Epilogue

15 1 0
                                    

Forest Lake Memorial Park
San Miguel, Bulacan
August 18, 2019 Sunday
4:15 PM

Isang buwan ang mabilis na lumipas pagkatapos ng malagim na trahedya sa So Private Resort, naka-recover na si Sir Kris sa kanyang sugat sa likod. Nakaupo siya sa wheel chair. Nasa gitna siya ng malawak na sementeryong ito sa San Miguel Bulacan. Nasa harap siya ng puntod nina Kristine at Cynthia. Sa kanyang kaliwa ay nakatayo si Dianne. At sa kanyang kanan naman ay naroon si Mark. May benda ito sa kanyang kanang balikat at gasa sa kanyang kanang binti.

“Si Kristine ang nag-iisa naming anak ni Cecilia,” panimula ni Sir Kris. “Siguro nga masyado kaming naging makasarili sa pagpapalaki sa kanya. Hindi namin siya hinayaang makapamili kung saan siya higit na liligaya. Nagmahalan sila noon ni Albert. Pero palihim ang kanilang naging relasyon. Hindi kasi boto kay Albert ang asawa ko. Bukod kasi sa pagiging ampon nito ay salat pa sila sa buhay. Wala raw mapapala sa kanya si Kristine. Mas gusto ni Cecilia na ang makatuluyan ng anak namin ay si Edward Laxamana. Mayaman din kasi si Edward pero ayaw ni Kristine sa kanya.”

Iniabot ni Sir Kris ang hawak na bulaklak kay Dianne. Pinagpag muna ni Dianne ang ibabaw ng lapida nina Kristine at Cynthia, at saka ipinatong doon ang bulaklak.

Nagpatuloy sa pagkukwento si Sir Kris. “Taong 2002, nagsimula akong magturo sa London. Iniwan ko ang mag-ina ko dito sa Pilipinas. Nang magbunga ang pag-iibigan nina Kristine at Albert taong 2003, hindi iyon matanggap ni Cecilia. Ipinagpilitan niyang si Edward ang ama ng bata, kaya pilit niyang ipinakasal ang dalawa sa Bulacan. Bininyagan si Cynthia na dala-dala ang apelyido ni Edward. Sa kabila ng lahat, lihim pa ring nagkikita sina Kristine at Albert. Kung minsan ay isinasama pa niya si Cynthia. Ninong ang pakilala niya kay Albert sa bata. Nang mamatay sa car accident sina Kristine at Edward taong 2007, akala ni Albert ay mababawi na niya si Cynthia. Pero mas naging maramot si Cecilia. Hindi niya hinahayaang makalapit ito sa bata. Nang magsimulang mag-aral ang bata, pinababantayan niya ito kay Tonyo sa iskuwelahan.”

“Nalulungkot po kami sa nangyari Sir,” sabi ni Dianne. “Hindi po namin alam.”

“Mahal na mahal namin si Kristine. At lalong mahal na mahal namin si Cynthia. Napaka-smart ng batang ‘yan. Alam mo ba, Dianne? Pangarap din niyang maging architect. Kahit ano’ng pilit kong kalimutan ang mga nangyari, bumabalik at bumabalik pa rin ang kanyang mga alala. Lahat ng school documents niya sa library, ipinasunog ko kay Connie sa pag-aakalang hindi ko na siya maaalala. Ito rin ang dahilan kung bakit ayaw kong pinag-uusapan ang tungkol sa aking pamilya. Sobra akong nalulungkot.”

“Sorry po, Sir Kris,” sabi ni Dianne. Namuo ang luha sa kanyang mata. 

“No. Ako sana ang patawarin ninyo. Ang laki ng kasalanan ko sa inyo. Ako ang unang nagtanim ng galit. Ako ang unang nagbalak ng paghihiganti. Kung hindi ko ito sinimulan, hindi magkakaroon ng lakas ng loob si Albert para ituloy ang kanyang mga plano. Nang malaman niya na nagbago ang isip kong paghigantihan kayo, nagalit siya. Sinubukan ko siyang pagpaliwanagan. Akala ko naman ay tanggap na niya. Hindi pa pala. Nang ipagawa ko ang mga plaque ninyo sa Awards Central sa Quezon City, ipinadagdag niya ang hologram sa likod nito nang lingid sa aking kaalaman. Pati ang plaque ni Tonyo ay ipinagawa niya roon. Nang mabalitaan ko ang pagkamatay nina Lira at Erin, nagkaroon na ako ng hinala na siya ang gumawa no’n. Kaya binantayan ko siya. Sinubaybayan. Tinangka ko siyang pigilan, pero hindi siya nagpaawat.” Tumulo ang luha sa mga mata ni Sir Kris.

Pinisil ni Mark ang balikat ng matanda.

“Kasalanan kong lahat ito. Sana hindi ko na ginawa ang house party. Sana hinayaan ko na lang kayo sa inyong mga buhay. Sana hindi ko na kayo ginulo.” Tuluyan nang napahagulgol si Sir Kris. “Patawrin n’yo ako. Patawarin ninyo akong lahat.”

“Kahit papano’y naging masaya rin kami sa house party, Sir Kris,” sagot ni Dianne. “Maraming bagay kaming natutunan doon mula sa inyo. Naging isang magandang karanasan sa amin ang house party. Sana ‘wag kayong tumigil sa paggawa nito. Marami pang mga kabataan ang naghihintay na mabigyan ninyo ng inspirasyon.”

“Hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan Sir,” sabi ni Mark. “Kalimutan na natin ang mga nangyari. Let’s move on. May mga bukas pang naghihintay sa atin.”

“Salamat. Salamat sa inyo,” sagot ni Sir Kris. Pinunas niya ang luha.

“Hindi na kita tatakasan Sir Kris,” pabirong sabi ni Dianne. “Hindi na ako tatakbo.”

“Hindi ko intensyon na barilin ka no’n, Dianne,” paliwanag ni Sir Kris. “Wala lang kasi akong ibang makitang paraan at pagkakataon para manatili ka at makinig sa mga sasabihin ko.”

“Kasalanan ko,” sabi ni Mark. “Kung hindi ako nagpadalus-dalos, sana’y napakinggan ka namin. Muntik ko pa kayong mapatay.”

Ngumiti si Sir Kris. Tinapik-tapik niya ang kamay ni Mark na nakapatong sa kanyang balikat. “’Wag kang mag-alala, Mark. Sa susunod, hindi na ako maglalagay ng screw driver sa prayer room.”

At nagkatawanan ang tatlo.

Nanatili pa roon ang tatlo. Dinama ang mahina at sariwang hangin. Tinanaw nila ang malawak at tahimik na paligid. Hinayaan nilang makahinga ang kanilang mga sarili mula sa trauma ng nagdaang trahedya. Hinayaan nilang maging malaya, kalayaang hatid ng totoong pagpapatawad. Pinaalpas ang galit na matagal na namahay sa kanilang mga puso. Para maiwan doon at mamayani ang inaasam na katahimikan.

Makalipas ang ilang minuto, naglakad na sila pabalik sa sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada. Sinalubong sila ng isang tauhan, na siyang umalalay sa wheel chair ni Sir Kris. Payapang sumakay sila ng sasakyan. At umalis.


-END-


---------------------------------------------------

Hi reader, kung nakarating ka dito sa dulo sana nagustuhan mo. Please vote on the story or leave a comment, I want to know your thoughts! 😊

-dauntlessyohan26

The House PartyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon