Gatas Naman Tayo

159 7 7
                                    

    Kung maihahalintulad ko siya sa kung ano mang bagay sa mundo ngayon, siya ay isang gamot. Gamot na kahit alam kong maraming epekto sa aking katawan ay patuloy ko pa ring iniinom. Gamot na kahit posibleng hindi makahilom ng ibang sakit na aking nadarama ay nandon pa rin ang paniniwala kong gagaling ako sa pamamagitan nito.

    Para siyang gamot na araw-araw kailangan ng isang taong may sakit katulad ko. Siya yung gamot na kahit alam kong mataas ang dosis, iinumin ko pa rin hindi dahil yun ang idinikta sa akin ng doktor o kung sino man, kundi yun talaga ang kailangan ko. Kahit maguska, magka-pasa o masugatan, titiisin ko dahil kasama yung paghihirap sa taong may malubhang kalagayan.

    Ganon naman talaga, diba? Hindi naman agad mawawala ang sakit pag uminom ka ng gamot. Madalas, mahabang panahon ang gugugulin mo para mas makita mo ang bisa nito sa katawan mo. Kung kulang ka pa sa disiplina, maaaring hindi mo maramdaman yung kaginhawaan. At pag sumablay ka kahit isang beses sa pag-inom nito, maaaring magkaroon ng matinding epekto sa iyong kalusugan.

    Oo, maraming klase ng mga gamot. Iba-iba ang bisa-bisa, iba-iba ang presyo, pero ano nga ba siyang klaseng gamot? Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Basta ang tanging alam ko lang, pinagagaan niya ang pakiramdam ko sa paraang hindi niya lubos maiintindihan. Pinapakalma niya ako sa mga oras na magulo ang isipan ko. Yung mga simpleng pangangamusta niya at pagtawag sa aking atensyon kahit pa abala ako sa ibang bagay ay talaga namang nagdadala ng ngiti sa aking mga labi. Kahit madalas akong mamilipit sa sakit at atakihin ng kabalisahan, sa tuwing makakabasa ako ng mensahe mula sa kanya, para bang may humahaplos sa dibdib ko. Para bang sinasabi niyang, "Nandito ako."

    Ganon ang bisa niya sa akin.

    Isa siyang gamot na hindi ko pwedeng makalimutang dalhin kahit saan man ako magpunta. Ito rin yung kahit alam kong mahal, pag-iipunan ko dahil kailangan ko yun. Kahit mabutas man ang bulsa ko, bibili at bibili pa rin ako para lang mapahaba pa ang aking buhay.

    Siya ang gamot ko.

    Kailangan ko siya. Kailangan ko siya para magkaroon ng liwanag yung unti-unti kong dumidilim na mundo. Kailangan ko siya para mabigyan ako ng pag-asa sa buhay. Kailangan ko siya dahil mahal ko siya.

    Sadyang mapaglaro ang panahon, hindi ba? Kung minsan ay tatanungin mo na lang ang iyong sarili kung bakit ngayon lang dumating ang isang tao sa buhay mo. Kung bakit sa dinami-rami ng tao sa paligid mo, yung nasa malayo pa ang nagpapabilis ng tibok ng puso mo. Kung bakit hindi na lang kayo pagsamahin ngayon mismo para hindi mo maramdaman yung pangungulilang tinitiis mo gabi-gabi. Kung bakit kahit gusto mong pagsilbihan at alagaan siya ay wala ka na lang magagawa kundi ipanalangin sa Diyos na Siya na ang bahala sa kanya.

    Kung minsan, tinatanong ko rin sa sarili kung bakit ako pa ang nabigyan ng ganitong kalagayan. Kung bakit sa ganitong estado ko pa nakilala ang babaeng gusto kong maging ina ng mga magiging anak ko. Bakit ngayon lang? Bakit? Pero mali ako at inaamin ko yun, dahil naniniwala ako na kaya ibinigay Niya sa akin ito ay dahil naniniwala Siya sa kakayahan ko. Naniniwala Siya sa tatag at lakas ng loob ko. At alam ko na sa bawat pagsubok na nararanasan ko ngayon ay parte ng Kanyang mga plano.

    Siya ang aking doktor. Siya ang tutulong sa aking malagpasan ang lahat ng sakit at hirap. Siya ang magtuturo sa akin ng daan kung saan ako mas mapapabuti at kung paano tuluyang makakaahon sa sitwasyong kinabibilangan ko ngayon. At dahil isa Siyang magaling na doktor, nabago muli ang takbo ng buhay ko dahil ibinigay Niya sa akin ang pinakamabisang gamot bukod sa dasal – ang babaeng tinutukoy ko rito.

    Kaya siguro hindi umepekto yung mga luma kong iniinom, dahil inihahanda Niya pala ako sa pinaka-epektibong gamot sa lahat. Yung gamot na kahit sobrang mahal, bibilhin ko dahil hindi lang alaga ang makukuha ko mula don kundi pagmamahal. Yung gamot na kahit wala naman talagang kasiguraduhan, pinipili ko pa ring inumin dahil sa paniniwala kong walang imposible sa taong patuloy na lumalaban.

    Wala naman talagang makapagsasabi kung hanggang kalian na lang tayo rito sa mundo. Hindi natin alam na baka bukas makalawa, wala na tayo sa piling ng mga mahal natin. Baka mamaya, yun na pala ang huling beses na makakausap nila tayo. Kaya bakit pa tayo mag-aaksaya ng panahon, hindi ba?

    Kung alam mo sa sarili mo kung anong nararamdaman mo, ipaglaban mo. Ilaban mo lang kahit hindi ka naman sigurado sa magiging resulta non. Kung masaktan ka man, tanggapin mo. Isipin mo na lang na sa bawat sakit, may gamot namang magpapagaan nito at meron ka pang doktor na kailanma'y hinding-hindi ka pababayaan.

    Para kay M na binabasa 'to ngayon, gusto ko lang sabihing kung ikaw ang gamot ko, pwes ako naman ang sakit mo. Mawawalan naman kasi ng saysay ang gamot kung walang sakit na kailangang gamutin, hindi ba? Kaya kung ikaw ang gamot ko, hahayaan mo ba akong ma-overdose para maging patay na patay na ako sa'yo?

    Kaya ikaw, oo ikaw nga, may nararamdaman ka bang sakit? Meron ka na bang gamot? Kung wala pa, komunsulta ka muna sa doktor at Siya na ang bahala sa'yo.

Ikaw? Susugal Ka Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon