Tila may ingay na nanggagaling sa kusina na bumabasag sa katahimik ng canteen. Iilan lang ang tao sa loob kaya rinig na rinig ang mga nagbabagsakang kagamitan sa loob ng kusina. Simula nang pumasok ang 'ber months' ay sunod-sunod na rin ang pagpasok ng mga problema sa peste. May katandaan na ang paaralan na ito ngunit alagang-alaga pa rin ito ng mga empleyado. Ngayon lamang nagkaroon ng malaking problema sa peste ang paaralan. Lalo na't ang kanilang canteen lamang nila ang pinupuntirya ng mga ito kaya binabalak ilipat ang kanilang canteen bago matapos ang taon sa building C kung saan may mas malaki, malinis at mas maayos na lugar.
Pagkapasok ni Jaim sa canteen ay saktong napatingin naman ang dalawa niyang kaibigan na sina Jia at Ira na kanina naghihintay sa kanya. Ang nakabusangot na mga mukha ng dalawa ay napalitan ng mga ngiti.
"Jaim! Ang tagal mo!" Reklamo ni Jia.
Inilapag ni Jaim ang laptop sa lamesa at agad naman itong binuksan ni Ira. Inabutan naman siya ng pagkain ni Jia ngunit tinanggihan siya ni Jaim.
"Sandali lang. Mag-c-cr lang ako." Paalam niya sa mga kaibigan.
"Bilisan mo ah?"
Pagkapasok niya ng C.R. ay agad siyang dumiretso sa lababo, saglit na tinitigan ang sarili at naghilamos. Nakatungo siya sa lababo habang ang tubig ay tumutulo mula sa kanyang mukha. Wala siyang pakialam kung nababasa na ang kanyang damit. Ilang saglit lang ay muli siyang humarap sa salamin at tinitigan ang sarili.
"Jaim. Jaim. Jaim. Jaim."
Paulit-ulit niyang tinatawag ang kanyang pangalan at pumikit, huminga siya nang malalim. Kinuha niya ang panyo sa bulsa upang punasan ang kanyang mukha. Idinilat niya ang kanyang mga mata at tiningnan ang sarili.
"Anong pagbabago pa ba ang kailangan kong gawin para masabi kong kaya ko talaga?"
Muling tumahimik ang loob, walang tao ni isa kaya walang lumilikha ng ingay. Matagal niyang tinitigan ang sarili. Tumagal nang ilang minuto ang pananatili niya sa harap ng salamin. Napangisi siya at saglit na tumawa. Kung may makakakita man sa kanya ay aakalain siyang may problema sa utak o kaya'y matatakot sa kanilang nakikita, sino ba naman ang mag-isang tatawa sa harap ng salamin?
"Monster." Bulong niya. Saktong pagbulong niya ay bumukas ang pinto ng C.R. at pumasok ang kaibigan niyang si Ira na ngumunguya pa. Mukhang nabagot na ito sa kahihintay kay Jaim.
"Jaim, ano? Ang tagal mo naman." Reklamo nito.
Wala nang naisagot si Jaim kundi ang ngumiti. Alam niyang kanina pa niya pinaghihintay ang mga kaibigan niya.
"Mauna ka na, magpupunas lang ako." Tumango lang si Ira at muling bumalik sa lamesa nila. Inayos ni Jaim ang sarili at lumabas na rin.
Naabutan niya ang dalawa na nakaharap na sa laptop niya. Hindi pa nanonood ang mga ito, may iba pa itong ginagawa. Nadatnan niya ang mga kaibigan na nag-uusap habang may nakabukas na article tungkol kay White, isang misteryosong tao na nagbibigay ingay sa bansa at halos ilang linggo nang laman ng balita.
"Bakit kaya biglang nanahimik si White? Halos araw-araw naman may paramdam siya pero nung Sabado hanggang ngayon, wala man lang balita sa kanya?"
"Hindi kaya natakot? Diba sabi mo kanina nakahanap na sila ng way para makausap siya?"
"Oo, may na-track daw sila. Hindi ko gaano naintindihan 'yung balita. Hindi rin naman gaano sinabi kung paano nila hahanapin si White basta alam daw nila na si White lang mismo ang makakabasa ng message nila."
Hinayan na lang ni Jaim na mag-usap ang dalawa niyang kaibigan habang siya ay nagsimula nang kumain. Hinihintay niya na lang matapos ang pag-uusap ng dalawa para makapanood na sila ng palabas. Tahimik na kumakain si Jaim nang tumunog ang laptop ni Jaim, may bagong e-mail siyang natanggap kaya naudlot ang pagkain niya. Natapos na rin ang pag-uusap ng dalawa at nilatag na rin ang mga kakainin nila. At dahil nga nasa harap niya ang dalawa, kinailangan pa nilang tumayo para maki-usyoso sa sunod-sunod na email na natanggap ni Jaim.
BINABASA MO ANG
WHITE [On-going]
Science FictionThey call White a 'HERO', but is White truly a Hero?
![WHITE [On-going]](https://img.wattpad.com/cover/16374288-64-k694663.jpg)