Binabalot ng katahimikan ang buong pasilyo. Tanging sina Jaim at Zike lamang ang tao dito. Humarap si Jaim sa bintana at muling tumingin sa baba. Nandoon pa rin ang dalawang guro at nag-uusap. Napansin niyang napatingin sa orasan si Vielo at tila sumenyas na parang kailangan na nilang bumalik sa kanilang opisina.
"Sino ka ba talaga?" Muling tanong ni Zike na sinasabayan ng pagtunog ng bell, hudyat na magsisimula na ang klase ngunit wala ni isa sa kanila ang kumikilos upang bumalik na sa kanilang silid.
Pinagmamasdan niya ang dalawang guro na naglalakad papasok ng gusali habang si Zike ay nakatingin at pinagmamasdan pa rin si Jaim. Muling tumahimik ang buong pasilyo nang tumigil ang pagtunog ng bell. Humigpit ang hawak ni Jaim sa pasimano habang tila ang mga mata nito ay nakatingin na sa kawalan. Sa katahimikan ay naririnig niya ang bilis ng tibok ng puso niya at nararamdaman ang pagbigat ng kanyang hininga. Medyo nagdidilim na rin ang paningin niya. Pakiramdam niya ay mawawalan na sya ng malay.
Tumigil ka!
Nararamdaman niyang tila namamanhid ang buong katawan niya. Lumuluwag na rin ang pagkakahawak niya sa pasimano. Walang pagbabago sa ekspresyon nito, wala itong bahid ng pagtataka o pagkagulat man lang. Tila biglang nawala ang lahat ng nararamdaman niya, nawala ang pagdilim ng paningin niya. Biglang kumalma ang pakiramdam niya.
Hinarap niya si Zike na kanina pa nakatingin sa kanya. Ang kaninang mga matang punong-puno ng emosyon ay tila sandaling naglaho. Parang isang silid na walang kalaman-laman ang mga matang nakikita ni Zike nang saglit na iyon ngunit muli itong nanumbalik. Hindi niya alam kung talaga bang sigurado siya sa kanyang paglalalrawan sa mga matang iyon, napakalamig at walang kabuhay-buhay. Parang nakatingin lang siya sa mga mata ng isang manika.
Ang malakas na buntong-hininga ni Jaim ang bumasag sa katahimikan sa kanilang paligid. Bahagya itong tumawa at umiling. Ang tawang iyon ay nag-iwan ng isang maliit na ngiti sa mga labi nito. Hindi napansin ni Zike na napaatras na siya nang nakita ang ekspresyon ni Jaim. Kakaiba ang naramdaman niya sa mga ngiting iyon. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay delikado ang nasa harap niya. Siguro nga ay nakakatawa ang tinanong ni Zike. Ilang taon na rin nilang kilala ang isa't-isa ngunit ano nga ba ang dahilan ni Zike upang tanungin niya si Jaim nang ganoong tanong.
"You.... Why do you keep on asking me who I am? I am Jaim. Aren't we friends?"
"Kanina... parang iba nag kinikilos mo. Hindi ko maintindihan kung bakit para sa akin ay iba ang kilos mo kumpara sa lagi mong kinikilos. Hindi ko alam kung hanggang saan ang dapat kong bigyan ng kahulugan. How far can you go?"
Tila gulong-gulo si Zike sa iniisip nito. Ginulo nito ang sariling buhok at muling inayos. Napaupo ito na parang naka-iskwat at nakayuko.
"Just how far can you think, Zike?" Tanong ni Jaim. Muling tumayo si Zike at hinarap ang nakangiting Jaim. Hindi nawawala ang ngiti nito sa labi.
"Why...am I so special to you? You're asking a weird question. I don't know. Who....am I? Kasi namamangha na rin ako sa sarili ko." Naglakad siya patungo kay Zike nang hindi iniiwas ang mga tingin.
"Kanina sinabi mong kilala mo ako tapos ngayon tinatanong mo ako kung sino ako? May iba pa bang kahulugan ang tanong na iyon?" Nakangiti pa rin ito kahit ganito ang tanong niya habang inaayos ang kwelyo ng binata.
Halos hindi makagalaw si Zike sa kinatatayuan nito. Napakalapit na ng mukha ni Jaim sa kanyang mukha. Nakatingin lang siya kay Jaim na abala sa pagpapagpag ng polo niya na para bang nag-eenjoy sa ginagawa. Napasinghap siya nang muling tumingin ang dalaga sa kanya kaya mas lumapit pa ang mukha nito at halos ilang sentimetro lang ang layo nila sa isa't-isa ngunit kalaunan ay umatras din ang dalaga at nagpa-ikot-ikot na parang batang naglalaro. Wala pang babaeng nakakalapit sa kanya nang ganoong kalapit ngunit parang normal lang kay Jaim ito.
