Chapter 3 - Jungkook

250 10 9
                                    

Mga ilang minuto din akong nakatayo lang sa harapan ng salamin habang pilit pa ring pino-proseso ang mga pangyayari. Nang marinig nanaman ang intro ulit ng Magic Shop na kanina pa paulit-ulit na tumutugtog, naglakad na ako pabalik sa banyo. Saglit ko munang pinagmasdan ang mumurahing cellphone bago ito tuluyang pinatay. Mabuti na lang at wala itong lock kaya hindi ako nahirapan.

Saglit ko munang pinagmasdan ang wallpaper-- ang nakangiting mukha ng isang BTS member. Hindi ko kabisado kung sino ito sa pitong mga itlog na 'yon. Tinitigan ko muna nang matalim ang nakaismid na lalaki bago sinilip na ang likod ng phone upang basahin ang tatak nito, Vivo. Tumaas ang kilay ko sa nabasa at pagkatapos ay kibit-balikat nang ibinalik ito sa puting cabinet. Huminga ako nang malalim at luminga sa paligid.

Linisin ko raw ang lahat ng ito sabi ng babaeng butiki kanina. Sa paraan ng pagkakautos nito sa'kin, sa tingin ko ay personal assistant niya ang Koryanna na ito. Sandali. Nasa loob ako ng katawan ng Koryanna na 'to, kung sino man siya, eh 'di ang ibig sabihin nito ay personal assistant ako ng babaeng butiki na 'yon?

Hindi maaari! Ayokong maging alalay ng babaeng 'yon!

Imbes na gawin ang pinag-uutos ng butiki, nanatili akong nakatayo sa harapan ng salamin sa banyo at pilit pinakakalma ang sarili. Kailangan kong mag-isip ng paraan para makabalik sa dati kong katawan. Hindi ako maaaring manatili sa katawan ng pangit na Koryannang ito, na sa ngayon ay nakikita ko sa salaming nakakunot ang mga noo at matalim na nakatitig sa repleksiyon. Imposibleng sa dinami-dami ng maaari kong masapian, sa pangit na ito pa. Biglang lumaki ang mga mata ng babae sa salamin nang mapagtanto na marahil nga ay hindi ito totoo.

Hindi kaya nananaginip lang ako?

Malakas kong sinampal ang sariling mukha upang magising na ako sa bangungot na ito. Namula ang mga tuktok ng natuyong tagiyawat sa kanang pisngi ng babae sa salamin kung saan dumapo ang palad ko.

"Ah jinjja!" inis kong bulalas sa tahimik na silid.

Hindi pa ako nakuntento sa simpleng sampal lang kaya't gamit ang nanlalamig na kamay, inabot ko ang isang wooden hairbrush sa tukador at walang pagdadalawang-isip na ipinukpok ito sa sariling ulo.

"Ayah!" hiyaw ko nang maramdaman ang kirot na tila kidlat na tumusok sa may bumbunan ko.

Kinapa ko ito at napansin ang maliit na bukol na marahil ay gawa ng ipinukpok ko. Sa tabi nito ay parang maliit na sugat naman na lalong kumirot nang madantayan ng daliri ko. Naalala ko ang cheap stilleto kanina sa bath tub. Nakita ko ang dagling panlilisik ng mga mata ng babae sa salamin nang mapagtantong gawa ito ng stilleto na 'yon na siguradong siyang ibinato ng butiki sa'kin kanina para gisingin ako. Ang walanghiya!

Subalit, ang matinding inis ay mabilis na napalitan ng pagtataka. Mukhang totoo ngang nasa loob ako ngayon ng  pangit na Koryannang ito at hindi ako nananaginip lang. Aish! Hindi pwede 'to! Kailangan ko nang makabalik sa sarili kong katauhan bago pa man makabalik sa silid na ito ang butiking iyon! Hindi ako maaaring maging personal assistant ng kahit sino lang.

"Nasaan na ba ang totoo kong katawan?" malakas kong sigaw.

Umalingawngaw lang ang boses ko sa apat na sulok ng hotel room. Rinig ko sa sarili kong boses ang halatang pigil na pagkataranta. Hindi ako kailangang maging histerikal, saway ko sa sarili. Kailangan kong manatiling kalmado. Kailangan kong pag-isipang maigi ang nararapat kong gawin.

Kalma. Ako si Kyanna Kim. Hindi ako dapat natataranta ngayon. Hindi ako dapat unti-unting nakakaramdam ng takot. Hindi dapat ako basta-basta mapapaluhod ngayon sa sahig dahil sa matinding panghihina ng mga tuhod. Subalit kusa nang tumiklop ang mga binti ko hanggang sa napasalampak na ako sa malamig na sahig ng banyo.

The Magic in Our Galaxy (BTS Fan Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon