Ang ganda niya.
Yan lang ang nasabi ko pagkatapos kong makita yung larawan niya. Sa dami nang paninira niya sa kanyang sarili sa tuwing nag-uusap kami, ngayon masasabi kong nagsisinungaling lang talaga siya pagdating sa bagay na yun. Lagi niyang sinasabing ang pangit niya, pero kahit naman nung mga panahong hindi ko pa siya nakikita, nagagandahan na ako sa kanya, paano pa kaya ngayon?
Ngayon niya ipaglaban sa akin yung pagiging "pangit" niya. Tutang ina, asa namang maniwala ako sa kanya.
Hindi ko sinasabi 'to para bolahin siya pero parang ganon na rin. Kilala naman niya ako bilang bolero, pero sa kanya lang naman lumalabas ang talent ko sa pambobola. Kung nakakataba yung pambobolang yan, baka sobrang lusog na niya ngayon. Pero kahit mukha lang akong manyak minsan pag ginagawa ko yun, alam kong nararamdaman niya pa rin yung sinseridad sa bawat mensaheng natatanggap niya mula sa akin.
Wala akong ibang ginawa kundi ang magpakatotoo sa kanya. Wala akong ibang gustong mangyari kundi makuha yung tiwala niya kahit pa minsa'y paloko-loko lang akong magsalita. May mga oras kasing sobrang kulit ko lang. Hindi ko nga alam kung karelasyon ba ang ina-apply-an ko sa kanya o anak eh. Baka nga imbes na dalawa lang yung lalaki niyang anak, baka maging tatlo pa gawa ko. Baka hindi niya pala ako maging katuwang sa buhay, 'no? Baka maging hunghang pa pala ako.
Pero kasalanan naman niya lahat ng ito eh. Kung hindi kasi siya sumagot sa una kong nobela sa kanya rito sa Wattpad, eh di baka hindi siya nakatagpo ng lalaking aktib pa sa aktib, weird kung minsan, ma-drama, makulit, pasaway, matigas ang ulo (taas at baba), istrikto (medyo lang) at higit sa lahat – pilyo.
Hindi ko talaga maiwasang maging pilyo sa kanya lalo na sa mga oras na pakiramdam ko'y hulog na hulog na ako. Para bang ang sarap na lang maghubad ng damit tapos magpainit lang sa kanyang pagmamahal. Putangina, kadiri. Pero ganon nga talaga yung nasa isip ko minsan. May kakaibang naidudulot yung babaeng yon sa katawan, isip at nararamdaman ko na tanging siya lang ang nakakagawa non.
Inaamin ko naman pag tinatablan ako sa kanya eh. Alam na alam niya kaya yun. Kahit hindi na ako magpaawa sa kanya, alam kong matalino siya para ma-sense kung ano bang gusto kong ipahiwatig sa kanya. Pasintabi sa mga makakabasa nito ha? Alam kong may mga kapilyuhan na naman ito, pero wala kayong magagawa dahil lalaki ang nagsusulat nito eh. Gusto ko straight to the point pero dahil maraming mga kabataan ang maaaring makabasa nito, magbe-beheyb na muna ako ng konti.
Si M kasi, siya yung tipo ng babae na seryoso pero may pagka-baliw din talaga. May oras na lumalabas yung pagiging propesyonal niya lalo na pagdating sa trabaho pero pag ako na ang kausap niya, parang nagiging normal na tao lang siya. Natutuwa nga ako pag komportable siyang magkwento sa akin, lalo na pag naglalabas siya ng mga hinaing niya sa buhay. Gustong-gusto ko pag ganon siya kasi ibig sabihin non, pinagkakatiwalaan niya ako kahit papaano. Diba?
Ni minsan hindi ko naramdamang may mali sa kanya. Oo, tao lang siya pero tutang ina, kahit ano pang aminin niya sa akin, hindi nababawasan yung pagtingin ko sa kanya. Hindi ko yata magagawang ma-turn off sa babaeng yun. Natu-turn on pa nga ako palagi eh. Yung tipong kahit negatib na yung mga ikinekwento niya sa akin, parang nagiging positibo pa rin para sa akin. Oo na, weird na kung weird pero ganon talaga eh. Siguro nga tama yung opinyon niyong baka nasasabi ko lang 'to kasi bago pa lang kami, tapos magkalayo pa, tapos sasabihin niyong lahat naman ay masarap sa umpisa, bla bla black sheep. Oo na, alam ko rin yan. Hindi naman ako bobo para hindi maisip ang mga bagay na yan, pero labas na kasi kayo sa nararamdaman ko o sa nararamdaman niya. May iba-iba tayong pananaw, may iba-ibang sitwasyong kinabibilangan at basta, iba-iba nga kasi tayo kaya wala akong pakialam sa opinyon ninyo, okay?
