2

254 7 6
                                    

CLOUD

"EAGLES! EAGLES! EAGLES!"

Paulit-ulit kong naririnig ang malalakas na hiyawan sa paligid. Patuloy ang pagtunog ng tambol at kasabay ang matinding tensyon sa aking isip at katawan. Naalimpungatan ako sa pagtulo ng butil ng pawis mula sa aking noo. Mabilis kong iminulat ang aking mga mata hanggang sa nagulat nalang ako nang mapagtanto kong may hawak akong bola.

Halos maging puti sa sobrang liwanag ang paligid. Tila ako'y napapalibutan ng nakakasilaw na mga ilaw na halos hindi ko magawang imulat nang maayos ang aking mga mata. Napayuko ako hanggang sa unti-unting naglaho ang liwanag at tuluyan nang naging malinaw sakin ang lugar kung saan ako naroroon.

Ang aking mga paa ay nakatapak sa free-throw line ng court. At biglang nagising ang diwa ko nang marinig ko ang malakas na pagpito, dahilan para iangat ko ang aking tingin. Namilog ang aking mga mata nang makita ko ang mga kapwa ko manlalaro sa tigkabilang linya. Sa linyang ito, nakita ko si Calvin at si Kean. Akin ding natunghayan ang mga pinaan kong sina Marco at Yuki mula sa kabilang panig.

Naghahalo-halo sa utak ko ang mga nangyayari. Halos mabaliw ako sa kakaisip. Ang huli kong natatandaan ay may babae akong sinubukang sagipin mula sa pagkakalunod sa ilog ngunit narito ako ngayon, nakatayo sa maingay na kapaligiran sa gitna ng isinasagawang laban sa basketball.

Iniisip kong panaginip lang ang lahat, ngunit tila hindi ako nagigising sa katotohanan.

"Cloud," muli akong naalimpungatan nang tawagin ako ni Calvin. "Ayos ka lang ba?" Tanong nito. Bakas sa mukha nito ang pagtataka at pag-aalala base sa nakikita nya sa kalagayan ko ngayon.

Sobrang sakit ng ulo ko at unti-unting humihigpit ang hawak ko sa bola. Mariin akong nakapikit hanggang sa marinig ko ang pamilyar na boses mula sa gilid ng court.

"GO CLOUD!! KAYA MO 'YAN!!" Masayang sigaw nito. Nakakabingi ang sigawan sa paligid ngunit hindi ko maintindihan kung bakit malinaw kong narinig ang tinig nya. Kusang tumulo ang luha sa mga mata ko at agad kong nabitawan ang bola upang tumakbo papunta sa kanya. Ang matinding sigawan ay napuno ng katahimikan dahil sa pangyayari. Tila sinadyang bagalan ang takbo ng oras para muli kong matunghayan ang matatamis na ngiti sa kanyang labi. Ang mga ngiting nagpapalakas sakin at nagbibigay pag-asa.

Sa huling hakbang mula sa isang metrong distansya ko mula sa kanya, awtomatikong umunat ang aking mga braso upang sunggaban sya ng isang yakap. Ang yakap na ito ay dahan-dahang humigpit. "Tammy....." Humahagulgol kong sambit sa kanyang pangalan habang patuloy sa pagtulo ang mga luha ko.

Kung isa itong panaginip, hindi ko hihilingin pang magising...

Nagsimulang mapuno ng usapin at bulungan ang buong paligid dahil sa di nila inaasahang pangyayari. "Cloud, anong problema?" Narinig kong bulong nito habang nakakulong sya sa aking bisig.

Tila lahat ng nakikita ko ay totoo. Buhay sya at magkasama kami. Gusto kong isipin na hindi lang ito isang panaginip ngunit sa pagpito ng referee, nagdulot ito ng matinis na tunog na dahilan ng matinding pagsakit ng ulo ko. Napabitaw ako kay Tammy at mariing humawak sa ulo ko. Nagpatuloy ang nakakabinging tunog na iyon hanggang sa unti-unting bumagsak ang katawan ko sa sahig. Naramdaman kong lumapit sakin ang mga kaibigan ko at karamihan sa kanila ay pilit akong ginigising. Maging ako, pinipilit ko ding gisingin ang sarili ko dahil kung panaginip man ito, mas gugustuhing ko nang manatili dito kasama sya. Subalit hindi na kinaya ng katawan ko hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.

Madilim ang paningin ko hanggang sa nagising nalang ako sa ingay ng paligid. Ingay ng mga taong nagkakaroon ng munting argumento. Papikit-pikit ang mga mata ko dahil sa pagkasulo sa liwanag ng paligid.

Yesterday Once MoreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon