Then He Jumped
NANGUNOT ang noo niya nang umilaw ang buong kabahayan nang ilang segundo lamang pagkatapos ay dumagundong ang malakas na kulog. Natagpuan niya ang sarili niya sa hindi pamilyar na silid. Malawak iyon, at ang una niyang napansin ay ang kulay langit nitong dingding. Magaan sa mata ang azul na kulay tuwing umaga, ang kisame ng silid na tila mga ulap sa puti nitong kulay.
Hindi siya pamilyar sa kung nasaan siya. Wala siyang ideya kung kaninong silid iyon. Wala siyang maalala sa kung ano ang nangyari sa kanya. Wala siyang matandaan. Nasaan siya?
Wala ni isang pamilyar na mukha ang nasa frame na nakasabit sa dingding. Ilang litrato rin kasi ang nakasabit doon. Mayroong isang buong pamilya. Limang miyembro: ang nanay na nasa pinakakanan habang kalong-kalong ang isang batang nakangiti rin kahit hindi nakaharap sa camera at nawawala ang mata sa pagkakangiti, ang asawa nito na nasa likod at nakangisi, may isang babae na may kulay ang buhok na sigurado siyang ito ang panganay dahil bata pa ang dalawa, may katabi ito na sa tantiya niya'y mga pitong taon ang bata kaysa sa babae.
Ang katabi naman nitong frame ay lalaki na nakasuot ng puting toga, nakangiti na tila ipinagyayabang sa buong mundo na nakapagtapos ito ng sekondarya. And susunod naman ay portrait nitong naka-coat na puti at naka-itim na pantalon. Maamo ang hitsura ng lalaki sa litrato. Maganda ang ngiti nito, at mukhang namana nito ang mga mata ng nanay nutong nawawala ang mata sa tuwing ngumingiti o tumatawa. May pagkakulot ang buhok nito na umaalon ngunit kahit magulong tingnan ay bagay iyon sa binata.
"Gising ka na pala. Tagal mo ring tulog, ah?"
Halos mapatalon siya nang may biglang magsalita sa kanyang likuran. Hinarap niya ito at nakita niya ang isang lalaking nakaputing polo na may mahabang manggas at itim na pantalon. Suot din nito ay pares ng leather shoes na itim. Seryoso ang hitsura nito at nakatingin lang sa kanya.
"Sino ka?"
Iyon agad ang kanyang nasambit dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling. Ang pinto ay nasa bandang kanan niya kaya mapapansin niya agad kung magbubukas iyon.
Kumunot ang noo nito. "Mahalaga pa ba kung kilala mo ako o hindi? Bakit hindi ka na lang magpasalamat na dinala kita rito?"
"Ikaw ang nagdala sa akin dito?"
Nagkibit-balikat lamang ito, iniiwas ang paksa tungkol doon. Gusto niyang usisain ito ngunit pakiramdam niya ay wala siyang makukuhang matinong sagot mula sa lalaking kaharap.
Sa ilang minuto nilang tinagal sa loob ng silid na iyon, walang nagsalita ni isa sa kanila. Hindi na rin niya ito tiningnan at binaling na lang ang atensyon sa pagtitig sa mga litratong kanina rin niyang tinitingnan. Narinig niya ang yabag ng paa nito sa paglakad papalapit sa kanya.
Tumigil ito sa tabi niya.
"Ito si Nanay Esmeralda," anito bigla at saka tinuro 'yong tingin niya kanina'y nanay sa litrato ng pamilya.
Tiningnan niya ito.
"Kalaunan ay itatanong mo rin sa akin ang pangalan nila. Mas mainam nang sabihin ko na sa 'yo." Huminga ito nang malalim at saka inilipat ang daliri sa lalaking nasa bandang likuran. "Ito si Tatay Ysmael. Tapos ang panganay nila, si Angelita. Ito si Nicholas at ang bunso ay si Alfredo."
Nang marinig niya ang lahat ng iyon ay parang mayroong pitik siyang naramdaman sa kanyang sentido't dibdib. Hindi niya alam kung bakit pero isa lang ang alam niya, sa tingin niya'y hindi pa niya kailanman nakikita ang mga mukhang iyon dahil hindi siya pamilyar.
"Bakit mo ako dinala rito?"
"Mahalaga sa 'yo ang lugar na 'to. Natural lang na dalhin kita sa lugar na malapit sa puso mo."
