Pang-apat

23 2 0
                                    

Pang-apat na Kabanata

"AHHHH!!!"

Napasigaw ako ng makitang nakahubad na naman ang lalakeng nasa harapan ko.

"Hindi ka pa ba sanay sa katawan ko, Arya?" natatawang tanong niya. Na parang kampante pa siya sa katawang pinapakita niya sa akin.

"Sana naman kung magpapalit ka bilang tao ay abisuhan mo ako ng maaga at hindi ko nakikita yang pangit na katawan mo," nanunudyong sagot ko kahit alam kong maganda ang hubog ng katawan niya, at kahit mamatay ako, hinding hindi ko aaminin sa kanya yon. Baka lumaki lang ang ulo niya.

Sa pitong taong pagsasama namin ni Apo dito sa bahay namin sa taas ng puno, hindi pa rin ako sanay na makita siyang hubad matapos siyang mag-anyong lobo.

"Saan ka na naman ba nanggaling at panay na lang ang lakwatsa mo nitong nakaraang araw?" tanong ko. Noong mga bata kami ay madalang siya magpalit bilang lobo. Pero ngayon halos araw araw ay wala siya rito sa bahay ng madaling araw at naaabutan ko na lang na nakahubad sa pintuan pagkarating niya tuwing hapon.

"Nangangalap ng impormasyon," sagot niya.

"Impormasyon saan? May nangyari na naman bang gulo sa Breyo?" tanong ko.

"Hindi lang gulo ang nangyari, Arya. Isang digmaan ang magaganap."

Napatigil ako sa ginagawa kong pag-aayos ng pinagkainan ng sabihin niya iyon.

"Digmaan?"

"Ang narinig ko ay nais sakupin ng Cayta ang Breyo."

Ang Cayta ay kaharian sa kanlurang bahagi. Matagal ng usap usapan na mahigpit ang pamamalakad ng Hari ng Cayta at mas lalong pinalalakas ang hukbong sandatahan nito kaysa sa mga mahika ng kanyang nasasakupan. Kilala sila bilang lugar ng mga pantas, ang kanilang angking katalinuhan ang bumubuhay sa kanilang kaharian.

"Hindi ba isang mapanganib na desisyon yon ni Haring Carolos? Kilala ang mga Breyo bilang may pisikal na lakas?" tanong ko.

"Tuso ang Haring Carolos, Arya. Simula ng nawala ang Dameyah ay matagal niya ng pinagplanuhan kung paano sakupin ang buong Caral."

Natakot ako sa sinabi ni Apo. Tama siya, iba ang nagagawa ng kasakiman sa kapangyarihan.

"Hindi na ako magtataka kung sila rin ay gumagawa ng hakbang para makita ang Reyna. Sa kanila ako natatakot na mapunta ang Reyna," sambit niya. Kitang kita ko sa kanyang mukha ang pag-aalala sa maaring sapitin ng Reyna kung sakaling mapunta nga ito sa kapangyarihan ng Cayta.

Pitong taon na naming hinahanap ang Reyna. Pero kahit isang senyales kung nasaan siya ay wala kami. Tuwing nagtatanong kami kung may kahinahinalang babae ba na gumagala sa lugar ay tanging 'wala naman akong napapansin' ang sagot nila. Mahirap nga namang magmasid sa lugar na maraming tao.

"APO! ARYA! LUMIKAS NA KAYO!"

Napatakbo kami palabas upang tignan ang sumigaw non.

"Nar, bakit? Anong nangyayari?" tanong ni Apo.

Sa mukha pa lang ni Nar ay halatang seryoso ang nangyayari at delikado.

"Nakita ko ang hukbo ng Cayta sa bukana ng gubat. Nasisiguro kong dito sila dadaan papuntang Breyo. Ang bawat lugar na nadadaanan nila ay sinisunog nila at lahat ng taong nakikita nila, pinapatay nila," natatakot sa kwento niya saka siya kumaripas ng takbo.

"Kailangan na nating umalis, seryoso ang mga Cayta. Hindi sila marunong magbiro sa isang bagay. Kung nakita nga ni Nard ang mga hukbo nila, malammang ay totoo ngang magkakaroon ng digmaan dito."

Hinila ni Apo ang kamay ko ngunit nagmatigas ako.

"Arya!"

"Apo, iiwan natin tong bahay natin? Dadaan lang naman siguro ang hukbo dito sa gubat. Malayo pa ang Breyo rito. Hindi sila agad agad mamiminsala ng lugar kung alam nilang hindi na ito parte ng Breyo," paliwanag ko.

Ayokong iwanan ang lugar na ito, mas lalo na ang bahay na ito. Dito kami lumaki at hindi ko maatim na siya ay walang pakundangang iiwan talaga ito.

"Arya, hindi mo ba narinig si Nar kanina? Lahat ng taong makita nila ay pinapaslang nila. Kapag nakita nila tayo, hindi sila magdadalawang isip na patayin rin tayo."

"Wag tayong magpakita! Ganoon kasimple! Nasa itaas ng puno ang bahay natin, hindi nila tayo basta basta makikita dito sa taas, hindi tayo aalis sa bahay na ito, Apo," pagmamatigas ko.

"Kung ikaw, handa ka ng mamatay dito sa bahay na ito, Arya, ibahin mo ako!" pasigaw niyang sabi. "Hindi ko pa nakikita ang Reyna kaya hindi pa ako pwedeng mamatay hanggat hindi pa natatapos ang misyon ko," galit niyang sabi sa akin.

"Ang Reyna lang naman ang importante sa iyo, at itong bahay na ito kung saan tayo lumaki at sumilong ng pitong taon ay walang halaga sa iyo. Kung bakit hindi pa namatay yang Reynang iyan para wala ng gulo!"

Naramdaman ko ang palapit na pagdampi ng palad sa akin kaya napapikit ako. Ngunit ilang segundo na ang lumipas ay walang dumampi sa aking pisngi. Nakita ko siyang ibinaba ang kamay niya atsaka tumalikod sa akin.

"Hindi mo alam kung anong kayang gawin ng Reyna, Arya. Maaaring siya ang maging susi sa katahimikan ng mundo natin, ng buong Caral. Etong bahay na 'to, napalapit na ito sa akin. Ngunit kung ito ang magiging sakripisyo ko upang makita at maprotektahan ang Reyna, gagawin ko. Katahimikan lang ng buong kaharian ang nais ko at wala ng iba."

Naglandas ang mga luha sa aking mata ng marinig iyon sa kanya. Sa pitong taon, pinilit kong manirahan dito sa gubat kahit alam kong kailangan niyang maglakbay at hanapin ang Reyna. Pitong taon ko siyang kinulong sa bahay na ito dahil ayokong makita niya ito. Pero ngayon lang sumampal sa akin ang katotohanan na hindi siya para sa akin. Na umpisa pa lang, para na siya sa Reyna.

"Ayokong iwan ka dito, pero kung iyon ang nararapat, gagawin ko."

Pababa pa lang siya ng hagdan ng bahay ng biglang napatigil siya. Kasabay non ang biglang pagdampi ng mainit na hangin sa balat ko. Pagkalingon ko sa labas ay may lumiliwanag sa bukana ng gubat na lumalaki na ang apoy dahil sa indayog nito kasama ang hangin.

Hinila ako ni Apo pababa ng bahay at agad siyang nag-anyong lobo pagkababa namin.

"Sumakay ka sa likod ko, Arya. Hindi kita hahayaang mamatay sa lugar na 'to. Kailangan mong tuparin ang pangako mong tutulungan ako sa paghanap sa reyna."

Wala akong nagawa kundi ang sumunod.

Walang tigil ang agos ng luha ko habang papalayo kami sa nakagisnan ng lugar. Malungkot ako dahil dito kami natutong mabuhay. Dito kami nag-umpisa at hindi ko alam na ganito ito magtatapos.

Itong lugar na ito ang nagturo sa akin na sa simpleng buhay, kaya mo ng lumigaya. Pero kahit siguro manatili ako sa bahay namin, hindi magiging buo ulit lalo na kung wala si Apo. Lumaki ako kasama siya. At hindi ko pa alam kung kakayanin ko ng wala siya.

Ang mabilis na takbo ni Apo ay kasing bilis ng pagpapaalala sa akin ng nakaraan.

Si Apo ay para sa Reyna.

Tapos na ang pagiging reyna ko sa buhay niya.

~♧~
Marie Blaire

ELYRIA: Ang PagsibolTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon