Araw 15-18

114 15 0
                                    

Araw 15

  Isang napakasamang panaginip ang gumambala sakanya noong dapit-hapon. May isang napakalaking bulto raw ang humigit sakanyang ama, sinubukan niya itong habulin ngunit nawala na lang ang mga ito na parang bula. Simula ng mga oras na iyon ay hindi na niya naialis ang mata niya rito, ni hindi niya na ring nagawang magpahinga. Natatakot siya na baka mamaya ay may dumating nga na kung ano rito at higitin ang kanyang amang hindi man lang niya nasabihan ng pagmamahal at napasalamatan.

Araw 16

  Bandang alas-nuebe, nakadungaw na ang buwan at mga naggagandahang mga bituin, may narinig si Aden na malakas na pagsinghap. Napatayo siya nang mapagtantong ang kanyang ama pala ay nahihirapan nang huminga. Nangangatog ang kanyang mga tuhod na lumapit dito’t labis-labis ang pagsasal ng kanyang dibdib. Magkakatotoo ba ang panaginip niya? Iyan ang naisip niya. Mabilis niyang iniabot ang gamot nito at itinutok ang naghihingalo na rin yatang bentilador dito. Gusto niyang tawagan ang kanyang ina ngunit maski pang-text ay wala siya. Ilan santo na rin ang kanyang natawag. Hinagod-hagod niya ang dibdib ng ama niya dahil iyon lamang ang pansamantalang bagay na magagawa niya para rito dahil kahit tumawag pa siya ng nars ay ganito lang din ang lunas na ibibigay nila.

“ Pagalingin niyo po siya, parang awa niyo na.”

   Ito ang paulit-ulit niyang panambitan. Nahihirapan na ang kanyang ama ngunit mas nahihirapan siya sa kalagayan nito. Kung pwede lang sana siyang tumakbo palayo roon para mabawasan ang kaba sa dibdib niya. Maya-maya pa’y parang dininig siya ng langit. Unti-unting kumakalma ang kanyang ama, unti-unti na ring kumakalma ang kanyang buong sistema. Akala niya’y mangyayari na ang kanyang masamang panaginip. Naisip niyang hindi pa pala siya nakakabawi rito. At kapag nangyari ang panaginip na iyon na hindi man lang sila nagkakaayos ay hindi niya iyon matatanggap.

Araw 17

  Araw ng Biyernes, nagmamadali siyang umuwi dahil nabalitaan niya kaninang umaga na puwede ng makalabas ang kanyang ama sa ospital. Labis na ligalig ang kanyang nadama dahil sa wakas ay madadama na muli nito ang sarap ng simoy ng hangin sakanilang tahanan. Hindi pa man siya nakakapasok ng kuwarto nito’y bumungad na sakanya ang tumatangis niyang ina. Kanina raw umaga, ang oras kung kailan nasa eskuwelahan siya, ay nahirapan na naman daw huminga ito. At kahit pa raw bumuti na ang kalagayan nito’y wala pa silang malaking halaga ng perang maipambabayad. Ang ligalig na nadama niya’y napalitan ng labis na kalungkutan. Pera, malaking halaga ang kailangan nila at dapat ay mayroon na ito sa lalong madaling panahon dahil mapapatungan na naman ito kapag hindi sila nakapagbayad.

Araw 18

  Dahil nga sa kawalan ng pera, hindi na nga nailabas ang kanyang ama. Nagtitiis na lamang siyang bantayan ito kahit pa sa nasaksihan niyang pangyayari kanina. Maaga kasing natapos ang kanyang klase kaya maaga siyang nagtungo sa ospital. Nasa ikaapat na palapag ang kwarto nito kaya sumakay siya ng elevator. Mag-isa siya roon at biglang nagbukas ito sa ikalawang palapag. May mga unipormadong kalalakihan ang pumasok kasunod ang isang ginang na ngumangawa at labis na umiiyak. Akala niya’y sila lang ngunit may isinunod na maliit na stretcher lulan ang batang sa tingin niya’y wala ng buhay. Nasa sulok siya’t mariing pumikit, takot na takot siya sa sitwasyong nasa harapan niya ngayon. Ilang patay na rin kasi ang nasaksihan niya sa bawat ospital na pinupuntahan nila, at ang makita ang isang taong walang buhay ay ang pinakakinatatakutan niyang masilayan sa ospital. Kahit na nakapikit siya’y dinig na dinig niya pa rin ang daing ng kalunos-lunos na ginang. Unting-unti na lang ay hindi na niya makakayanan. Mabuti na lamang at  nagbukas ang pinto at tumigil na sa ikaapat na palapag. Hindi niya lubos maisip kung paano siya nakatagal sa lugar na kanyang kinatatakutan sa umpisa pa lamang.

Tatlumpu't-Isang Araw sa Ikaapat na PalapagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon