Prologue

69 2 0
                                    

Idolstar Restobar
Calumpang, Marikina City
July 19, 2019 Friday
9:05 PM

Iginarahe ni Dianne ang puting Honda Civic sa labas ng bar na iyon sa Marikina. Pagbaba ng sasakyan ay hinagod niya ng tingin ang paligid. Malamlam ang ilaw sa labas. May grupo ng magbabarkadang naninigarilyo roon. Binuksan niya ang sliding glass door at dumiretso sa loob. Masikip ang bar. Puno ng mga nag-iinuman ang mga mesang nasa gilid. May mga sumasayaw sa gitna ng dance floor, habang tumutugtog naman ang banda ng maingay at masayang tugtog sa mababang stage na iyon sa harapan.

Kararating lang niya ng bahay kanina mula sa trabaho nang tumawag sa kanya ang kaibigang si Lira. May importante raw itong sasabihin sa kanya kaya nag-usap silang magtagpo sa bar na ito sa Marikina, na naging tambayan na nila sa matagal na panahon. Nahihiwagaan siya sa ipagtatapat daw nito, kasi sa boses pa lang nito sa cellphone ay parang takot na takot na ito. Kaya naman kahit pagod na siya sa trabaho, hindi niya ito ipinagpaliban.

Naglakad siya sa loob at hinanap si Lira sa karamihan ng tao. At sa isang mesang nasa sulok nakita niya ito. "Lira," tawag niya. May baso at bote ng alak na nakapatong sa mesa nito.

"Dianne!" hinila agad siya ni Lira sa upuan, halata sa kanya ang matinding kaba. "Buti dumating ka. Nabalitaan mo na ba yung nangyari kay Phil?" natatarantang tanong nito. Hindi malaman kung paano sisimulan ang sasabihin.

"S-sino'ng..?" hindi natapos ni Dianne ang tanong dahil sa bilis ng pagsasalita ng kausap.

"Si Phil, yung bakla, yung nakasama natin sa house party. Hindi mo na matandaan? Patay na siya, Dianne. Na-overdose siya sa gamot. Eh, di ba may sakit yun sa tuhod?" Naroon ang takot sa boses ni Lira.

"Lasing ka na," mahinang sabi ni Dianne.

"Hindi ako lasing," sagot ni Lira. "Pinapunta kita dito kasi nga, gusto kong malaman mo itong mga nagyayari. Si Sir Luis, yung pulis. Natatandaan mo? Tsaka yung si... si Trisha, yung nawalan ng sapatos dun sa party? Patay na sila, Dianne! At natatakot ako, natatakot ako kasi pakiramdam ko, ako na ang susunod!"

"Huminahon ka nga muna," naiiritang sabi niDianne. "Hindi kita maintindihan. Ano ba'ng pinagsasabi mo?"

"Kilala mo ako, Dianne. Matagal na tayong magkaibigan. Since high school magkasama na tayo. Alam mong hindi ako basta-basta naghihinala nang walang basehan," paliwanag ni Lira, pagkatapos ay dinukot nito ang cellphone sa bag at nagpakita sa kanya ng mga pictures. "Tingnan mo 'to."

Kunot-noong tumingin si Dianne. Picture ng isang pulis ang naroon at ilang balita tungkol dito. Pag-scroll niya'y tumambad naman ang picture ng isang dalaga na  dalubhasa sa larangan ng ice-skating. Bumilang ng ilang minuto bago nakapagsalita si Dianne. "Oo, naalala ko na."

"'Di ba?" nanginginig pa rin ang boses ni Lira. "Sila 'yung kasama natin sa house party. Pero bakit isa-isa silang namamatay? Simula nung pumunta tayo dun sa party na 'yon—'yung party na inorganize ni Sir Kris, biglang nangyayari na lahat nang ito."

"Hindi kaya paranoid ka lang?" Hindi pa rin makumbinsi si Dianne. "Nabasa mo naman 'yung balita, 'di ba? Naaksidente sila."

"Oo nga, naaksidente sila. Pero sa tingin mo, simpleng aksidente lang 'yun?" Lumagok ng alak si Lira, at saka nagpatuloy. "Tatlong tao na nanggaling sa iisang event, magkakasunod na naaksidente. Sa tingin mo, nagkataon lang lahat ng 'yan?"

"So, ano'ng ibig mong sabihin? May serial killer na pumatay sa kanila?" Napabuntung-hininga siya. "Lasing ka na. Halika na, umuwi na tayo. Ihahatid na kita."

"Hindi nga ako lasing." At muling tumagay ang kaibigan. "Kapag may nangyaring masama sa akin ngayon, siguro naman maniniwala ka na sa akin."

"Lira, ano ka ba? 'Wag ka ngang magsalita ng ganyan," saway niya.

"Eh sa ganun nga 'yun eh. Dala mo ba 'yung sasakyan ng papa mo?" tanong nito.

"O-Oo, bakit?" tanong niya. 

Nagulat siya nang biglang hilahin siya nito patayo. "Halika, puntahan ulit natin 'yung resort. Kausapin natin si Sir Kris."

"Teka lang, gabi na!" pigil niya.

"Hindi 'yan. Tara." Pilit siyang hinila ni Lira. "Kung hindi natin tutuklasin 'yung pagkamatay nila, lahat tayong sampu na umatend dun sa party, lahat tayo mauubos."

"Lira, sandali..." nakaladkad siya nito sa gitna ng karamihan ng tao.

Napatapat sila sa isang umpukan kung saan nagkaroon bigla ng komosyon. Habang nagpupumiglas si Dianne sa pagkakahawak ni Lira, nagkaroon naman ng suntukan sa panig ng mga nag-iinuman. May mga nagsigawan at may mga nagtatangkang umawat. Nang malapit na sila sa sliding glass door, nakaalpas si Dianne kay Lira. Lumaki ang rambulan sa loob ng bar. Nagkatulakan. Kasama ang isang malaking lalaki, naitulak si Lira sa pintong salamin, dahilan para mabasag iyon. Napasigaw si Dianne. Bumangon agad ang lalaki, naiwang nakatihaya sa pagitan ng mga door frame si Lira. Nagkaroon siya ng mga hiwa ng salamin sa braso at mukha. Nahirapan siyang gumalaw. Nakita niyang nakatapat sa kanya ang basag na salamin na naiwang nakasabit sa frame ng pinto. At bago pa makalapit sa kanya si Dianne, nag-slide pababa ang naiwang basag na salamin at tumusok ang talim niyon sa dibdib ni Lira.

"Liraaaaaaaaa!!! Aaaaaaaaahh!!" Malakas na sigaw ni Dianne.

The House PartyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon