Kape Muna Tayo

351 14 9
                                    

    Maraming hindi naniniwala sa pag-ibig na nagsisimula sa chat o sa simpleng mensahe kung saan mang social media application yan. Paano ka naman kasi maniniwala sa taong hindi mo pa nakikita, nahahawakan, nakakausap at nakakasama sa personal, hindi ba? Kung sa panahon nga ngayon, yung mga halos araw-araw nagkikita at nagkakasama ay nagkakaroon pa ng problema at lokohan, paano pa kaya pag online lang?

    Makapag-iisip ka naman talaga ng mga negatibong bagay pag yun ang pag-uusapan. Marahil ay magtataka ka pa kung nagtatagumpay pa ang ganong klaseng relasyon. O kung wala mang "label" ang kung ano mang namamagitan sa inyo nung tao, hindi mo lalo masisiguro kung ito ba ay panandalian lang o pang-matagalan na.

    Yung iba nga, kahit lima, pito hanggang sampung taon nang magkasama ay napupunta pa rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon, yun pa kayang nagsimula lang sa simpleng "Hello" at "Hi" lang? May punto naman talaga, diba?

    Sinasabi nilang "sugal" ang pag-ibig, taya ka nang taya na walang kasiguraduhan kung mananalo ka ba o may maiuuwi ka man lang ba para sa sarili mo kahit konti. Kung mamalasin ka pa, baka umuwi kang luhaan. Naubos na yung tinaya mo, naubos na rin pati lahat ng pride mo sa katawan.

    Ang hirap, ano?

    Para kang sumasabak sa giyera na kahit may dala kang armas, wala ka pa ring kasiguraduhan kung makakauwi ka pa bang buhay o hindi na. Hindi mo alam kung may mapupuntahan yung ipinaglalaban mo o wala naman talaga. Hindi mo alam kung kalian maghihilom yung mga matatamo mong mga sugat at hindi mo alam kung may handa pang mag-alaga sa'yo pagkatapos non.

    Marami ang natatakot ngayong mahulog at sumubok ulit sa "pagmamahal". Iniisip kasi nila na kapag lumubog sila ay hindi na nila magagawang makaahon pang muli. At kung minsan, hindi naman lahat ng taong lumulubog ay may taong handang sumagip sa kanila. May mga pagkakataong mas lalo ka pang lulubog, lalo na kung uunahin mo ang kapakanan at kaligayahan niya, hanggang sa nakalimutan mo ang iyong sarili.

    Ako ay isang lalaking maraming pagkukulang at pagkakamaling nagawa sa mga nagdaang taon. Aminado ako at hindi ako para magmalinis para lang makuha ang panig ng mga taong makakabasa nito. Marami akong nasaktan sa paraan ng pananalita ko, maraming kapintasan ang makikita sa ugali ko, marami akong hindi nagawa para sa mga taong mahahalaga sa akin at maraming beses kong pinarusahan ang sarili ko para lang mapagbayaran ko ang mga pagkakamali at pagkukulang na yun.

    Katulad ng karamihan, sumugal din ako at hindi ko namalayang naging maramot na pala ako sa sarili ko dahil kapakanan lagi ng iba ang mas inuuna ko kesa sa akin. Kaya ko kasi ang sarili ko. Mas kaya kong magtiis at magsakripisyo. Mas kaya kong masaktan at mahirapan kesa hayaan kong maranasan yun ng taong tinayaan ko ng malaki.

    Oo, tumaya ako ng malaki. Hindi dahil sa makukuha kong benepisyo, pero dahil yun talaga ang gusto ko. Pinili kong ilabas lahat ng kaya kong ibigay para sa mga taong naging bahagi ng buhay ko. Kinuha ko ang tiwala nila, pinag-ipunan ko yun hanggang sa makamit ko yung gusto kong mangyari. Pinatunayan ko ang intensyon at hangarin ko sa pamamagitan ng kilos at salita. Ibinigay ko yung respeto at tiwalang nararapat sa kanila. Basta, halos lahat ng pwedeng gawin ng isang lalaki para sa taong mahal nila, sinubukan kong gawin. Umabot pa sa puntong nagpaka-korni na ako para lang manatili sila, ngunit hindi pala dapat ganon.

    Sa kakabigay mo sa kanila, ikaw na pala yung nababawasan at unti-unting nauubos. Sa kagustuhan mong maging okay sila, ikaw pala yung hindi na ayos at unti-unting nasisira. Wala namang masamang magbigay dahil ganon naman talaga pag nagmahal ka, lahat ng klase ng effort ay gagawin mo para lang hindi ka maiwanan sa ere. Kahit apak na apak na minsan ang pride at ego mo, sige ka pa rin ng sige. Ganyan tayo ka-martyr kung minsan, hindi ba?

Ikaw? Susugal Ka Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon