Chapter 2

303 23 2
                                    

Jeny

Nanginginig ang mga kamay ni lola nang makaharap niya ang portrait. Hinahaplos niya ang mukha ng babae at patuloy sa tahimik na pag-iyak.

"Lola, kilala mo ba siya?" tanong ko.

"Si Biana," maikling sagot ng matanda. Ikinalikod nito ang kwadro at sa bahagi ng maikling liham ay mas lalo siyang umiyak.

"Sino po si Biana?" tanong ko habang pinupunasan ang mga luha niya na naglandas na sa leeg.

"Kasintahan ni Juaning."

"Sino po si Juaning?"

"Ang nagsulat ng liham na ito," bulong niya habang hinahaplos ang sulat. "Nagkakilala sila noon sa Pampanga," simula ng kwento ni lola.

Biana

Taong 1940

"Biana," sigaw ni Ate habang nag-aayos ako ng buhok ko sa aking silid. "Bilisan mo."

"Maghihintay siya kung nais niyang manligaw," sagot ko kay Ate Aning, ang panganay sa aming tatlong magkakapatid. Lumitaw sila sa may pintuan na nakapamewang na gaya ng gawi ng aming Inang.

"Aba'y pinagpapawisan na si Isko at humuhulas na ang pamada," wika niya na ikinatawa ko. Natawa ng bahagya si Ate at tuluyang pumasok sa aking silid. Siya na ang naglagay ng pang-ipit upang hindi humulagpos ang ilang hibla ng aking hubok na pilit kong inilalagay patalikod.

"Ang sabi ko sa kanya ay tigilan na niya ako ngunit siya itong maulit."

"Ang hirap maging maganda," biro niya. "Harapin mo na at baka akalain ni Inang ay mantika iyon dahil sa pawis at ipangprito ng itlog."

"Hindi mo binuksan ang bentilador?"

"Ay siya nga, nakalimutan ko. Kaya siguro pinagpawisan."

Mapapailing ka na lang kay Ate Aning. Sabi nga ni Amang, baka raw lalaki talaga si Ate sa sobrang pilya. Gaya niyan ay hindi maiwasang gisahin si Isko. Kung bakit ba kasi ang kulit ng taong ito.

"Magandang hapon, Biana," bati ni Isko nang ako ay magpunta sa sala kung saan ay naroon siya at pinapaypayan ni Ate at Ditse.

"Baka himatayin," may kalakasang wika ni Ate na ikinapula ni Isko. Hindi nila binuksan ang bentilador at nais talaga nilang biruin si Isko hanggang sa magkulay kamatis ito.

"Biana, para sa iyo." Inabot nito ang dalang mga bulaklak.

"Para sa poon," wika ni Ditse. Pinipigilan kong huwag matawa at nakakahiya.

"Kasing ganda mo ang rosas." Naku Panginoon ko, ayan pa talaga ang ginamit na simula ng panliligaw.

"At kasing talim ng dila mo ang tinik nito," dugtong ni Ate. Pinanlakihan ko ng mga mata ang dalawa kong kapatid. Natatawa silang iniwan kami ni Isko sa sala.

"Pasensya na sa mga kapatid ko at mga pilya."

"Ayos lamang." Nag-alis ng bara ng lalamunan si Isko at umusog ng kaunti sa upuan.

"Ehem, narito lamang kami," sigaw ni Ditse kung kaya bumalik si Isko sa upuan niya.

"Biana, may nakapagsabi na ba sa iyo na ikaw ay kay ganda?"tanong nito. Gusto kong humagpak ng tawa kung hindi lamang ako kagagalitan ng inang.

"Marami na." Napangiwi si Isko sa isinagot ko.

"Tunay naman kasing ikaw ay maganda."

I am more than my face.

Isang ngiti na lamang ang isinagot ko. Nais ko ng bumalik ng Maynila at magpatuloy ng pag-aaral. Dapat ay doon na lamang ako nagbakasyon. Si Amang ay pilit pa akong pinauwi. Mayroon daw silang kaibigan na gusto akong kuhaning modelo para sa bagong pabrika ng tabako. Gusto kong maging nurse at hindi modelo.

The PortraitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon