EIGHT

7.8K 116 18
                                    


"IKAW na muna ang bahala rito, Ludy. Magpapahatid lang ako sa palengke at sa  grocery,  pagkatapos ay  pababalikin ko na rin agad ang van para mai-deliver na ang order ni Mister Tansinco. Huwag mong kalimutang bilinan si Estong na may kukuning tseke at dated dapat iyon," nagmamadaling bilin ni Chona sa katiwalang tindera.

"Opo, Ate."

Kalahating oras lang ang ginugol niya sa pamamalengke at paggo-grocery. Palibhasa ay kabisado na niya kung ano ang mga rekadong bibilhin para sa lulutuin niyang putahe na paborito ng kanyang unico hijo.

Inihatid muna siya ng driver sa kanilang bahay. "Kaunti lang ito, Estong, ako na ang bahalang magpasok sa loob. Bumalik ka na sa tindahan at kailangan nang ma-ideliver 'yong order ni Mr. Tansinco."

"Sige po."

Wala sa loob na napatingin siya sa kabilang bahay. Sa loob ng maraming taon ay walang nabago sa dating bahay ng mag-inang Alice at Ciarra. Iba na ang mga nakatira doon --  mag-asawang kapwa mga guro at may isang anak na lalaki. Matagal nang naibenta ang bahay at lupa na iyon. Matagal na panahon nang wala siyang balita sa mag-inang Alice at Ciarra.

Alam na niyang hindi si Alice ang sinamahan ng asawa niya. Natuklasan niyang ibang babae ang kinakasama ni Oscar at naroon ang mga ito sa Baler, Quezon. Masakit man ngunit natutuhan niyang tanggapin na hindi na babalik si Oscar sa kanya. Walang mahalaga sa kanya ngayon kundi ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang inaasam  kundi ang umuwi na ito sa piling niya at huwag nang umalis pa. Ngunit alam niyang malabong talikuran nito ang propesyon. Tiyak na babalik at babalik ito sa paggagalugad sa bawat sulok ng bansa. Hindi na niya kayang pigilan ang anak sa mga gusto nitong gawin sa buhay.

How she wished na may isang tao sana na maaaring makaimpluwensiya rito  upang hangarin na lamang nitong manatili sa isang lugar.

Naisip niya si Mercedes na isa nang dentista at may sarili nang dental clinic sa bayan. Dalaga pa rin ito. Noon pa man ay gustong-gusto niya ito  para sa unico hijo niya.

Napabuntong-hininga siya. Somehow, alam  niyang malabong magkatuluyan sina Miguel at Mercedes. May isang bagay siyang natiyak sa kanyang anak. Alam niya at nararamdaman niya na sa loob ng ilang taon ay nanatiling iisang babae lamang ang may hawak ng puso nito.

"Nanggaling dito si Ciarra, Mama," naalala niyang sabi ni Miguel sa kanya nang madatnan niya itong gising. Kababakasan ng lungkot at pag-alala ang mukha nito.

Hindi siya maaaring magkamali sa narinig. Si Ciarra  ang tinutukoy nitong saglit  dumalaw noong nasa ospital siya. Hindi niya maiwasang gunitain ang isang bahagi ng nakaraan.


"KAYA  pala ayaw mong ipalinis sa akin ang cabinet mo ay dahil may itinatago ka. Nilagyan mo pa talaga ng kandado. Ito, ang mga ito ang sobrang iniingatan mo." Ibinagsak ni Chona  sa sahig ang kahon. Sumabog ang laman niyon, loveletters, cards, at  pictures nina Miguel at Ciarra.

Nagulat ang anak niya. Hindi nito  inakala na makukuha niya ang susi sa loob ng nilabhan niyang pantalon  nito kaya nabuksan niya ang cabinet nito. At tumambad sa kanya ang mga sulat ni Ciarra.

"Akala mo ba, hindi ko kayo nahahalata ng babaeng iyon! Hindi ko na gusto ang mga nakikita ko sa inyo. At hindi nga ako nagkamali sa kutob ko."

Isa-isang pinulot nito  ang mga sulat, nanatiling tikom ang bibig nito.

"Ang daming babae, Miguel. Bakit siya pa? Bakit?"

" Ano po bang problema kay Ciarra, Mama?"

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon