Buhay ay walang saysay kung wala ang puso. Kung saan ginintuan ang katumbas; kumikislap at kumikinang. Dahil sa puso, ang buhay ay makulay na ang kahulugan ay hindi mawari. Ito rin ay parang bulaklak sa may harden na pinipitas ng sinumang makaibig. Sing laki lang nito ang isang kamao ng kamay ngunit gumaganap ito ng napakabigat na tungkulin, at halaga nito ay sing laki ng mundong iba't iba ang perspektibo. Ito'y sumisimbolo ng pag-ibig, pag-asa at pananalig.
Ang pangunahing halaga nito ay ang pagmamahal na siyang diyamanteng sa kislap ng araw ay kumikinang na sa kintab na iyong matatanaw at mararamdaman ay tila nagsasabing ika'y mapalad na nilalang. Nagdudulot ng matinding kagalakan, minsan ay matatawag na kilig o di kaya ay natutuwa lang talaga. Hindi malaman laman kung bakit kaya nitong pa ibigin ang isang tao. Kung bakit maihahalintulad sa salapi, hinahanap-hanap. At kapag ito ay natagpuan, labis na ligaya ang nadarama.
Ngunit gaano man karami ang kaligayahan ay may kapalit palang kalungkutan. Napaka importante ng puso, sabi ng iba, sa paggawa ng desisyon, kailangang sundin ang puso subalit lingid sa kaalaman ng iba na ito ang pinaka mahina sa lahat. Sa kanya tumatakbo lahat ng parte ng katawan. Oo, hindi ito perpekto, kaya minsan na tayong nasaktan dahil mas inuuna pa natin ang puso kesa sa utak. Kung pilit nating sisihin ang puso sa lahat ng problema magkakaroon ng kadiliman sa kalooban. Ang mga hindi inaasahang pangyayari ay lalantad na. Ang puso na dati ay brilyanteng kumikinang, at puno ng awa at pagmamahal ay nagiging bato, nagiging puno sa sakim at nagiging manhid. Mga batong pakalat kalat nalang. Walang pakialam, kung hindi nakakabukol ay nakakasugat. Mga pusong dati ay nakakabulag ang liwanag at nag aawitan sa ligaya, ay biglang naglaho.
Malinaw at malinis ngunit naging putik at kulay itim na kayang inumin ng mga uhaw sa pag ibig. Dulot ng matinding problema ay bigla itong sumuko, at hiniling na sana ay huminto sa pag tibok sapagkat ito ay pagod na, at kahit saan man pumunta ay wala ng pag asa pa. Ang dating nagbabaga ay ngayon ay mas malamig pa sa yelo.
Ang puso man ay minsan, madilim, at sa paningin ay hindi maganda, mayroon itong magandang bunga, bagkus sa bawat dilim, ay may liwanag na paparating. Ang tubig na patuloy sa pag daloy, ay tulad rin ng buhay. Hindi natin alam kung saan tayo dalhin ng ating mga paa, hindi natin alam kung ano pa ating makita, o marinig, hindi tayo sigurado sa kung ano ang maaaring ibigkas ng mga labi, hindi natin alam kung ano pa ang mga bagay na pwede nating isipin, wala tayong ka alam alam sa mga responsibilidad na hahawakan natin, at hindi natin alam kung hanggang saan lng itong ating nararamdaman, sapagkat ang lahat ng bagay ay may perpektong oras na paglalagyan. Huwag mag madali. Kung pagod na, maaaring magpahinga. Huwag magpapaapekto sa lahat ng mga balakid. Habang ang puso ay tumitibok pa, hindi pa tapos ang laban. Tiwala lang.