Araw 11
Nagbabantay lang siya sa ospital mula alas-sais ng hapon hanggang alas-diyes. Wala namang kaso ito para sakanya ngunit hindi niya na yata matagalan ang labis na katahimikan.
“ Kailan daw ang uwi mo?”
Tanong niya rito. Kasalukuyan siyang nagme-meryenda. Napalingon ang ama nito sakanya.
“ Bakit sawa ka na bang magbantay?”
Iyan ang kinaiinisan ni Aden rito. Nagtatanong siya ng maayos ngunit sasagutin siya ng nakakainsulto sa parte niya .Umiling na lamang siya at saka hindi niya na ito kinausap. Binalingan niya ang tanawin sa labas ng bintana, naisip niyang mas masaya pa yatang pagmasdan ang mga ibon kaysa kausapin ang sarili niyang ama.
Araw 12
Masayang-masaya ang dalaga dahil nakakuha siya ng mataas na marka sa asignaturang Matematika. Bibihira lang kasi siyang makakuha ng pasadong grado roon. Umuwi siya ng kanilang bahay para magpalit lamang ng damit at agad siyang nagtungo sa ospital na may malapad na ngiti sa mukha.
“ Bilisan mo,kuhanan mo ako ng maiinom. Kanina pa kita hinihintay.”
Iritadong bungad nito sa kanya ngunit hindi niyon nasira ang kagalakang nadarama niya. Sasabihin ko ba sakanyang mataas ang marka ko o hindi? Iyan ang nasa isip niya.
“ Mataas ang grade ko sa Math, Pa.”
Nakangiting sambit niya rito habang iniaabot nito ang isang baso ng tubig.
“ Diyan ka lang ba mataas kaya mo ipinapaalam sa akin iyan?”
Doon na napatda ang kagalakang nakapaskil sa kanyang mukha. Tuluyan nang napapalayo ang loob nito hindi sa Diyos kundi sa sarili niyang ama. Ang gusto niya lang naman ay maging parte siya ng kasiyahan nito, ang gusto lang naman niya ay maging masaya siya para rito, at ang gusto lang naman niya ay makarinig ng katiting na puri na magmumula rito.
Araw 13
Bumuhos ang malakas na ulan, basang-basa siya dahil nalimutan niya ang kanyang payong sa eskuwelahan. Umuwi siya ng bahay na nanlalamig ngunit naalala niyang kailangan pala niyang puntahan ang kanyang ama sa ospital dahil nag-iisa ito roon, wala pa kasi ang kanyang ina. Habang nakasakay sa tricycle, napansin niyang ang mahabang hintuturo ng orasan ay nakatapat na sa otso at ang maliit nama’y sa dose. Alas-otso na ng gabi at hindi man lang niya namalayan na nahuli na pala siya.
“ Markos kapitulo tres…”
Nabigla na lamang siya dahil ang radyo na ibinigay rito ay ginagamit niya. At napansin niyang tutok na tutok ito sa pakikinig, ni hindi nga nito napansing nakapasok na siya.
“ Dahil sa sobrang tagal mo, binuksan ko na ang radyong ito.”
Iyan ang sabi nito ng mapansin siya nitong umupo.Dahil matagal ako? Ibig bang sabihin ay nabagot lang siya sa kahihintay sa akin kaya niya naisipang pakinggan ang radyo? Paano kapag maaga akong naparito? Ibig sabihin ba ay hindi niya na gagalawin ang radyong nakabinbin lang sa ilalim ng kanyang kama? Iyan ang nasa isip niya. Akala pa naman niya…
Araw 14
Unti-unting sumisilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang mapagtanto niyang pinakikinggan talaga ng kanyang ama ang radyo at hindi ito lang ito napilitan. Bigla niyang naalala ang nalalapit nilang huling pagsusulit, sa susunod na buwan ay isusuot na niya ang kanyang puting toga at tuluyan na nitong lilisanin ang buhay hayskul. Hindi niya na mapagtanto kung ano nga ba ang kalagayan ng kanyang ama.
“ Diyos ko, bigyan niyo pa sana siya palagi ng lakas, kahit pa masungit siya ay gusto ko pa po siyang makasama.”
Iyan ang lagi niyang panambitan na tanging ang isip niya lang ang nakakaalam. Iyan lang din ang lagi niyang dasal kapag nagpupunta ng kapilya o simbahan.
BINABASA MO ANG
Tatlumpu't-Isang Araw sa Ikaapat na Palapag
Short StoryMay mga bagay na hindi naiiwasan ng mga tao: ang maging bulag sa katotohanan, ang mahulog sa pag-ibig, pagtanda, kamatayan at gumawa ng kasamaan. Mayroon ding mga importanteng bagay na nababalewala ng mga tao: ang araw, oras, minuto at segundo. Gaan...