CHAPTER FOUR

17 2 0
                                    


[ C H A P T E R  F O U R ]


DIEGA'S POV

KINAUMAGAHAN balik sa dati ang buhay ko na parang walang nangyari. Ginawa ko ang karaniwan na ginagawa ko katulad ng pag-aasikaso sa mga kapatid ko bago pumasok. Pagpunta nang maaga sa palengke para bumili ng sariwang paninda na galing pa sa upland ng lugar namin. Bultuhan ang bilihan at medyo mura pa. Wala na akong budget kaya nangutang ako kay Joanna. Dagdagan pa na wala akong benta kahapon dahil nga sa nangyari. Sa totoo lang nakakadama na ako ng hiya sa kanya dahil puro na lang ako utang. Hindi lang sa kanya kundi pati kay Vin. Hindi ko na nga siya masyadong nakikita sa lugar namin dahil nakatira na siya sa bahay ni Joen, mali, hindi nga maituturing na bahay iyon kundi mansyon dahil sa laki. Ilang beses na rin akong nakapunta doon pati si Joanna. Siyempre, magkakaibigan kami kaya kung saan ang isa nandoon din ang isa. Sanggang dikit na kaming magkakaibigan. Pero hindi ko ipagkakaila na may inggit akong nadarama para kay Vin. Kahit saan kasing aspeto ay masasabi kong matagumpay siya. Maganda ang trabaho niya. May lalaking totoong nagmamahal sa kanya at nagsasama na sila sa iisang bubong na parang mag-asawa. Mali, hindi nga parang kasi totohanan na dahil nagpakasal na sila. Same-sex marriage na naging posible dahil sa pera ng pamilya ni Joen. Pinakita lang nito kung gaano nito kamahal ang kaibigan ko.

At sa totoo lang din, maliban kay Vin, may inggit din akong nadadama kay Joanna. Mas maunlad kasi ang pamumuhay niya sa akin. Minsan nga naiisip ko na kung sana ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng cosmetology katulad niya baka may pera rin ako na hindi nauubos. Ang alam ko kasi malaki ang kita ni Joanna kahit papaano. Hindi ito naze-zero. Kung sarado naman ang parlor niya, tiyak ko na may service siya sa bahay-bahay.

Pero hindi ko naman dapat pairalin ang inggit dahil alam ko naman na uunlad din ang kabuhayan ko. Darating ang araw na hindi na siya parang isang kahig at isang tuka. Isa pa nakakapangit ang negatibong pag-iisip. Kailangan kong maging positibo. Dapat na magpaka-positibo. Kung iisipin ko ang inggit-inggit na iyan baka madagdagan lang ang kapangitan ko sa katawan. Baka magkaroon ako ng wrinkles at baka madagdagan pa ang mga pimples ko sa mukha. Mahal pa naman ang mga beauty product at wa akong anda para bumili.

Inisa-isa kong ayusin ang mga paninda para maka-attract ng mamimili. Alam ko na fresh ang mga paninda ko pero dapat maganda ang presentation para bongga. At para mas lalong makakuha ng atensyon ng mamimili kailangan ko ng pakulo. Kailangan kong umeksena. Siyempre dahil marunong naman akong sumayaw at kumanta gagamitin ko iyon.

Walang pagdadalawang-isip. Nagsimula akong mag-sing and dance. With the tune of pa ng 'bili na mga suki, presyong Divisoria.'

"Bili na mga suki. Presyong kaibigan. Sampu-sampu at bente-bente lang. Depende sa kilo ang presyo ng iba. Pero sigurado makakamura ka!" Sinabayan ko pa ng pag-sway ng hips at mala-Pia Wurtsbach na kending at twist.

Nagsimulang dumumog ang mga mamimili sa pwesto ko. Siyempre aligaga ang aking beauty. Natigil ako pansamantala sa pagsasayaw at inasikaso sila. Talagang bongga ang paraan ko.

Tanghali pa lang, eksaktong alas-onse, ubos na ang paninda ko. Well, hindi naman pala totally dahil may natira pa sa mga iyon pero hindi naman masasayang dahil iyon na ang lulutuin ko para sa lunch namin ng mga kapatid ko. Agad kong inayos ang pwesto at niligpit ang mga kagamitan ko sa paninda katulad ng weighing scale at mga nigo. Nilagay ko iyon sa kariton na matagal ko nang pag-aari. Bago umuwi, bumili muna ako ng isda sa kaibigan kong tindera. Nakamura pa ako na bet na bet ko naman.

Pag-uwi ko sa bahay, naabutan ko na doon ang kapatid kong nasa high school.

"O, nandito ka na pala, Daisy. Mabuti naman para matulungan mo ako sa pagluluto."

"Maaga kasi kaming pinauwi, Kuya. Nagkataon rin na wala 'yong teacher namin sa last subject." Sabi niya sabay lapit sa akin. Kinuha niya ang mga dala ko.

Kuya. Sanay akong tinatawag nilamg kuya. Hindi na ako umaarte na dapat 'ate' ang tawag nila sa akin. Wala naman kasing kaso sa akin ang ganoon. Lalaki pa rin ako na nangangarap na maging babae.

Malaki rin ang pasasalamat ko na sinusunod ako ng mga kapatid ko. Dagdagan pa na mababait at responsable sila. Sa sitwasyon namin, alam nila kung ano ang dapat i-priority. Madidiskarte rin sila katulad ko.

Nagsimula kaming pagtulungan ang kakainin namin. Ako ang nakatoka sa paglilinis ng isda. Inutusan ko si Daisy na magsaing na agad naman niyang sinunod. Nang matapos ako sa paglilinis ng isda, prinito ko na iyon. May pasigaw-sigaw pa akong effect dala ng tilamsik ng mantika. Kahit kailan talaga hindi ako masasanay sa pagpi-prito. Pinagtatawanan na lang ng aking kapatid ang kagagahan ko.

Ilang minuto bago matapos ako sa pagpi-prito dumating ang dalawa ko pang kapatid. Agad na kumulo ang dugo ko nang makita ang hitsura ng kapatid ko. Madumi ang damit nito na tila nagpagulong-gulong sa lupa.

"Anong nangyari kay David?" Tanong ko kay Dexter.

"Napaaway po, Kuya."

"Napaaway? Bakit? Sino ang umaway sa kanya?"

"'Yong mga tambay na bata. Inaasar nila kami na bakla ka raw at nangunguha ng lakas ng lalaki."

"Dapat hindi mo na pinansin, David." Baling ko sa kapatid ko na patuloy pa rin sa pag-iyak. "Ang mga taong makitid ang utak hindi na dapat pinapatulan. Kilala niyo ako at hindi mababago ng sinasabi nila ang pagkatao ko."

"Nakakaasar na kasi, Kuya. Sa tuwing dumadaan kami ni Dexter lago nilang sinisigaw na bakla ka. Na salot ka daw sa lipunan. Tapos pati ako tinatawag nilang bakla rin." Paliwanag nito sa pagitan ng pag-iyak.

Ginulo ko na lang ang buhok niya upang kumalma. "Hayaan mo na. May araw din sila. Kilala mo ako. Kapag naasar at nakanti ka nila ng malala malalagot sila sa akin."

"Sana nga kantiin mo na  lang sila para maturuan ng leksyon. Para makita nila na kahit babakla-bakla ka hindi ka dapat apakan."

Hindi ko mapigilan ang maluha sa sinabi ng kapatid ko. Damang-dama ko ang pagmamalaki nila sa akin. Hindi sila katulad ng iba na makitid ang utak at lalayuan ako dahil sa pagiging iba ko. Niyakap nila ako ng buong-buo. Nirerespeto at pinapahalagahan. Sana nga lang dumating din sa buhay ko ang isang tao na romantic love ang ibibigay sa akin.



JOANNA'S POV


"BAKIT ganoon? Bakit may mga taong ang tingin sa atin salot at hindi kapaki-pakinabang? Bakit ba nila niyuyurakan ang pagkatao ng mga katulad natin?"

Napakunot na lamang ang noo ko nang marinig ang litanya ni Diega. Kapapasok pa lang niya sa parlor ko ngunit iyon na kaagad ang arrive ng bruha.

Itinigil ko ang pagwawalis at pinasandig ang walis tambo sa dingding na pader. "Ano ang drama mo, Diega? May pinagdadaanan ka ba?"

"Oo, Ateng! May pinagdadaanan ako at naba-bother ako." Eksaherada niyang sagot.  "Si Dexter umuwi kanina umiiyak. Pinagtanggol ako sa mga taong walang magawa na tinatawag ako ng kung ano-ano. Iyong pobre kong kapatid pinagtanggol ako kaya napapaaway."

"Ganoon naman talaga. Hindi naman maiiwasan na may mga taong manghuhusga sa mga katulad natin. Kung palagi natin silang papansinin tayo rin ang magiging kawawa at talunan sa huli."

"Alam ko naman 'yon pero minsan kahit hindi tayo naapektuan 'yong mga malalapit na tao sa paligid natin ang nagsa-suffer. Hindi ko keribels ang ganoon, Joanna. Sa muli, kung mapapa-away ang kapatid ko talagang reresbak na ako. Hindi ko ipapagapi ang beauty ko. Hindi ako magpapatalo lalo na kapag pamilya ko ang sangkot."

Napangiti ako sa sinabi niya. "Bilib talaga ako sa 'yo, Diega. Kapag mga kapatid mo talaga ang involved hindi ka papayag na hindi gumanti. Proud ako sa 'yo."

"Naman!" Pagmamalaki niyang sabi. "Sila na lang ang mayroon ako kaya aalagaan ko sila." Nag-pose ito na parang beauty queen. "And I do believe na ang pamilya ang laging susuporta sa akin kaya dapat na suportahan ko rin sila. Sila ang aakay sa akin sa pagtanda kaya dapat ko silang pahalagahan and I thank you."

Natawa na lang ako sa ginawa niyang paglalakad. May pakendeng-kendeng pa at talagang ginagaya ang paglalakad ala Pia. Siyempre hindi naman ako nagpakabog. Rumampa rin ako. Puro tawanan ang mga sumunod na sandali. Wala na kaming pakialam kahit magmukha kaming timang. Wala talagang dull moment kapag kasama ko si Diega. Maituturing ko na siyang happy pill.

My Friend, My EnemyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon