THREE

7.4K 100 2
                                    


UMIIYAK si Ciarra hanggang sa marating ang bahay nila. Hindi niya inaasahan na nasa bakuran ang nanay niya kung kaya nakita agad nito ang hitsura niya.

Magkahalong pagtataka at pag-aalala ang bumakas sa mukha nito habang inuusisa siya kung ano ang nangyari sa kanya. Napilitan tuloy siyang sabihin ang totoo.

Ganoon na lang ang pagsulak ng galit ng nanay niya nang malaman ang nangyari. Dati nang mainit ang dugo nito kay Miguel dahil lagi siyang nabibiktima ng mga kapilyuhan nito. Kaya nga lately ay iniiwasan na niyang magsumbong dahil hindi na nagpapansinan ang kanyang ina at ang mama ni Miguel. Magkagalit na ang mga ito.

Malapit siya kay Lola Remy, ang lola ni Miguel. Si Lola Remy ay nanay ni Tito Oscar. Kaya niya sinasabi kay Lola Remy ang mga kalokohan ng apo ay upang mapagsabihan at mapangaralan si Miguel. Ang kaso, mukhang hindi pa rin effective ang pangangaral ni Lola Remy dahil ganoon pa rin si Miguel.

Napabuntong-hininga na lamang siya. Pinaligo na siya ng nanay niya. Paglabas niya ng banyo ay wala na ito sa sala . Mahigit dalawang oras ang lumipas bago ito bumalik. Nauna pa ngang dumating ang Ate Cita niya galing eskwelahan. Graduating na ang kapatid sa high school. Magkokolehiyo na ito sa susunod na taon.

"Saan po kayo galing, 'Nay?"

Humihingal pa ito. "Tiyak, makakastigo na ang saragateng 'yon."

Napamulagat siya. "Bakit po? Galing po ba kayo sa kabila—kina Tita Chona?"

Tinungo nito ang refrigerator at naglabas ng pitsel ng malamig na tubig. Nakaubos ito ng dalawang baso.

"Walang mangyayari kung ang ina at lola lang ang makaalam. Pinuntahan ko si Oscar sa tindahan nila." Ang tinutukoy nito ay ang stepfather at tiyuhin ni Miguel na may tindahan ng mga feeds sa bayan.

Ipinagbubuntis pa lang daw ni Tita Chona si Miguel nang ma-ambush ang nobyo nito na isang sundalo na kapatid naman ni Tito Oscar. Pagkalipas ng mahigit isang taon ay nagpakasal si Tita Chona kay Tito Oscar. Hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaanak ang mag-asawa.

Kay Lola Remy niya rin nalaman na dati palang magnobyo ang nanay niya at si Tito Oscar. Hindi nagkatuluyan ang dalawa dahil chickboy raw noon si Tito Oscar kaya ang nagpakasal ang nanay niya at ang  kanyang Tatay Omeng.

"Sana hindi n'yo na lang sinabi, Nanay." Bigla siyang inalihan ng pag-aalala. Kahit paano ay natatakot siya para kay Miguel. Ilang beses na rin kasi niyang nakita kung paano kastiguhin ng amain nito. Talagang lumalatay sa balat nito ang hagupit ng sinturon. Mula nga noon ay iniiwasan na niyang magsumbong kay Tito Oscar .

"Mabuti na rin na malaman n'ya, anak. Somusobra na 'yang kaklase mo."

"Eh, Nanay, mapapakinabangan pa naman 'yong notebook ko. Nakuha naman po sa punas at matutuyo na."

"Kahit na. Hindi pa rin maganda 'yong ginawa n'ya sa 'yo. Baka sa susunod, ikaw na ang ihagis ng lokong 'yon. Huwag lang siyang magpapakita sa akin at talagang kahit kaharap ang nanay niya, hahambalusin ko siya ng  walis tingting."

Galit talaga ang nanay niya. Iniwan na niya ito sa kusina upang harapin na niya ang mga homework niya.

"Bakit, ano na naman ba ang ginawa ni Miguel, ha?" tanong ng Ate Cita niya na nasa sala at may binubuklat na glossy magazine.

Ikinuwento niya  rito ang nangyari. Sinimulan niya sa kalokohan ni Miguel sa klase nila hanggang sa paghagis nito sa gamit niya.

Nangingiti ito. "Ikaw naman, bakit naman kasi siya lang ang inilista mo gayong hindi lang naman siya ang maingay? Siya lang tuloy ang napahiya at nagmukhang engot. Talagang maaasar nga sa 'yo 'yon."

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon