FIVE

6.7K 80 0
                                    


"PUMAYAG ako na dumalo ng JS Prom si Ciarra pero inaasahan kong bago mag-alas-onse ay narito na siya," malumanay na bilinl ni Tita Alice kay Miguel.

"Huwag po kayong mag-alala, Tita. Wala pang ala-onse ay uuwi na po kami," paniniyak  ni Miguel.

"Inaasahan kong magbe-behave kayo. Lalo ka na, Miguel. Huwag kang gagawa ng mga bagay na magiging dahilan upang magalit na naman ako sa 'yo. Tandaan mo, ayokong may mangyaring hindi maganda kay Ciarra. Mananagot ka sa akin. Nagkakaintindihan ba tayo?"

"Opo, Tita," sinserong tugon niya. "Magtiwala po kayo sa akin. Hindi ko po pababayaan si Ciarra."

Tinitigan siya ni Tita Alice, halatang inaarok nito ang sinseridad sa sinabi niya.

"Pasensiya ka na. Hindi lang maalis sa akin ang mag-alala," sabi nito, saka nagbuntong-hininga.

Kapag ikaw ang kasama ni Ciarra, kabado talaga ako, parang  nababasa ni Miguel ang mga salitang iyon sa magandang mukha ng ginang. Kunsabagay, hindi niya ito masisisi. Aminado siyang naging maloko siya noon. Palagi kasi niyang nakakatuwaang asarin si Ciarra. Aliw na aliw siyang nakikitang napipikon ito at saka maglulupasay ng iyak hanggang sa hahabulin siya para lang makaganti sa kanya. Hindi siyempre siya nahuhuli nito dahil mabilis siyang tumakbo at magaling siyang magtago.

"Huwag sanang sasama ang loob mo, Miguel. Pinag-iingatan ko lang ang aking anak."

"Naiintindihan ko po kayo, Tita," aniya. "Ang totoo, noon ko pa po dapat sinabi ito. Humihingi po ako ng tawad sa mga nagawa ko..." Nahinto siya sa sinasabi nang biglang lumitaw si Ciarra.

May kung ilang segundo siyang napatanga nang humagod ang tingin niya sa kabuuan nito, partikular sa maamong mukha nito.

"O, anong masasabi mo, madir, sa inyong prinsesita?" maarteng sabi ng baklang nasa likuran ni Ciarra.

"Wow! Ikaw ba talaga 'yan, Ciarra!" hindi napigilang bulalas niya. Hindi siya makapaniwala sa naging transpormasyon nito. Mula sa pagiging simple ay isa na itong  napakagandang babae. In fact, kahawig nito ang artistang si Angelika Panganiban.

Noon lang niya napansin na dalaga na pala ito. Maganda na ang hubog ng katawan nito. Palibhasa, bahagya niya lang itong tapunan ng pansin noon. At ngayon lang din  ito nag-ayos at nagbihis nang ganoon. Ang  pink na gown nito ay lapat na lapat sa katawan nito. Nakalitaw ang makinis at mapuputing balikat nito dahil spaghetti-strapped iyon.

Hindi na niya ito puwedeng tuksuhing "batsoy".  Malusog pa rin ito pero   tamang-tama lang ang pagiging malaman nito. Humaba na rin ang buhok nito. Her soft and shiny long hair was braided neatly.

"Asus, na-starstruck na nga ang escort sa kagandahan ng aking obra," malanding tudyo ng bakla. "O, ano'ng sabi ko sa 'yo, Ciarra? Naniniwala ka na sa akin na isa kang 'engkandiyosa'."

Napabungisngis naman si Ciarra. "'Engkandiyosa' ka d'yan! Gusto mo lang dagdagan ni Nanay ang TF mo kaya panay ang bola mo sa akin."

Tumikwas ang isang kilay ng bakla, sabay malanding dumekuwatro sa sofa. "Excuse me, I'm just telling the trulili, ano! Hindi ako etchosera."

"Hindi nga, maganda ka talaga, Ciarra," giit  niya.

"O, siya, umalis na kayo para maaga kayong makauwi," sabad  ni Tita Alice, na biglang naging pormal ang mukha.

"Asus, si Madir, super-worried na sa kanyang byuting dyukanis."

Tumindig na siya at inalalayan sa siko si Ciarra.

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon