Araw 7-10

165 17 0
                                    

Araw 7

  Hindi siya nakapagbantay sa ospital ngayon dahil madami silang aktibidades sa eskuwelahan. Pagod na pagod siya at gustong-gusto niya ng magpahinga nang biglang tumunog ang cellphone niya. Tumatawag ang kanyang ina at ipinakikiusap na bantayan nito ang kanyang ama dahil maghahanap na naman ito ng pera para makabili ng gamot na inireseta ng doktor. Kahit gusto nito ay umaayaw na ang kanyang katawan. Naintindihan iyon ng kanyang ina ngunit ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ay tumunog uli ang kanyang cellphone at galit na galit na boses ang bumungad sa kanya. Tamad daw siya, nagrarason at walang kuwenta dahil pagbabantay lang ay hindi niya magawa. Kung alam lang niya na marami akong problema sa eskuwelahan kakaisip sa kalagayan niya, kung alam lang niya na pinipilit ko lang ang aking sarili na puntahan siya roon at kung alam lang niya na ospital ang kinatatakutan niyang lugar, iyan ang nasa isip ni Aden.

Araw 8

  Mamayang hapon pa siya magbabantay sa ospital. Nasa eskuwelahan siya at parang lutang na lutang.

“ Nasabihan niyo na ba ang mga magulang niyo ng katagang ’mahal kita’? Napasalamatan niyo na ba sila?”

  Iyan ang tanong ng propesor niyang mahilig magtanong tungkol sa mga bagay-bagay na hindi naman talaga kasali sa paksa nito. Ngunit iyan din ang salitang nakakuha ng atensiyon niya at nagpaulit-ulit sa kanyang isipan. Nagawa ko na ba iyon? Iyan ang tanong niya sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung nabasa ba ng propesor ang utak niya o nakatadhana talaga sakanya ang tanong na iyon. Inulit nito ang tanong at ang sagot ay isang iling. Aminado siyang hindi pa niya iyon nagagawa dahil wala siyang lakas ng loob at hindi na siya kagaya ng dati, hindi na siya bata na kayang ulit-ulitin ang mabibigat na mga katagang iyon, lalo na sa kanyang ama. Bakit kaya hindi niya magawa? Bakit napakahirap para sa kanya? At bakit parang may isang bagay na pumipigil sa kanya?

Araw 9

  Ang buhay niya sa ospital na ito ay parang propesor niya sa Matematika, paulit-ulit. Hindi pa rin sila nagkikibuan at hindi parin niya kayang sabihin ang mga katagang gumimbal sa kanyang isip kahapon. Nilingon niya ito at nakatingin na pala ito sa kanya. At dahil doon ay para siyang batang nahuling nangungupit kaya siya ang unang nag-iwas ng tingin. Ngunit nabigla na lamang siya nang bigla siya nitong kinamusta at ang pag-aaral niya. Labis na kagalakan ang nadama niya dahil ito ang unang beses na nagpahiwatig ito ng pag-aalala sa kanya.

“ Mabuti naman, nakakapasa rin.”

 Iyan ang maikling sagot niya sa kanyang ama. Hindi siya sanay na mag-po at opo dahil iyon na ang kanyang nakasanayan. Parang barkada lang kasi ang kanilang turingan dahil nasa edad treinta pa lamang ang kanyang mga magulang. Sa murang edad kasi ay pinasok na ng mga ito  ang pag-aasawa kaya nakakaranas sila ng kahirapan ngayon.

“ Siguro ay nagbo-boypren-boypren ka na diyan. Lagot ka sa akin.”

  Mula sa kagalakan ay bumagsak ang kanyang mga balikat dahil sa tanong nito. Wala na ba siyang ibang maitanong bukod doon? Maganda na sana, sinira niya lang, iyan ang nasa isip niya. Nawalan tuloy siya ng ganang kausapin ito kaya nagdahilan siyang may gagawin pa.

“ Magsusulat ka na naman?”

  Madiin nitong sabi ngunit hindi naman nakasigaw sakanya. Ngunit sapat na dahilan na iyon para isipin niyang wala man lang itong pakialam sa mga bagay na ginagawa niya.

“ Anong gagawin ko rito? Nabo-boring na ako.”                                                  

  Dapat ay nasa isip niya lamang iyon ngunit hindi niya alam kung paano lumabas sa kanyang labi. Doon na naman nagalit ang kanyang ama. Unti-unti na namang lumalayo ang loob nito sakanya.

Araw 10

  Napagtanto niyang mahigit isang lingo na pala siyang nagbabantay sa ospital, mahigit isang linggo na rin siyang nagsusulat. Nilingon niya ang kanyang paksa, tulog na naman ito. Kailan kaya kami makakauwi? Kalian kaya niya ako kakausapin ng hindi nakataas ang boses? Kalian ko kaya masasabi ang mga katagang matagal ng naglalakbay sa aking isipan? Nasa ganyan siyang pag-iisip nang may kumatok sa pinto. Pinagbuksan niya ang isang matandang lalakeng pamilyar sakanya. Tama! Si Pastor Rod, ang kanyang lolo na nagtuturo ng mga salita ng Diyos. Pinatuloy niya ito at ginising ang kanyang ama at kapagkuwa’y lumabas muna siya upang bigyan sila ng oras para makapag-usap ng masinsinan.

“ Habang maaga pa’y ibigay mo ang puso mo sa Diyos at isuko mo ang iyong sarili sakanya. Magbalik loob ka, hindi pa huli ang lahat.”

  Iyan ang nadatnan niyang litanya ni Pastor dito. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na ang kanyang ama’y hindi busog sa usapang espirituwal. Madalang itong magsimba noong dumapo ang sakit dito at hindi rin talaga ito interesado sa mga salitang nasa Bibliya. At base sa mukha nito ngayon, alam niyang ito’y napipilitan lamang. Nakita niyang may iniabot si Pastor na isang di-pangkaraniwang radyo. Ang radyo pala na ito ay naglalaman hindi ng mga istasyon o mga kanta kundi mga salita ng Diyos na sing-dami ng sa Bibliya. Nang makaalis ang kanilang bisita’y naglandas na naman ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Napaisip na naman siya. Magagamit kaya nito ang radyong iyon gayong napalayo na yata ang loob nito sa Diyos?

Tatlumpu't-Isang Araw sa Ikaapat na PalapagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon