M,
Alam mo naman sigurong patungkol sa'yo yung bawat update na ginagawa ko rito. Yung mga bagay na hindi ko masabi sa normal nating usapan sa Facebook o rito man, dito ko na lang inilalagay para kung sakaling dumating yung oras na hindi tayo maging ayos o kung wala ako dahil kailangan kong magpahinga, mababasa mo pa rin ito. Mababalikan mo pa rin sa tuwing namimiss mo (wag ka nang kumontra) o sa tuwing wala kang magawa tapos gusto mong kiligin. Sobrang tamis nito kaya pagpasensyahan mo na lang. Wala namang ibang nakakakilala sa akin dito kundi ikaw lang, at saka wala silang pakialam kasi account ko naman 'to kaya ilalagay ko kahit anong gusto ko.
Iniisip ko minsan sa sobrang abala mo sa trabaho at sa personal mong buhay, baka hinahanap-hanap mo rin yung pakiramdam na napapangiti at napapakilig ka ng isang lalaki. Ilang taon mo nang hindi nararamdaman yun, hindi ba? Kailan mo pa huling naramdamang pinahahalagahan ka at kailan yung huling pagkakataong naramdaman mo yung sinseridad ng isang tao habang sinasabing mahal ka niya?
Matagal na, diba?
Hindi ko ginagawa 'to para pakiligin ka lang kundi dahil hindi ito talaga ang gusto kong gawin para sa'yo. Nasa malayo ako at wala akong ibang magawa kundi mag-isip ng paraan kung paano ka pasasayahin kahit konti. Wala ka namang ibang hihilingin sa akin kundi yung oras at atensyon ko para sa'yo. Alam kong sasabihin mong hindi naman mahalaga ang mga materyal na bagay lalo na pag nandyan na ako sa piling mo, kaya heto ako, dinadaan sa liham at istorya dahil deserve mo 'to.
Deserve mong maramdamang mahalaga ka. Nararapat lang na bigyan ka ng sapat na atensyon, hindi lang dahil espesyal ka kundi isang napakagandang babae. At yun ang hindi nakita ng dati mong karelasyon. Hindi yun pinahalagahan ng dati mong asawa.
Hinayaan ka niyang mawala. Hinayaan niyang umalis ang isang babaeng inalay ang buong sarili sa kanya ng walang pag-aalinlangan. Hinayaan niyang masaktan yung babaeng pinangakuan niya ng habambuhay.
Sinayang ka niya.
Pero malaki ang pasasalamat ko sa taong ibinasura ka, dahil kung hindi niya ginawa yun, hindi ko makikita yung "ginto" sa pagkatao mo. Hindi kita makikilala kung sakaling maayos ang relasyon ninyo at kung pinagbuti niya ang pagiging asawa sa'yo. Hindi ko sana makikilala yung babaeng babaguhin pala ang pananaw ko sa buhay.
Handa na ako eh. Panahon na lang ang hininhintay ko para matapos na yung kalbaryo ko, pero dumating ka, dumating kayo ng mga anak mo. At sa isang iglap, nagbago lahat ng mga plano ko sa buhay. Kung dati, sumasabay lang ako sa agos ng buhay, ngayon, sumasabay pa rin naman ako pero kumakapit ako sa inyo. Mas lalong kumakapit ako sa Kanya. At kumakapit ako sa mga pangarap ko para sa inyo.
Kailangan kong mabuhay ng matagal, dahil hindi na ako nag-iisa ngayon. Apat na tayo. Tatlo na kayong kailangan kong isipin para mas lalo akong ganahan sa buhay. May pamilya na akong kailangang pagtuunan ng pansin at paglaanan ng pagmamahal.
Nakakatuwang isipin, diba? Dati, iba pa yung pinagtutuunan ko ng atensyon, pero dahil hindi rin naging maganda ang kinahinatnan, nabigyan pa ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon para muling umasa at maniwalang may maganda pang kinabukasang naghihintay sa akin.
At kayo ang kinabukasan ko. Kayo ng mga anak natin at sa mga magiging supling pa.
Siguro ay tatawanan tayo ng ibang mga taong makakabasa nito. Siguro'y iisipin nilang wala naman talagang magtatagal na relasyong nagsimula lamang sa social media. Marami sigurong magsasabing wag kang maniwala sa akin o posibleng isipin ng ibang baka gamitin mo lang ako. Madali nila tayong husgahan dahil hindi naman nila alam ang buong istorya natin. Hindi nila alam kung ano yung mga pinagdaanan natin bago tayo humantong sa ganito.
