Araw 19
Inutusan siya ng kanyang ama na alisan siya ng puting buhok. Matagal na rin niya itong hindi nagagawa rito iyon dahil lagi niya itong tinatakasan.
“ Alam mo ba? Kamukha mo ang kapatid ko na namatay na?”
Nabigla siya at napatigil sa pagbubunot ng puting buhok nito. Tama ba ang narinig niya? Kinukuwentuhan siya ng kanyang ama? Hindi niya alam na may kapatid pala itong babae at sumakabilang-buhay na dahil hindi na talaga sila nag-uusap simula noong magdalaga siya. Hindi niya namalayang nakukuwento na pala ng ama niya ang bahagi ng buhay nitong hindi pa niya naririnig mula rito. Naisip niyang unti-unting nababawasan ang bigat sa kanyang dibdib.
Araw 20
“ Ang mama mo ang nanligaw sa akin. Gwapo ‘to eh.”
Iyan ang sambit ng kanyang ama na nakapagpatawa sakanya ng labis. Sa kauna-unahang pagkakataon ay napatawa siya nito. Dati-rati kasi ay puro na lamang bulyaw at masasakit na salita ang naririnig niya rito. Nasisiyahan siya dahil unti-unti silang nagkakalapit. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagiging ama nito. At napapansin niyang napapalapit na rin ang loob nito sa Diyos dahil minsan ay pinapayuhan siya nito na kalakip ang mga salita ng Diyos. Ngayon ay may matinding rason na siya para magpunta sa lugar na kintatakutan niya, iyon ay ang mga kuwentong nag-aabang mula sa kanyang amang nagbabago na. at kahit pa maubos ang puting buhok nito’y wala na siyang pakialam basta’t magkausap lamang sila.
“ Kunin mo na ang lahat sa akin, huwag lang ang aking mahal…”
Kasalukuyan siyang nagsusulat nang pumailanlang ang musikang paborito ng kanyang ama.Naisip niyang kung malakas lang ito ay sumasaloy na ito sa musika. Hindi niya maipagkakailang bilib na bilib siya sa ginuntuang boses nito.
“ Malapit na ang graduation niyo, anong top mo?”
Biglaang tanong nito sakanya. Natatakot niyang sabihin na may mga grado siyang bumaba at hindi siya nakapasok sa listahan ng magagaling na estudyante sa paaralan. Simula kasi noong elementarya ay lagi siyang nangunguna sa klase. Hindi pa man siya nakasagot ay muli na naman itong nagsalita.
“ Sa totoo lang, wala naman yang top-top sa akin. Basta makatapos kayo ng pag-aaral at maging responsable ay para na rin kayong nag-top.”
Namamanghang pinakinggan niya ang litanya nito. Dati-rati kasi ay pinagagalitan siya kapag bumababa ang rangko niya sa eskuwelahan. Pero iba na ngayon. Nakakatuwa pero nakakapanibago.
Araw 21- 22
Matapos ang pagsusulit nila Aden ay pumipikit-pikit na ang kanyang mga mata dahil sa sobrang puyat ngunit pinilit pa rin niyang magpunta sa ospital dahil gusto niyang makarinig ng mga nakakatanggal na pagod na kuwentong magmumula sa kanyang ama. Nadismaya siya dahil nagpapahinga pala ito ,base na rin sa mabibigat nitong paghinga. Pinagmasdan na naman niya ito, napansin niya ang bahagya nitong pamamayat at napansin niya ang pahirapang paghinga nito. Ngayon niya lang din napansin na nadagdagan ang mga suwerong isinaksak sa katawan nito at minu-minuto na nitong ginagamit ang tangke ng oxygen, dahil doon ito humuhugot ng hangin.
Araw 23
Naging abala siya nitong mga araw dahil pagpapasa na ng mga proyekto niya sa eskuwelahan ngunit kahit gaano siya kaabala ay iniisip pa rin niya ang kanyang ama. Kailan kaya ito makakauwi ng bahay? At kailan kaya nito masasabi ang mga iyon? Kailan kaya? Iyan ang mga katanungang naglalakbay sa kanyang isip nang bigla siyang tawagin nito. Masaya niya itong dinaluhan ngunit nadismaya siya dahil hind man lang ito nagkuwento. Naiintindihan niya iyon sapagkat namamaos na ito at nahihirapang huminga kapag susubukan nitong magsalita. Pinabuksan na lamang nito ang radyo at sabay nilang pinakinggan ang salita ng Diyos.
“ Markos, kapitulo beinte-cuatro.”
BINABASA MO ANG
Tatlumpu't-Isang Araw sa Ikaapat na Palapag
Short StoryMay mga bagay na hindi naiiwasan ng mga tao: ang maging bulag sa katotohanan, ang mahulog sa pag-ibig, pagtanda, kamatayan at gumawa ng kasamaan. Mayroon ding mga importanteng bagay na nababalewala ng mga tao: ang araw, oras, minuto at segundo. Gaan...