Panglimang Kabanata
Ilang oras na walang tigil sa pagtakbo si Alonzo malayo lang sa Breyo. Hindi ko alam kung saan kami patungo pero alam kong hindi na sakop ng Breyo o kahit ang Cayta ang lugar na ito. Sa hula ko ay nasa Silangang bahagi kami.
"Alonzo, malayo na tayo sa Breyo. Kailangan mo ring magpahinga. Ilang oras ka ng nasa anyo mo," nag-aalalang sabi ko sa kanya. Alam kong nahihirapan siya tuwing nag-aanyong lobo siya. Kaya kailangan niyang mag-anyong tao ulit upang bumalik ang lakas niya.
Tumigil kami sa isang matayog na puno dito sa kinaroroonan namin. Kung hindi ako nagkakamali ay isa ring gubat itong napuntahan namin.
Napatalikod ako ng biglang mag-anyong tao si Alonzo. Hindi ko nga lang alam kung may damit ba siyang dala. Sa pagkakaalala ko ay wala kaming ni isang naisalba sa bahay namin kundi ang mga sarili namin.
"Malayo pa tayo sa kaharian ng Albama pero nasa bukana na tayo ng gubat nila," sabi niya. Nang lingunin ko siya ay may saplot na ang katawan nito.
"Nakadala ka ng damit mo?" takhang tanong ko. Ngumisi lang ito at may nakakalokong tingin sa akin.
"Kagat kagat ko ang mga damit ko habang naglalakbay tayo, nanghihinayang ka ba na may dala ako? Sabihin mo lang kung gusto mong nakahubad ako, pagbibigyan naman kitang makita to. Pero bawal hawakan dahil sa Reyna lang to," pagmamalaki niya.
Imbes na mainis ako sa lakas ng hangin niya sa katawan ay natawa ako dahil parang kanina lang ay halos saktan niya na ako sa tigas ng ulo ko. Ngayon, bumalik na kami sa dati. Nag-aasaran. Pero hindi maalis sa akin ang huling sinabi niya na, 'sa Reyna lang to'.
"Hindi magugustuhan ng Reyna yang katawan mo. Sa dami ng taba niyan? At yang ano mo, masyadong maliit. Masyado lang makapal ang pagmumukha mo at binabalandra mo sa akin yang pangit mong katawan," asar ko sa kanya.
"Wow! Hoy, sinong nagsabing maliit to? Halos lahat sa Breyo ay inaabangan ang pagpapalit ko ng anyong tao tuwing lobo ako. Nag-aabang ng grasya sa katawan ko."
Natawa naman ako sa kapal talaga ng libag niya sa katawan.
"O? Wala akong maalala na taong nahumaling sa katawan mo. Baka mga hayop lang sa gubat?" asar ko sa kanya.
"Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Basta siguraduhin mo lang na hindi ka mahumaling sa katawan ko, kasi nakareserba lang to sa reyna."
Natawa ako sa sinabi niya pero unti unti ring tumigil. Naalala ko kasi ang pag-aaway namin kani-kanina lang.
Isang mahabang katahimikan ang namayani sa paligid. Parang iniisip niya rin yong nangyari kanina.
"Patawad"-"Patawad" sabay naming sabi.
Nagkatinginan kaming dalawang at nagngitian.
"Maraming magagandang memorya sa lugar na iyon. Tulad mo ay ayaw ko ring umalis roon. Pero kung kapakanan at kaligtasan natin ang mawawala, mas mabuti pang iwan na lang iyon at mag-umpisa ulit tayo," paliwanag niya.
"Patawad dahil nagmatigas pa ako kahit na kapakanan lang natin ang iniisip mo. Patawad rin kung dahil sa akin ay muntik mo ng hindi mahanap at makita ang Reyna," paghingi ko ng tawad sa kanya.
"Ilang taon na akong naghahanap sa kanya, Alena. Kahit isang senyales ay wala ako. Gusto kong magpakatotoo sa iyo, aaminin ko, nais ko sanang maglakbay at maghanap ng maraming impormasyon tungkol sa kanya."
Napatingin ako sa mga mata niya. Hindi na ako nagulat sa mga sinabi niya. Alam kong noon pa man ay yan na ang nasa isip niya at hindi niya lang masabi sabi sa akin. Naging hadlang na ako sa gusto niyang gawin sa buhay niya.
"Alam ko," sabi ko at saka siya nginitian. Nagulat siya sa sagot ko pero agad niya lang itong inalis at nagsalita para siguro ay pagaanin ang kalooban ko. "Gagawa ulit ako ng bahay," napatingin siya sa puno kung saan kami sumisilong, "eto, pwede na dito. Titira ka dito, babalikan kita."
Ngumiti ako sa kanya. Kahit gustong bumuhos ng mga luha ko ay hindi ko hinayaan. Isang matatag na Alena ang pinapakita ko sa kanya.
"Baliw ka na ba? Naalala mo iyong sinabi kong pangarap kong matuto ng mahikang panggamot? Nasa kaharian na tayo ng Albama kaya matutupad na iyon. Hindi ko nga lang alam kung may eskwelahan sila rito," sabi ko para medyo mabawasan ang kalungkutan sa kanyang mga mata. At para na rin siguro mawala ang nakikita kong awa sa kanya. "Kaya ayos lang na iwan mo ako rito. Magiging maayos ako sa kahariang ito," panigurado ko sa kanya kahit sa sarili ko mismo ay hindi ako sigurado.
Tumayo na ako at inayos ang sarili ko. Ganoon din ang ginawa niya pero hindi natanggal ang tingin niya sa akin. Na sa bawat galaw ko ay parang tinitimbang niya kung ayos nga lang ba talaga.
Ngumiti ako para ipakita sa kanya na ayos lang ako.
"Ihahanap muna kita ng matutuluyan mo--"
"Wag na! Mabuti pa, mag umpisa ka ng maglakad. Sa tantya ko sa hilaga ka mauunang pupunta kaya nasisiguro kong mahaba habang lakaran at takbuhan yan sa iyo."
"Pero--"
"Ayos lang ako, Alonzo. Wag mo akong intindihin. Maglakad ka na. Aalis na rin ako pagka-alis mo."
"Babalikan din kita dito," paninigurado niya.
Nginitian ko lang siya. Dahil baka pag nagsalita pa ako ay baka gumaralgal na ang boses ko dahil kanina ko pa pinipigilan na wag pumatak ang mga luha ko. Wala na siyang nagawa kundi ang talikuran ako at maglakad na patungong hilaga.
Habang pinapanuod ko siyang umalis ay unti unting nagbalik sa akin ang mga linya sinabi sa akin ni Ama bago niya ako iwan sa gubat.
'Babalikan kita dito'
Pero ilang taon na ang lumipas ay hindi niya ako binalikan.
Kaya hindi na ako aasang babalikan mo ako, Alonzo.
"Paalam, Alonzo."
~♧~
Marie Blaire
BINABASA MO ANG
ELYRIA: Ang Pagsibol
Fantasy"Ayon sa propesiya, isang sanggol ang maisisilang at kasabay non ay ang pagsibol ng kanyang kaharian. Isang makapangyarihan na kaharian. Ngunit ang reyna nito ay walang kapangyarihan." "Paano maipagtatanggol ng reyna ang kanyang kaharian kung wala s...