CHAPTER 2 CONTINUATION

92 12 0
                                    

Nang makita ng lalaki na tulog na tulog na si Trisha ay napangiti ito.

"Tignan mo nga naman ang pagkakataon. Kapag sinuswerte ka nga naman, dalawang putahe sa isang kainan. Siguradong mabubusog ako nito." Nakangisi nitong bulong sa sarili. Hindi na ito makapaghintay pang mailabas si Trisha sa bar.

Walang kamalay-malay ang babae sa maitim na balak ng estranghero. Marahan niya itong inalalayan at itinayo. Ang mga tao ay abala sa kaniya-kaniyang ginagawa kaya naman walang nakapansin kay Trisha na inilalabas na ito ng kungg sino. Langhap na nito ang halimuyak na hatid ng dalaga, pakiramdam niya'y ilang sandali na lang at hindi na nito mapipigilan ang sarili sa binabalak.

Nang makalabas ay agad na sumalubong ang guwardiyang si Pedring.
"Sir, mukhang nalasing po si Madam. Kaano-ano niya po kayo? Kayo po ba ang guardian ni Miss Trisha?" Kilala ng guwardiya ang dalaga dahil madalas ito sa bar. Halos lahat ng kaibigan nito at pati na ang driver ni Trisha ay kilala ni Pedring. Wala sana itong balak makialam ngunit hindi kasi pamilyar ang mukha ng lalake. Tingin niya ay nasa late 50's na ito. At mukhang hindi mapagkakatiwalaan.

"Hindi. Pero..." Hindi pa man natatapos ang sasabihin ay agad nang sumagot si Pedring.

"Ganoon po ba? Hindi po kasi puwedeng basta-basta ninyo na lang isama si Miss Trisha. Hindi naman po pala ninyo ito kaanu-ano." Matapang na sagot ng guwardiya. Bakas ang pagkairita sa mukha ng lalake. Nangangalit ang mga ngipin nito.

"Huwag kang makialam kung gusto mo pang sikatan ng araw!" Galit nitong sambit. Gutom na gutom na ito at hindi maaaring hindi niya makain ang kaniyang gusto.

"Sir, hindi n'yo po talaga puwedeng isama si Miss Trisha. Lalo na at ganiyan ang kondisyon niya." Bakas ang pag-aalala nito sa tono.

"Sinabing huwag kang makialam!" Dahil sa sobrang gutom ay tila wala na ito sa sarili. Itinulak nito ang guwardiya na bahagyang napaatras. Agad naman kumilos ang guwardiya at inilabas ang baril nito. Anumang oras ay handa nitong paputukan ang lalake kung sakali mang manlaban ito.

"Iwanan mo si Miss Trisha at malaya ka nang makakaalis." Sambit nito habang nakatutok ang baril sa lalake. Ang ibang kabataan naman ay nanood sa nangyayari. Napailing na lang ang lalake sa galit, pilit nitong pinipigilan ang sarili. Ngumiti ito ng nakakaloko.

"Tingin mo ba ay natatakot ako sa baril mo?" Nilingon ng lalake ang paligid, napansin nito na marami ang nakatingin.

"Pasalamat ka at masuwerte ka pa ngayon, pero sa susunod sisingilin na kita." Kasabay nito ay binitawan niya si Trisha, mabilis naman lumapit ang iba pang kabataan para alalayan ang walang malay na dalaga.

"Marami ka pang sinasabi. Huwag ka ng babalik pa dito! Kung hindi pasasabugin ko ang ulo mo!" Imbes na sumagot ay tuluyan ng umalis ang estranghero. Nagbabaga ang mga mata nitong sumakay sa kotse, ang mga pangil nitong kanina lang ay tahimik ngayon ay nagngingitngit sa galit.

"May araw ka rin sa akin." Nilingon pa ng lalake ang guwardiya matapos ay saka nito pinaharurot ang sasakyan at nilisan ang lugar.

*******

Alas tres na nang madaling araw ng matapos ang duty ni Pedring. Hinintay pa kasi nito ang sundo ni Trisha, upang masigurong ligtas ang dalaga. Kasalukuyan nitong binabagtas ang daan pauwi sa kaniyang tinitirhan gamit ang kaniyang motorsiklo.

May kalayuan din ang lugar mula sa bayan ngunit kahit ganoon ay matiyaga itong pumapasok para sa pangangailangan. Malamig ang simoy ng hangin na humahampas sa mukha at balat ni Pedring na nanunuot hanggang sa kaniyang kalamnan. Madilim pa ang paligid, halos wala pa itong nakakasalubong na sasakyan sa daan.

Napakatahimik, tanging ugong lamang ng kaniyang sasakyan ang mauulinigan. Ilang sandali pa ay nakarinig ito ng tunog. Tila nanggagaling sa malaking ibon. Pasimple itong luminga-linga. Kinakabahan si Pedring, pakiramdam nito ay may hindi magandang mangyayari.

Naalala nito ang kumakalat na balita tungkol sa gumagalang aswang. Mabilis niyang pinaharurot ang kaniyang motorsiklo. Pahina na ng pahina ang tunog. Naisip nitong malayo na siya sa ibon.

Nang marating nito ang parteng bukid patungo sa kaniyang bahay ay hindi inaasahang tumirik ang kaniyang motor. Iginilid niya ang kaniyang sasakyan at pagkatapos ay bumaba at hinanap kung anong problema.

Ilang sandali pa lamang ay nakarinig naman ito ng kaluskos mula sa palayan. Alam nitong may kakaibang nangyayari, pinagpapawisan ito ng malamig. Hindi kalayuan sa kaniyang kinalalagyan ay napansin nito ang isang pigura. Isang bulto na sa tingin nito ay lalake.

Laking pasasalamat nito at may makakasama na siya. Nawala ang kaluskos na kanina lang ay kaniya pang naririnig Ngunit dahil sa madilim pa ay hindi niya makita ang mukha ng kung sinong lalaki. Nakapagtatakang wala naman ito kanina. Nakakapagtakang hindi niya ito napansin nang huminto ang sasakyan. Ngunit binalewala na lamang niya ang kaniyang agam-agam.

"Pare kailangan ko ng tulong!" Sigaw ni Pedring nang makita niyang dahan-dahang lumalapit ang lalake.

"Nasiraan ako, baka puwede mo akong tulungan?" Habol pa nito ngunit wala itong nakuhang sagot. Sa halip ay naglalakad lang ito patungo sa kinatatayuan niya. Nang malapit na ito ay hindi sinasadyang matamaan ito ng liwanag ng ilaw, ganoon na lamang ang pagkagimbal ni Pedring.

Nangangatog ang mga tuhod nitong napaatras. Isang nilalang na may katawang tao at ang ulo ay tila sa hayop. Umiilaw ang mapupulang mata nito, mayroon din itong matatalas at malalaking ngipin. Tumutulo ang malapot nitong laway sa kaniyang mabalahibong katawan.

Nilukuban ng matinding takot si Pedring, hindi niya alam kung anong gagawin. Para siyang natuka ng ahas. Hindi siya makakilos. Nanginginig ang buo niyang katawan. Mayamaya lang ay umatungal ang lalake na tila nagugutom na na aso.

"H-huwag kang l-lalapit... may b-baril a-ako..." Banta nito. Ngunit ng kapain niya ang baril sa kaniyang beywang ay naalala nitong iniiwan niya nga pala ang kargada sa pinapasukang bar. Mas lalong kinabahan si Pedring dahil anumang oras ay nakahandang sumugod ang halimaw.

Mabilis nitong sinugod si Pedring. Agad namang natauhan ang guwardiya at kumilos ngunit huli na ang lahat. Naabutan na ito ng halimaw at agad siyang dinaganan.

"Huwaaaaggggg....." sigaw ni Pedring. Naramdaman nito ang mga ngipin ng halimaw na bumaon sa kaniyang leeg. Agad bumulwak ang pulang likido na kumulay sa kulay puti niyang sando. Hindi niya magawang makapanglaban sapagkat higit na malakas ang halimaw. Bukod do'n ay nakadagan ito sa kanya.

Nanghihina na si Pedring dahil sa dami ng dugong nawala sa kanyan. Ngunit hindi pa rin tumitigil ang halimaw. Patuloy nitong sinisipsip ang kanyang dugo. Hindi pa ito makunteto ay walang kagatol-gatol nitong iniumang ang matatalim na kuko at pinuntirya ang dibdib ni Pedring.

Napamulagat ang halimaw ng tumambad sa kanyang harapan ang tumitibok-tibok pang puso ni Pedring. Lalo itong naulol sa kasabikan. Walang sabi-sabing dinukot nito ang puso ng binata. Nangisay naman si Pedring dahil sa ginawa nito. Makalipas pa ang ilang segundo at binawian nang buhay ang gwardiya dilat ang mata nito at mababakas ang matinding sinapit.

Nang maubos ng halimaw ang kaniyang pagkain ay pinagmasdan nito ang biktima. Wakwak ang dibdib at naliligo sa sariling dugo. Napangisi ang halimaw ng makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang biktima.

"Sinabi ko naman sa 'yo, hindi ka na sisikatan ng araw!" Walang anu-ano ay binuhat nito ang motorsiklo ni Pedring at ibinagsak sa ulo ng biktima. Nagkalat ang utak nito nang tamaan ng bakal ang ulo ni Pedring. Nawasak ang kaniyang bungo sa lakas ng pagkakabagsak ng motor dito. Muli itong napangisi sa nakita. Pagkatapos ay umalulong ito. Kasabay ng mga asong gala sa paligid na siyang naging piping saksi sa karumal-dumal na pangyayari.

MANDURUGO (ANG GANTI NG HULING LAHI NG MGA ASWANG) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon