Hindi ko alam kung ano bang dapat kong maramdaman. Habang ginagawa ko 'to, hindi masyadong gumagana ang isip ko pero kailangan kong gawin dahil gusto kong ilabas yung nararamdaman ko ngayon. Bakit nga ba ako napunta rito sa Wattpad? Bakit ba naging parte na 'to sa araw-araw kong pamumuhay? Dati naman ay abala ako sa maraming bagay katulad ng trabaho at negosyo, idadagdag niyo pa yung mga kaibigan kong panay ang pagyaya sa akin ng inuman at pagtambay. Bakit nga ba ang laki ng epekto nitong application na 'to sa buhay ng isang may sakit katulad ko?
Kung babalikan ko yung mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang taon, malamang kulang ang isang pahina para ikwento lahat ng mga pangyayari sa buhay ko. Gaya ng iba, marami rin akong pinagdaanang pagsubok pero marami rin naman akong natanggap na mga biyaya. Lagi kong nakikita yung mga magaganda dahil kung titingnan ko lang ay yung mga problema, baka masiraan lang ako ng ulo.
Tulad ngayon.
Sunod-sunod na araw kong kailangang ipaalala sa sarili na kaya kong lagpasan ang hirap at sakit. Kailangan kong lumaban, hindi lang para sa sarili ko kundi para sa pamilyang nahanap ko sa pamamagitan nitong Wattpad na 'to.
Mga taong itinuturing ko nang pamilya kahit hindi ko sila kadugo. Mga batang itinuturing kong sarili kong anak kahit hindi nila ako kaano-ano. At yung babaeng nagsisilbing ilaw ng tahanan nila na nagsisilbing ilaw na rin sa mundo kong malapit nang mapundi.
Sadyang may malalim ngang dahilan kung bakit kami pinagtagpo. Ayaw ko lang magsalita ng tapos at magbigay ng konklusyon dahil hindi ko naman matutukoy kung ano nga ba ang dahilang yon. Ganon naman pag nakakakilala tayo ng tao, diba? Yung iba ay para bigyan tayo ng leksyon, yung iba ay para turuan tayong maging mas matatag at yung iba nama'y ibinigay sa atin para magkaroon tayo ng bagong pag-asa.
Parang yung babaeng laging nasa isipan ko ngayon. Siya ang bumubuhay sa pag-asa ko. Hindi ko alam kung paano o bakit kami dumating sa ganitong punto na para bang kulang na kulang ang isang buong araw na hindi ko siya nakakausap. Para bang nanghihina ako sa tuwing hindi ako nakakatanggap ng mensahe mula sa kanya, tapos pag lumabas naman ang pangalan niya sa screen ng cellphone ko, putragis, parang nagsasayaw yung mga lamang-loob ko sa tuwa. Siguro'y hindi kapani-paniwala para sa iba yung nararamdaman ko ngayon. Siguro iniisip niyo na ginagawa ko lang 'to dahil gusto ko siyang pakiligin. Siguro nga. Pero ano bang masama kung iparamdam ko sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin ngayon?
May mali ba sa ginagawa ko? May mali ba sa nararamdaman ko? Mali bang sumasaya ako sa tuwing naiisip ko siya pati yung mga anak niyang napapamahal na rin sa akin? Mali ba dahil online pa lang ang lahat?
Araw-araw, sila ang nagsisilbing lakas bukod sa mga magulang ko. Sila ang nagbibigay ng pag-asa sa aking mabuhay ng matagal. Sila ang dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban kahit minsan gusto ko na lang matulog ng mahimbing.
Sila ang inspirasyon ko.
Kung malabo pa sa ngayon ang realidad para sa amin, naniniwala kaming balang araw, magiging katotohanan na ang lahat at hindi na lang imahinasyon ang pinapagana namin. Kung alam niyo lang yung hirap na kailangan kong harapin habang nasa malayo ako. May mga oras na gusto ko nang umuwi para makasama ko na sila. Maraming beses na gusto ko ng lambing mula sa babaeng nagpapasaya sa akin. Gusto ko nang maramdamang may mga anak akong ipagmamalaki ako balang araw. Na makukuntento sila sa mga kaya kong ibigay at iparamdam sa kanila. Na wala na silang hahanapin pang iba dahil masaya na sila sa akin.
Ang dami kong gustong mangyari, 'no? Ang dami kong pinapangarap, hindi lang para sa sarili ko kundi sa pamilyang sinisimulan ko nang buo-in. Ngunit sadyang nakakalungkot isiping maraming oras ang nauubos dahil sa kalagayan ko. Yung mga oras na dapat ay kapiling ko na sila, napupunta na lamang sa gamutan ko rito sa ospital. At wala naman akong magagawa kundi magpalakas, dahil hindi ko mauumpisahan yung mga plano ko kung patuloy na magiging mahina ang katawan ko.