.

Napailing lamang si Simoun. Madali lamang daw sabihin ang magtiis at gumawa sa mga taong hindi pa nakararanas ng ganoon. Natanong pa ni Simoun na anong klaseng Diyos daw ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit.

Sinabi naman ng pari na ito raw ang isang Diyos na makatarungan at nagpaparusa sa kakulangan ng tao ng pananalig at sa mga gawang masama. Dagdag pa niya,

"Pinabayaan natin ang kasamaan kaya't katulong tayo sa paglikha nito. Ang kalayaan ay 'di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim. Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao. Gumawa tayo ng mabuti, tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan."

Pinisil ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang katahimikan. Dalawang pisil pa. Nagbuntong hininga si Simoun at higit na mahabang katahimikan ang namayani.

Napabulong na lamang ang pari ng,

"Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito'y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo'y aming hinihintay!"

Naluha ang pari at binitawan ang kamay ni Simoun. May kumatok na utusang nagtanong kung magsisindi na ng ilawan. Hinipo niya si Simoun at dahil sa liwanag ng lampara ay nabatid na ito ay patay na. Lumuhod at nanalangin si Padre Florentino.

Pagkaraan ay tinawag ng pari ang mga utusan, pinaluhod ang mga ito at pinagdasal. Umalis ang pari sa silid at kinuha ang takbang bakal ni Simoun. Dinala niya ito sa talampas na laging inuupuan ni Isagani upang sisirin ng tingin ang kalaliman ng dagat.

Maya-maya'y inihagis ni Padre Florentino ang mga takba ng brilyante at alahas ni Simoun sa dagat.

El FilibusterismoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon