TEN

2.6K 61 0
                                    


"MAY PROBLEMA ba, anak?"

Mabilis na hinamig ni Ciarra ang sarili nang marinig niya ang boses ng  kanyang ina. Hindi niya namalayang nakapasok ito sa kuwarto niya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakaupo at tulalang nakatitig sa salamin ng dresser niya.

Paparating na sina Justin. Lahat ay nakahanda na . Nakagayak na rin ang nanay niya, nakasuot ito ng simpleng  bulaklaking bestida. Maayos na nakapusod ang buhok nito at may manipis na pahid ng makeup ang mukha nito.  Kinuha nito ang hairbrush sa ibabaw ng tokador at marahang sinuklay ang mahabang buhok niya.

"May bumabagabag ba sa 'yo, anak. May problema ka ba?"

"Naku, wala po, 'Nay. " Pilit niyang pinasigla ang kanyang ekspresyon. "Kinakabahan lang po ako."

Bumuntong-hininga ito. "Nang araw na ipaalam mo sa akin na nagyayaya nang magpakasal si Justin, agad kong ibinigay ang  basbas ko. Dahil alam kong magiging mabuting kabiyak si Justin sa 'yo. Masaya ako at nalulungkot din. Natural na siguro sa isang ina ang makaramdam ng ganoon dahil ang kanyang anak na kasa-kasama niya sa loob ng maraming taon ay mawawalay na sa kanya at  magkakaroon na ng sariling pamilya at bubukod na kayo. "

"Nanay, ha, walang mag-e-emote, sayang ang makeup," pabirong sabi niya rito.

Mabilis na pinahid  nito ang namumuong luha sa mga  mata nito. "Masaya ka ba, anak?"

"Opo naman,"  kulang sa siglang sagot niya.

Nang-aarok ang titig ng ng kanyang ina sa kanya na para bang may gusto itong sabihin pero sa huli ay nagbago ang isip. "O, siya tapusin mo na ang paggagayak mo at tatawagan ko lang ang ate mo."

Nang makalabas na ito, mabilis na tumayo siya  at tinungo ang cabinet. Inilabas niya mula roon ang isang maliit na kahon. Sa kahuli-hulihang pagkakataon ay may gusto siyang makita. Binuksan niya at inilabas ang lahat ng laman ng kahon.

Titig na titig siya sa isang pares ng hair clip. Kulay pink iyon. Parang hinaplos ng mainit na bagay ang dibdib niya nang makita ang mga bagay na nagpapaalala sa kanya sa isang tao.

"Ang kunat talaga nito, tig sampung pisong hair clip lang pala ang laman. Eh, mas mahal pa 'ata itong kahong pinaglagyan mo. "

"He-he 'buti nga meron. Teka nga, ang dami mong reklamo. Alam mo naman na nag-iipon talaga ako kasi may gusto akong bilhin. Hamo, kapag may work na ako at kumikita na ako, mamahaling hair clip na ang ireregalo ko sa birthday mo. Teka, 'yang kahon balik mo sa akin, hiniram ko lang 'yan sa pinsan ko."

"O, ayan na. Pero okay na itong hair clip. Basta, huwag mo na uli akong bibigyan ng panyo, ha. Ayoko no'n. Baka nga kasi paiiyakin mo ako."

"Sus, nagpapaniwala ka naman sa kasabihan na 'yon. Hindi naman totoo iyon. Never kitang paiiyakin."

Malungkot na ibinalik niya  sa kahon ang hair clip. Dinampot niya ang isang larawan. Larawan iyon ni Miguel, kuha noong first year college sila. May sariling camera na ito noon. Nakabili ito mula sa ipon nito. Siya ang kumuha ng larawan na iyon.

Sunod niyang kinuha ang isang maliit na Hallmark card. Binuklat niya iyon at bumulaga sa kanya ang kulay berdeng bubble gum nakadikit sa ibabang bahagi kung saan naroon ang pirma ni Miguel. Masakit na ang lalamunan niya sa pagpipigil ng emosyon. Namalayan na lamang niyang namamasa na ang mga mata niya habang hinahaplos niya ang bubble gum.

My one and only Engkandiyosa,

My heart is racing..

Can you feel it?

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon