Buhay OFW
"Basta 'Ma, huwag ho kayong mag-alala at kapag nakuha ko na ho ang sahod ko ay magpapadala ako kaagad sa inyo," nakangiting sabi ko.
"Salamat, anak."
"Welcome, Mama. Sige na po, tapos na ang break ko. Mag-iingat kayo riyan ni Papa. I love you both and I miss you," muli akong ngumiti at kumaway pa.
"Sige, anak. Ikaw rin mag-iingat diyan. I love you rin, miss ka na rin namin ni Papa mo," nakangiti ring sabi ni Mama.
"Bye, 'Ma," sabi ko saka ibinaba ang videocall.
Halos dalawang taon na akong nagtatrabaho rito sa ibang bansa at ito ang kauna-unahang trabaho ko rito. Maswerte naman akong natanggap kaagad sa trabaho at naging Visual Merchandiser ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko ngayon.
Napabuntong-hininga ako at naihilamos ang palad sa aking mukha. Saan na naman ako kukuha ng pera na ipapadala kina Mama? Tatlong buwan ng delay ang sahod ko. Hindi ko naman magawang sabihin sa magulang ko na ganito na ang sitwasyon ko rito. Ayoko na mag-alala sila sa akin. Hindi ko kasi magawang matiis na hindi makapagpadala sa kanila. Hindi ko kayang humindi at hindi ko kayang magsabi ng wala. Kaya hangga't kaya kong gawan ng paraan ay gagawin ko.
Nang makabalik ako sa shop ay kaagad akong sinalubong ni Ate Lenny.
"Shai, nariyan si taba at hinahanap ka." Napangiwi ako dahil sa sinabi ni Ate Lenny. Ang 'taba' na tinutukoy niya ay ang General Manager ng company na pinagtatrabahuhan ko.
"Talaga namang ngayon pa niya naisip na bumisita. Jusko! Sa rami ng problema gusto ko na lang matulog," nakasimangot na sabi ko. Tinawanan na lang ako ni Ate Lenny saka tinapik ang balikat ko.
Umakyat ako sa taas kung saan naroon ang Garments section. Nakita ko si Sir na nasa Men's Garments section kaya ro'n ako dumiretso.
"Good evening, Sir," bati ko ng makalapit sa kanya. Tiningnan niya lang ako saka siya humalukipkip.
"Shaira, I told you before to put all Turkey items at that side. Right?" sabi niya sabay turo sa dulong parte ng Garments section. "Why you not do?" seryosong tanong ni taba.
"I did. But when Sir Ali came, he told me to bring all the Turkey items at that side," sagot ko sabay turo naman sa kabilang parte ng Garments section.
"Ali? Kaliwali!" inis na sabi ni Sir. Wala raw siyang pakielam kay Ali. "You listen to me. Bring all Turkey items at that side," sabi ni Sir Pouria a.k.a taba saka ako inalisan.
Napapikit ako kasabay ng pagkamot ko sa pisngi ko. Ito na naman sila sa kakautos. Sa rami ng boss dito sa company na 'to ay hindi na malaman kung sino ba ang dapat sundin. Maraming nasasayang na oras dahil sa paulit-ulit at pabago-bago ng ayos ng mga items.
"Kaunting tiis pa, Shai. Limang buwan na lang ay tapos na ang kontrata mo rito," bulong ko. Namewang ako at pinagmasdan pang muli ang display. Nanghihinayang ako sa oras na nilaan ko sa display na 'to tapos biglang babaklasin at ililipat ng puwesto. Nakakapikon! Idagdag pa na wala man lang pasahod.
Inabala ko na lamang ang sarili sa ginagawa kaysa sa mainis at isipin ang tungkol sa sahod.
Matapos ang pinagawa ni GM ay may isang oras pa ako bago matapos ang duty.
Nakagawian na kasi na bago magsara ang shop ay kinakailangan ng maglinis at magligpit ng mga items na nakakalat at hindi nakaayos. Kunin ang mga damit na nakasabit sa fitting room. Pagtapos at kung may oras pa ay magwawalis ng shop o kaya ay maglilinis ng banyo.
Araw-araw ay ganito ang gawain bago matapos ang duty. Nakakapagod pero kailangan gawin ang trabaho.
NANINIGARILYO ako sa labas ng shop habang hinihintay namin si Ate Mae na siyang kahera ngayong araw.