Chapter I

56 4 0
                                    

Isang buwan na simula ng mabuhay ako na parang patay —o namatay ako pero parang buhay? Hindi ko alam. Hindi rin ako sigurado kung ano talaga ang nangyari —o kung ano ang nangyayari?

Natatandaan ko sabado noon, alas-siyete ng umaga, wala akong pasok sa trabaho. Sumigaw na si nanay mula sa ibaba. Gumising na raw ako at magtatanghali na. Birthday kasi ni tatay kaya dadalawin namin ang puntod niya sa sementeryo para maipagtirik ng kandila. Pagkadilat ko may kaka-iba na kagad. Nagising ako sa sahig. Nahulog ba ako sa kama? Bakit suot ko ang paborito kong hoodie, paborito kong damit at paboritong kong maong —at naka sapatos na ako? Naaalala ko nagpalit ako ng suot n'un bago matulog eh. Iniisip ko kung paano nila ako nabihisan ng hindi ko nararamdaman eh ang bilis kong magising —konting galaw lang. Hindi rin naman ako uminom ng alak kaya imposibleng hindi ko matandaan ang mga nangyari. Inisip ko na lang na ayos na rin para hindi na ako maligo at maka-alis kami ng maaga ni nanay at bunso.

Aba at iniwan pang nakabukas ang pinto ng kwarto ko!

Una akala ko prank lang eh. Tipong nakaupo na ako para mag-almusal nang biglang sinabi ni nanay... 

NANAY: Bunso tawagin mo nga ang kuya mo. Ikaw nga ang gumising doon. Para makapag-almusal na at maka-alis na tayo. Magtatanghali na eh. 

AKO: Ha-ha-ha. Nakakatawa.

At umakyat nga si bunso para tignan ako. 

BUNSO: Nay, wala naman si kuya sa kwarto n'ya eh. Wala rin sa banyo. 

NANAY: Huh??!!! Saan na naman kaya nagpunta ang batang iyon? Naku naman talaga! Pasaway! 

AKO: Anong trip n'yo??!!! Una binihisan n'yo ako habang natutulog. Ngayon naman nakiki-uso kayo sa trending na invisible prank. Grabe sa effort ah. Bahala kayo d'yan. Mga kinain na ng sistema. 

Unti-unti ko nang napapansin na may kakaiba talagang nangyayari nang kumuha ako ng pandesal. Sobrang bigat. Hindi ko makuha —hindi ko maiangat.

AKO: Hahaha. Ayos ah! Pati pandesal dinamay n'yo pa ah. O sige, Bilib na ako. Bigyan ko kayo ng ten points para sa props.  

Sinubukan kong kumuha ng ibang piraso ng pandesal pero mabigat pa rin. Hindi na ako natutuwa —naiirita na ako. 

AKO: Hindi na nakakatuwa ah. Bunso itigil n'yo na ito. Nay naman eh... ano ba 'to?  

Noong akmang hahawakan ko na si nanay sa balikat —biglang tumalsik ang kamay ko!  

Pilit ko silang hinahawakan pero parang may kung anong pwersa na humaharang mula sa katawan nila. Doon ko lang napagtanto na hindi na pala talaga maganda ang nangyayari.  

Nakaupo ako noon sa sala, nakatulala at balisa, habang nag-iisip pa rin sila nanay at bunso kung saan ako nagpunta. Patay na ba ako? Multo na lang ba ako? Hindi eh. Nandito pa ako. At kung multo na ako, bakit wala akong nakikitang kapwa multo? O baka naman naengkanto ako! Saan? Paano? O 'di kaya ay panaginip lang ito? Hindi eh. Nararamdaman ko 'yung kurot ko sa sarili ko! Ano ba talaga ang nangyayari? 

NANAY: Saan naman kaya nagpunta kuya mo? Ninenerbyos ako. Alas-kwatro na ng hapon oh! Hindi naman n'ya ugali ang hindi nagpapaalam kapag may pupuntahan siya. Nagsasabi 'yun eh. At lalong hindi siya nawawala kapag birthday ng tatay n'yo. 

BUNSO: Oo nga Nay eh. Minessage ko na rin mga katrabaho at kaibigan ni kuya kung kasama ba siya nila. Hindi naman daw. 

NANAY: Sana naman walang nangyaring masama sa kuya mo.  

Kung alam lang nila na nandito lang naman talaga ako...  

Magaalas-sais na ng gabi noon nang maisipan ni nanay na lumapit na sa barangay namin para humingi ng tulong. Ni-review nila ang mga kuha ng CCTV. 

CHAIRMAN: Ito oh. Alas-otso ng gabi ng Biyernes siya umuwi sa inyo. 

NANAY: Opo Che... nag-OT siya niyan kaya late na siya nakauwi. Nakasabay pa nga namin siya maghapunan.  

Patuloy nilang pinanood ang CCTV. Naka x4 fast forward hanggang sa makarating sa Sabado ng alas-sais ng hapon. Ayaw kong nakikita ng ganito sila nanay —kinakabahan at hindi mapakali. 

CHAIRMAN: Misis, nakita n'yo naman po, hindi lumabas ng bahay ang anak ninyo simula ng umuwi siya kagabi. May iba po bang pwedeng daanan palabas ng bahay ang anak ninyo? 

NANAY: Wala naman po Che... 

CHAIRMAN: Kung gano'n po ay ipapayo ko sa inyo na tignan n'yo po muna ulit ang bawat sulok ng bahay n'yo. Kabinet, washing machine, aparador —LAHAT. Baka may iniwang sulat o kung ano man at bumalik po kayo dito kung wala talaga at magfa-file tayo ng missing person sa mga pulis.  

At wala nga silang nahanap sa bahay —dahil wala naman talaga silang mahahanap. Dahil nandito lang naman ako...  

Naireport na nila nanay sa mga pulis ang pangayayari. Nanawagan na rin sila sa tv, istasyon ng radyo at sa mga diyaryo.  

Araw-araw kong nakikita na umiiyak sina nanay at bunso. Naghihintay ng pagdating ko. Hindi ako sanay na ganito sila. Balisa. Tulala. Malungkot. Pati grades ni bunso sa eskwelahan naapektuhan na. Kitang-kita ang mga pagdurusa nila... ang masakit doon —WALA AKONG MAGAWA. Hindi ko kaya —mababaliw ako. Mas pinili ko na lang na lumayo pansamantala hanggang sa mahanap ko ang sagot sa kung ano ba talaga ang nangyayari. Kaya ito ako ngayon palakad-lakad sa buong Manila. Hindi nakakaramdam ng pagod, gutom o kahit antok.  

Isang buwan na simula ng mangyari ang pinakakakaibang bagay na naganap sa buhay ko. Hindi na nila ako makita —hindi ko na rin sila mahawakan. Isang buwan na simula ng mabuhay ako na parang patay. O baka naman patay na talaga ako...

Beauty in the Abyss [completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon