Late

19 3 0
                                    

Isang nakayayamot na tunog ang bumungad sa akin. Pagdilat ko ng aking mga mata, bahagya naman akong bumangon at lumingon sa gawing kanan. Tinapik ko naman ang alarm clock upang mamatay ito, saka ko tinignan ang orasan.

"Haysss.... Alas Sais pa lang naman pala, Alas Siyete pa naman ang pasok ko. Matutulog na nga muna ako, kahit mga five minutes." Wika ko sabay humiga sa aking kamang napakalambot at ipinikit ang aking mga mata.

....

Bumangon na nga ako. Dali-dali akong pumunta ng palikuran upang maghilamos muna at magsepilyo. Halos tatlong minuto rin akong nagsepilyo.

Pagkatapos, pumunta naman ako ng kusina. Kinuha ko ang dalawang itlog mula sa ref at ang kawali. Nilagyan ko ng mantika ang kawali at binati ang itlog, saka ko ito pinirito. May bahaw pa naman ako mula kagabi kaya pwede pa iyon kainin. Nagtimpla na rin ako ng kape.

Wala akong masyadong pakialam sa oras at hindi rin ako masyadong nagmamadali, pagkatingin ko kasi sa orasan ay 6:10 pa lang naman. Kinain ko ang almusal ko at pagkatapos nito'y naligo na rin.

Sunod, isinuot ko na ang aking unipormeng plantsadong-plantsado. Hinaguran ko pa nga ito ng kamay nang makitang perpekto ang pagkakaplantsa ko kagabi. Isinuot ko na rin ang maitim at kumikintab kong sapatos. Nilagyan ko pa nga ito ng  kiwi.

Pagkalabas ko ng pinto, naamoy ko ang halimuyak ng bulaklak sa aking hardin. Dumiretso naman ako patungo sa aking garahe upang sumakay na sa kotse.

Nagmaneho na nga ako papuntang opisina at panatag ang aking loob sapagkat 6:45 pa lamang at 5 minuto lamang ang biyahe papunta doon. Hindi rin masyadong mabigat ang trapiko noon.

Pagkadating ko sa aming gusali, binati ko ang guwardiya sa baba at sumakay na sa elevator. Pagkabukas ng pinto ng elevator, laking gulat ko nang makita ang lahat ng aking katrabahong nakatayo't nakatitig sa akin. Saka ko rin napansin ang aking boss na nakatayo't naghihintay sa aking harapan.

"Mr. Martinez, palagi ka na lang bang late?! Araw-araw na lang ba?! Huh?!" Sigaw sa akin ni boss na  ipinagtaka ko.

"P-pero..." Mangangatwiran sana ako nang pinutol ito ni boss.

"Wala nang pero pero! Tanggal ka na sa trabaho!"

Pagkasabi niyang iyon, bigla akong may narinig na kulog at malakas na buhos ng ulan.

Agad akong nagising.

"Sheemmsss!! Panaginip lang pala ang lahat ng iyon!! Tsk tsk tsk!" Wika ko sa aking sarili nang magising sa katotohanang ang lahat ng ito'y kathang-isip lamang.

Ibinaling ko naman agad ang aking tingin sa orasan, at nanlaki ang aking mga mata.

"A-ano?! 6:45 na?! Whaaaaa!!!" Sigaw ko.

Tumayo na agad ako mula sa kama at pumunta na sa palikuran. Naligo na agad ako. Tapos ayun, nalimutan ko pa ang aking tuwalya sa labas ng banyo.

"Tsss....."

Pagkatapos kong maligo ay nagbihis agad ako. Binuksan ko ang aking aparador upang kunin ang uniprome ko. Saka ko napagtanto, hindi ko pa pala naiplantsa ang aking uniporme, gawa ng pag-o-overtime ko kagabi!

"Naku pooo!!!"

Sinuot ko na lang ito kahit gusot-gusot pa, hindi naman siguro ito mahahalata eh. Saka, nagsuot na lang ako ng jacket upang hindi masyadong mapansin.

Tumakbo na ako papuntang garahe kahit walang payong. Pagkasakay ko sa loob, may naalala ako. Nakalimutan ko palang magsepilyo!

Bumaba agad ako ng kotse at pumasok sa bahay.

"Tsk tsk tsk... Nakalimutan ko rin palang isarado at i-lock ang pinto!"

Pagkadaan ko sa sala, nakita ko ang telebisyon at naisipang buksan muna ito. Nagbakasakali ako dahil masyadong malakas ang buhos ng ulan.

Hinayaan ko lang ang telebisyon nang nakabukas at pumunta na ako sa banyo. Kinuha ko ang aking pangaso at nagsepilyo.

Pagkatapos ay nagmumog na ako, nang may narinig akong isang balita mula sa telebisyon,

"Wala pong pasok ang lahat ng antas sa paaralan kasama na ang kolehiyo. Wala rin pong pasok ang gobyerno. Ito po ay dulot ng bagyong Pedro..."

Nagulat ako. Pinunasan ko muna ang aking mukha saka pumunta sa sala upang manood.

"Kami po ngayon ay nandito sa Espanya Blvd., at kung makikita niyo po, marami pong na-stranded na mga pasahero, mag-aaral at manggagawa na papasok sana ngayong umaga..." ayon sa balita.

Napaupo na lamang ako sa aking malambot na sofa at napabuntong-hininga,

"Buti na lang, late ako."

Maiikling kuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon