// Yana ;
"Anong ulam?" Padabog kong nilapag ang bag ko sa upuan at tinignan ang tatay ko.
Nginuso lang niya ang mangkok na may takip. Oo nga pala, bakit ko ba aasahang may isasagot siya, eh pipi nga. Labing isang taon na akong nagtitiis sa kanya simula nang mawala ang nanay ko. Ni hindi na kami magkaintindihan dito at lagi ko siyang nasisigawan.
"Ano ba 'yan! Instant noodles?! Ang lamig na nito! Wala na bang iba?!" Ngumiti lang siya at nag-sign ng 'wala' sa kamay niya. Binagsak ko sa lamesa ang mangkok kaya natapon lahat ng laman no'n. Tumalsik pa sa kanya ang iilan kaya yumuko siya para punasan ang mukha niya.
"Pupunta ako sa bahay ng boyfriend ko. Doon na 'ko kakain." Nagbihis lang ako at lumabas na nang hindi siya tinapunan ng tingin.
---
"Tay," sinubukan kong baguhin ang tono ng boses ko. "Valentines ball na namin sa susunod na araw. May nabili ka na bang gown? Pati 'yung laptop ko na pang-thesis, meron na ba?"
Tinignan niya ako at ngumiti. Kinuha niya ang ballpen at notebook niya na lagi niyang nasa tabi saka nagsulat.
"Pinag-iipunan ko na ang laptop. Bibilhin ko na bukas ang gown mo."
Napatalon ako sa tuwa. Grabe! Ngayon lang yata ako natuwa sa kanya! Lumipas ang gabi na halos hindi ako nakatulog. Nang mag-umaga ay binati ko si Tatay ng 'good morning' saka sinamahan siyang kumain ng almusal. Nang makauwi ako galing sa paaralan ay ngiting-ngiti akong pumasok sa bahay. Nakita ko lang doon si Tatay na puro pasa at sugat.
"Nasaan ang gown ko?" tanong ko. Pilit siyang ngumiti saka tinuro ang box sa gilid. Binuksan ko 'yun at talaga namang nakakadismaya.
"Ito na 'yun?" Nakasimangot kong tugon. "Inarkila mo lang 'to 'no? Ano ba naman! Buong araw ka nagta-trabaho at laging madaling araw umuuwi tapos mumurahing gown lang? Nagbibisyo ka lang yata eh! Nambababae ka siguro! Grabe, hindi mo na nga mapunan 'yung pangangailangan ko tapos simpleng gown lang hindi mo pa mabili! Wala kang kwentang ama!"
Tumakbo ako papunta sa kwarto ko at nagtalukbong. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Sa kalagitnaan ng tulog ko ay tumunog ang telepono kaya tumayo ako para sagutin.
"Ito po ba si Yana Fuentes?"
"Ako nga. Bakit ba?"
"Kayo po ang nasa speed dials ni Sir Gino Fuentes. Nalulungkot po kaming ibalita na wala na po siya matapos niyang masaksak dahil nahuli siyang nagnanakaw ng pera. Nakuha po sa kanya ang isang liham na nakapangalan sa inyo. Pumunta nalang po kayo sa *** Hospital."
Tila tumigil ang ikot ng mundo ko. Nabagsak ang mumurahin kong cellphone. Nagtungo ako sa ospital at nang mahanap ko ang kinalalagyan ni Tatay ay may lumapit na nurse sa akin at ibinigay ang sobre. Binuksan ko iyon at binasa.
~~~
Yana,
Anak, napakaganda ng mga mata mo. Noong nakaraan na ngumiti ka ay kamukhang kamukha mo ang Nanay mo. Parehas na natural ang kagandahan niyo. Labis na nag-uumapaw ang kagalakan sa puso ko dahil natuwa ka at sinabayan mo akong mag-almusal.
Pasensya na kung nagkulang ako bilang ama sayo. Sana ay nakakapagsalita nalang ako para maging magkasundo tayo. Bukod sa pagiging construction worker sa umaga ay kumuha ako ng isa pang trabaho bilang guard sa gabi para maging sapat ang suweldo ko at pinag-iipunan ko ang gown at laptop mo. Nung araw na bibili na sana ako ay na-holdap ako sa isang eskinita. Nanlaban ako pero binugbog lang nila ako. Kaya umutang ako ng panibagong pera para marentahan ang gown mo.
Anak, mahal na mahal kita. Humihingi ako ng tawad sa pagkukulang ko sayo. Gagawin ko ang lahat para sayo, kahit ikamatay ko pa.
~~~
Umagos ang luha sa mga mata ko. Halos hindi na mabasa ang ilang nakasulat dahil nabasa na iyon ng luha ko.
'Tay, bakit ka humihingi ng tawad? Ako dapat ang gumawa no'n. Patawad, tay.'
***