Fondness in the Dark

76 5 4
                                    

Fondness in the Dark

Walang tigil sa pagtagaktak ang mga pawis ko sa noo. Pilit kong pinipigilan ang aking sariling mapahiyaw habang pinakikinggan ang bawat yabag mula sa likuran ko. Paulit-ulit din akong nagdarasal. Ipinapanalangin ko sa Diyos na sanaʼy magkaroon ng milagroʼt makalaya ako sa impyernong kulungang ito.

Panandaliang tumigil ang mga yabag at narinig ko ang tinig ng lalaking kanina pa ako hinahanap, "Dito ka lang pala nagtatago."

Sa sobrang takot ko ay napatakbo akoʼt naghanap ng lagusang malalabasan. Nguniʼt, katapusan ko na yata dahil mukhang narating ko na ang hangganan.

"Wala ka nang kawala," nakahihilakbot na saad ng lalaking nakasunod sa akin. Mabilis siyang tumakbo papalapit sa akin at hinapit ang suot kong gutay-gutay ng puting bistida hanggang sa tuluyan na itong mapunit.

Walang ibang maririnig sa buong gusali kundi ang palahaw kong iyak habang nagmamakaawa sa hayop na lalaking paulit-ulit na bumababoy sa aking katawan.

#

"Miss!"

Naimulat ko ang aking mga mata nang marinig ko ang sigaw ng isang lalaki. Bigla akong napabangon sa pagkakahiga at nanatili sa isang sulok habang yakap-yakap ko ang aking sarili. Malikot ang mga mata kong nagpapabalik-balik ang tingin sa lalaking gumising sa akin at sa lugar na kinalalagyan ko.

Mahahalata sa mga mata ng lalaking iyon ang pag-aalala at ang pag-iingat sa bawat kilos niya. Nguniʼt anoʼng dahilan para mag-alala siya sa akin, ngayon lang naman kami nagkita?

"Huwag kang matakot, hindi kita sasaktan. Hindi ako tulad ng lalaking nanakit sa iyo," malumanay niyang sinabi.

Wala akong imik. Wala akong tiwala sa kanya. Mukha siyang mabait pero hindi ako pwedeng magpadala roʼn. Baka katulad lang din siya ng ibang kalalakihan.

"Nagugutom ka na ba? May gusto ka bang kainin o inumin?"

Nakatitig lang ako sa kanya habang nagsasalita siya. Hindi ako sumasagot.

Umalis siya at 'di nagtagal ay bumalik din. May dala siyang mga pagkain. Mga prutas at tinapay ang laman ng basket na ipinatong niya sa mesang katabi ng kamang inuupuan ko.

"Kapag nagutom ka, kumain ka lang dʼyan. Ayos lang kung maubos mo. Marami naman niyan sa hardin." Matapos niyang sabihin iyon ay umalis na siya.

Muli kong inilibot ang aking paningin sa loob ng bahay. Mas maayos ito kung ikukumpara sa lugar na pinamalagian ko noon. Dito, napakaraming mga gamit—iba-iba at hindi pamilyar sa akin.

Naibaba ko ang tingin sa suot kong damit. Wala na ang gulagulanit kong kasuotan dahil napalitan na ito ng makulay na bistida.

Humarap ako sa tinatalikuran ko kanina. Bintana pala ito kaya kanina pa ako nakaririnig ng mga huni ng ibon. Dumungaw ako rito at nakita ang lalaking kasama ko kanina. Nagdidilig siya ng mga halaman. Napapaisip tuloy ako kung paano ako napadpad sa lugar na ito. Kung paanong biglaan ay nakalaya ako sa impyernong nilalagakan ko noon. Sino ba ang lalaking ito?

Sa pagmamasid ko sa paligid, alam kong malayo ang lugar na ito sa syudad. Mula kasi rito sa kinauupuan ko ay tanging mga halaman lang at mga puno ang natatanaw ko. Walang mga malalaking gusali 'di gaya sa kung nasaan ako noon. Ang palagi ko pa ngang nasisilip noon ay ang paa ng mga taong naglalakad. Palagi akong humihingi ng tulong sa napakaliit na butas na sinisilipan kong iyon at palagi ring umaasang sana ay may makapansin sa akin. Nguniʼt napakahabang panahon na ang nakalipas, wala ni isang nakapansin sa akin.

Bigla ay nakaramdam ako ng pagkalam ng sikmura kaya dali-dali akong kumagat ng mansanas. Noong una ay patikim-tikim lang ako ngunit ngayon ay halos maubos ko ang mga prutas sa basket.

War of Writing OutbreakWhere stories live. Discover now