CHAPTER 2

112 12 0
                                    

CHAPTER 2

MAAGA palang ay nakahanda nang umalis si Becca para pumasok sa eskwela. Hindi pa pumuputok ang araw ay gising na ito. Excited kasi ito dahil sa ito ang unang araw niya sa kolehiyo. Bago tuluyang umalis ay nagbilin muna ito sa katiwalang si Ising.

"Manang, kapag po nagising si Bena pakisabi pong nauna na akong pumasok. Pakigising na rin po pala siya at baka ma-late na naman 'yan. Alam n'yo naman ang mga binabae, makupad kumilos." Mahabang litanya nito sa katulong. Hindi tuloy mapigilang mapahagikgik ng matanda dahil sa alam nitong pilya ang kaniyang alaga. Pitong taon na itong naninilbihan sa magkapatid. Halos ito na rin ang tumayong magulang ni Bena at Becca.

Ang Tito Miguel kasi nila ang siyang nagpatuloy sa pagpapatakbo sa mga naiwang negosyo nina Hilda at Arthur. Ganoon din sa iba't ibang lupain na mayroon ang pamilya. Hindi na nag-asawa pa si Miguel. Nakalimutan na nito maging ang pansariling kaligayahan.

Simula kasi nang mamatay ang kapatid nitong si Arthur ay ipinangako niya sa sariling ituturing niyang parang tunay na anak ang mga pamangkin. Hindi napansin ni Ising at Becca na kanina pa pala nakikinig si Bena. Pasimple itong umubo na siyang nagpatahimik sa dalawa, nakataas ang kilay at pumameywang sa harapan nina Becca at Manang Ising.

"Sinong binabae Becca?" Mataray nitong sita sa kambal.

"Wala akong sinabi a, Manang Ising sino nga bang binabae? May sinasabi ka ba?" Pagmamaang-maangan ni Becca. Pilit nitong pinipigilan ang sariling mapahagalpak sa tawa.

"Wala po akong alam diyan Señorita." Segunda naman ng matanda. Bakas din sa mukha nito ang tawang pilit pinipigilan, matapos ay pasimpleng sinenyasan ito ni Becca na umalis na. Alam nitong ilang sandali lang ay kakawala na ang pinipigil na tawa ng matanda. Agad namang tumalima si Ising para makatakas sa bangayan ng magkapatid.

Tila bombang gustong sumabog ang mukha ni Bena sa sobrang pula. Napakabugnutin kasi nito at madaling mapikon. Para maiwasan ang bangayan ay madaling tumalikod si Becca at akmang aalis na sana.

"Mauna na ako Benedict! Sumunod ka na lang." Bilin nito. Pagkarinig sa pangalang Benedict ay mas lalong kumulo ang dugo ni Bena, mabuti na lamang at mabilis kumilos si Becca kung hindi ay tinamaan sana ito ng tsinelas nang walang anu-ano ay batuhin siya ni Bena. Kasabay noon ay ang malakas na pagkalabog ng pintuan.

"Buwisit ka talaga babaeng may bigote!" Pahabol na sigaw ni Bena. Sa paglabas ni Becca ay hindi na nito mapigilan pang humagalpak. Hawak nito ang sariling tiyan, halos sumakit ito sa katatawa. Kahit kailan talaga ay napakasutil ni Becca pagdating sa kapatid. Alam na alam nito kung paanong aasarin si Bena.

Lumipas pa ang ilang sandali, bahagya pang pinakikiramdaman ni Bena ang sarili. Kasalukuyan itong nakaupo sa harap ng hapag-kainan. Natapos ng ihanda ni Ising ang agahan niya ngunit tila wala itong gana. Magdamag kasi itong hindi pinatulog ng kaluskos sa labas ng kaniyang kuwarto. Idagdag pa ang mga kahol ng aso na tila nagagalit.

Naalala pa nito ang nangyari kagabi habang kausap si Thonya sa kabilang linya. Kasalukuyan itong nakikipag-chikahan sa kaibigan ng makarinig ito ng tila kumakatok sa bintana. Nang una ay hindi niya ito pinansin at inisip na baka hangin lang iyon na tumatama sa salamin. Ngunit nang masundan pa ito, hindi lamang isa kundi tatlong beses na katok ay naglakas loob na itong buksan ang bintana.

Matapos magpaalam sa kaibigan at patayin ang tawag mula sa kabilang linya ay unti-unti itong lumapit sa bintana. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Ang bawat pintig ng kaniyang puso ay tila tambol sa sobrang lakas.

Dahan-dahan nitong binuksan ang bintana, luminga-linga pa ito, nagbabakasakaling may taong makikita sa labas ng bakuran ngunit nabigo ito. Nakahinga ito ng maluwag.

MANDURUGO (ANG GANTI NG HULING LAHI NG MGA ASWANG) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon