TIRADOR

3 0 0
                                    


TIRADOR

(15 minuter short film)

Ni Buboy Aguay

MGA TAUHAN:

REBELDE-Eilyn Nidea

EMMAN- Lander Olleta

FADE IN

1. EXT. ILALIM NG PUNO NG PILI. UMAGA

Namumulot ng mga nalaglag na bunga ng Pili si Emman at inilalagay niya ito sa isang native na basket. Titigil sandal sa pamumulot, kukuha ng bunga, ilalagay sa ibabaw ng tipak na bato at babasagin. Sisikwatin ng tingting ang laman at nanamnamin ang lasa. Makakarinig ito ng ingay sa itaas ng puno. Titingala, dahan-dahang iikot para mahanap ang kinaroroonan ng kaluskos. Makikita niya ang ibon. Kukunin ang tirador na nakasabit sa leeg. Palinga-linga, maghahanap ng maibabala sa tirador. Walang makikitang malilit na bato. Babalingan ang mga bunga ng pili, ito ang gagamiting bala. Hahanap ng puwesto, aasintahin ang ibon. Babanatin ang tirador, papakawalan ang bala.

Putok ng baril ang maririnig. Magugulat si Emman. Takang-taka. Mapapakamot sa ulo habang pinagmamasdan ang ibon na palayong lumilipad. Hahaligap uli ng bunga at titiradorin ang papalayong ibon. Putok uli ng baril ang maririnig. Tatakbo ito paikot sa paligid. Tatanawin kung may nagaganap sa paligid. Wala naman siyang makikitang kahina-hinala sa kahuyan. Tahimik din ang burol sa kabila ng kahuyan. Pagmamasdan ang tirador. Mapapailing.

Babalik sa pamumulot ng Pili. Makakarinig uli ng dumapo sa puno. Kukuha agad ng bunga at ihahanda ang tirador. Hahanapin ang ibon. Pupuwesto. Bubuwelo. Pagbitaw ng bala, putok ng baril muli ang maririnig. Makikita niyang tinamaan niya ang ibon. Nakalipad pa ang ibon pero pagiwang-giwang ito sa ere patungo sa burol. Tatakbo si Emman. Susundan ang ibon pagkatapos na punuin ng bunga ang bulsa.

DISSOLVE TO:

2. EXT. BUROL. UMAGA

Tumatakbo si Emman patungo sa itaas ng burol na tinutubuan ng matataas na talahib. Makikita niya ang pagbagsak ng ibon sa di kalayuan. Bibilisan pa niya ang pagtakbo. Pagdating sa itaas ng burol, palinga-linga, hinihingal. Hinahanap ang ibon, mapapansin niya ang dugo sa talahib, susundan niya ito, magugulat siya sa matatagpuan—isang babaing sugatan ang kanyang masusumpungan. Makikita niya ang mga tama ng baril sa hita at binti nito. Itinutok ni Emman ang tirador sa babae.

REBELDE

Tulungan mo ako, hindi ako maaaring manatili sa lugar na ito.

Titingin sa paligid si Emman. Mapapatingin uli sa sugatang babae. Nakatutok pa rin ang tirador.

REBELDE

Hindi ako masamang tao. Pakiusap. Hilahin mo ako sa isang ligtas na lugar. Bilisan mo.

Isasabit ni Emman ang tirador sa leeg. Hihilahin nito ang babae pababa ng burol. Hirap na hirap.

CUT TO:

3. EXT. SEMENTERYO SA BUROL. UMAGA

Napatihaya si Emman mula sa paghila sa babae. Habol ang hininga.

EMMAN

Dito, ligtas ka sa lugar na ito.

Unti-unting iaangat ng babae ang ulo mula sa makapal na damuhan. Makikita niya ang mga krus na bahagya na lamang lumilitaw sa dulo ng mga damo. Makkita niyang nasa gitna siya ng sementeryong may mga nakatulos na putting krus. Nagtataka. Mapapatingin ito kay Emman. Mapapatayo si Emman. Ihahandang muli ang tirador.

REBELDE

Huwag ang matakot. Nakatakas ako mula sa isang engkwentro kanina.

Mapapansin ni Emman ang pagdapo ng ibon sa balikat ng isang krus. May tumutulong dugo mula sa may paa ng ibon na pumatak sa balikat ng krus. Mapapatingin si Emman sa hawak na tirador, sa ibon, sa rebelde.

REBELDE

Salamat sa tulong mo. Ako nga pala si Frida. Ka Frida.

Iaabot ni Frida ang palad kay Emman para makipagkamay.

Sa halip na makipagkamay, iaabot ni Emman ang tirador at mga bala sa rebelde.

EMMAN

Emman, Emmanuel ang pangalan ko.

Tatakbo palayo si Emman, lilipad naman ang ibon mula sa pagkakadapo sa krus at maiiwan ang rebeldeng hawak ang tirador ni Emman.

CUT TO:

Makikita ang lumilipad na ibon, ang nakahandusay na rebelde at ang tumatakbong si Emman sa pamamagitan ng drone shot hanggang sa tuluyang lumiit ang mga imahen.

FADE TO BLACK

FIN

TARAGOAN BINGKAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon