Patungo sa Unibersidad ng Santo Tomas si Placido Penitente. Malungkot ang kanyang mukha dahil ibig na niyang tumigil ng pag-aaral tulad ng nasabi sa dalawang sulat niya sa ina. Nasa ika-apat na taon na siya ng pag-aaral ngunit pinakiusapan na kahit batsilyer sa artes ay matapos niya.
Palaisipan sa mga kababayan ni Placido sa Tanawan, Batangas kung bakit nais na niyang tumigil sap ag-aaral. Siya pa naman ang pinakamatalino sa bantog na paaralan ni Padre Valerio roon. Hindi naman siya sugarol, walang kasintahang magyayayang pakasal, at laban sa mga aral ng Tandang Basyong Makunat.
Nasa liwasan ng Magallanes na si Placido nang tapikin siya sa balikat ni Juanito Pelaez. May kayabangan si Juanito, mayaman, may pagkakuba, at paborito ng mga guro. Anak siya ng isang mestisong Kastila.
Napag-usapan ng dalawa ang tungkol sa bakasyon ni Juanito sa Tiyani. Nangharana raw sila ni Padre Camorra ng magagandang babae at ipinagyabang na wala raw bahay na hindi nila napanhik.
Dagdag pa ni Juanito, tanga raw si Basilio sa pagkakaroon ng katipang tulad ni Juli dahil susuko rin daw si Juli kay Padre Camorra.
Nagtanong ng leksyon si Pelaez kay Penitente dahil noon lamang siya papasok. Ani Placido, tungkol daw sa salamin ang leksyon. Ngunit niyaya ni Juanito si Placido na maglakwatsa, bagay na tinutulan naman ng huli.
Natigil lamang ang kanilang pag-uusap ng manghingi ng abuloy si Juanito para sa monumento ng isang paring Dominikano. Nagbigay naman ito ng abuloy dahil alam niyang makatutulong ito para sa pagpasa ng estudyante.
Sa unibersidad ay naroon si Isagani na nakikipagtalo tungkol sa aralin. Ang ibang estudyante naman ay tinitingnan ang mga magagandang dalagang nagsisimba.
Pinagtinginan ng mga estudyante ang isang karwaheng parating kung saan lulan ang katipan ni Juanito na si Paulita Gomez. Nginitian siya ng tiyahin ni Paulita na si Donya Victorina.
Ang estudyanteng si Tadeo na kaya lamang pumasok sa paaralan ay upang alamin kung may pasok at kung mayroon ay aalis na at magdadahilang maysakit ngunit nakapapasa, sa anong himala ay napasunod kay Paulita sa simbahan.
Nagpasukan na sa paaralan ang mga mag-aaral ngunit may tumawag kay Placido. Pinalalagda siya sa kasulatang tutol sa balak na paaralan ni Makaraig.
Walang panahon si Placido na basahin ang kasulatan kaya ayaw niya sanang lumagda. Ngunit dahil mapilit ang kausap ay napalagda si Placido. Dahilan kaya siya ay nahuli sa klase.
Bagama't huli ay pumasok pa rin sa klase si Placido. Pinatunog pa niya ang takong ng kanyang sapatos sa pagbabakasakaling ang pagkakahuli niya ay pagkakataon na upang siya'y mapuna at makilala ng kanyang guro.
Sila'y mahigit isang daan at limampu sa klase. Hindi naman siya nagkamali at napansin nga siya ng kanyang guro. Ngunit nabastusan ito kay Placido at nasabing magbabayad daw ito sa kanya.
BINABASA MO ANG
El Filibusterismo
Historical FictionAng Buod ng bawat kabanata ng El Filibusterismo BY : https://pinoycollection.com/el-filibusterismo-buod