Pang-siyam na Kabanata
Parang naging mabilis ang mga pangyayari. Hindi pa rin pumapasok sa isip ko ang nagawa ko kanina. Palaisipan pa rin sa akin kung totoo ba o sadyang ilusyon lamang si Alonzo kanina. Para kasing may mali, parang totoo ang pagsusulit kanina.
"Ayos ka lang ba, Alena?" nag-aalalang tanong ni Gala. Napatingin ako sa kanya at pilit siyang nginitian hindi pinapahalata sa kasama kong prinsesa.
Sakay kami ngayon sa isa sa mga karwahe ng Raya at ito ay papuntang Galuna. Minadali ni Crisanta na ilipat ako sa eskwelahan na iyon. Na para bang kapag hindi ako nakapunta sa Galuna ay malaking perwisyo para sa kanya kaya mabilis niyang naasikaso.
"Anong mga pangalan niyo?"
Napatingin ako sa Prinsesa sa tanong niya. Tanging ako, si Gala, Burgos at siya ang nasa loob ng karwahe. Kaya kataka-taka ang tanong niya.
"Nakikita mo sila?" tanong ko.
Ngumiti siya sa akin na parang hindi na bago ang mga gnome sa kanya.
"Isa akong dugong bughaw, Alena. May mga gnome din ako sa aking tahanan. Dapat ay hindi ka na magtaka na nakikita ko sila. Ikaw dapat ang tanungin ko niyan," napatingin siya sa mga mata ko. "Bakit mo sila nakikita?"
Para akong kinilabutan sa tanong niya. Ang titig niya sa aking mga mata ay parang buong pagkatao ko ang tinitignan niya.
"Hi-hindi ko rin alam kung paano. Pero marahil sa kapangyarihan ko," sagot ko.
Napatango naman ang prinsesa sa sagot ko at hindi na humingi ng kahit anumang dagdag impormasyon. Tila ba may kung ano sa kanya na parang kilalang kilala ako.
"Sino kayo Prinsesa?" nag-aalangang tanong ko. Kasi maging sila Gala at Burgos ay kilala rin siya pero makikitaan mo sila ng pagkatakot habang pinagmamasdan siya. Kaya siguro kanina pa sila tahimik at pinapanuod lang ang bawat kilos niya.
"Patawad kung hindi ako nakapagpakilala sa inyo ng pormal," nakangiting sagot niya, "Ako si Magenta, kapatid ko ang kasalukuyang reyna ng kaharian na ito."
Nagulat ako sa sinabi niya. Kaya siya dugong bughaw ay dahil kapatid niya ang Reyna ng Albama.
Nagulat ako ng biglang tumutok ng matulis na bagay si Burgos kay Prinsesa Magenta at si Gala naman ay pumaharap sa akin, parang gusto akong ilayo sa kanya.
"Isa lang ang pinagsisilbihan namin, at hindi kami papayag na saktan mo siya," pagbabanta ni Burgos.
"Ikaw ang itim na diwatang itinakwil ng Haring Arneo," sabi ni Gala.
Naguguluhan man ay isa lang ang naintindihan ko, mapanganib ang kasama ko ngayon.
Ngumiti lamang si Prinsesa Magenta at hinayaan ang pagtutok ni Burgos sa kanya ng patalim.
"Bumaba na kayo ni Gala, Alena. Bago ka pa saktan ng diwatang ito," sabi ni Burgos na nanatiling nakaantabay sa gagawin ng prinsesa.
"Kung may masama akong gagawin sa kanya, kanina ko pa sana ginawa, Burgos," sabi ng prinsesa. Halata sa mukha ni Burgos ang pagkagulat. Paano niya nalaman ang pangalan nito?
Sa isang iglap lang ay tumilapon ang hawak na patalim ni Burgos sa pagkakumpas ng kamay ng prinsesa.
"Hindi ko siya sasaktan, katulad ng inaakala niyo."
"Kung ganoon, bakit mo siya tinutulungan? Anong hihingin mong kapalit sa kanya? Ang itim na diwatang katulad mo ay hindi tumutulong ng walang kapalit," galit na sabi ni Gala.
"Hindi ako humihingi ng kahit na anong kapalit," napatingin siya sa akin at nagulat ako ng may makitang kalungkutan sa kanyang mga mata. "Nais ko lang tumulong."
BINABASA MO ANG
ELYRIA: Ang Pagsibol
Fantasy"Ayon sa propesiya, isang sanggol ang maisisilang at kasabay non ay ang pagsibol ng kanyang kaharian. Isang makapangyarihan na kaharian. Ngunit ang reyna nito ay walang kapangyarihan." "Paano maipagtatanggol ng reyna ang kanyang kaharian kung wala s...