Bago kami nagtungo sa San Fernando ay nakilala ko muna ang kaibigan ng Amang. Nagkita kami sa munisipyo ng Biyernes upang talakayin ang kanyang nais sa proyekto na gagawin ko.
"Maganda nga ang iyong anak, kumpadre."
Nakangiti akong kinamayan ang kaibigan ng Amang at naupo sa tabi ng aking ama.
"Kaya pala ang mukha mo ang kinukuhang modelo ng mga produktong galing dito sa Pampanga. Tunay ngang kamukha mo ang iyong ina," biro nito na alam naman ng lahat na kay Amang kami nagmana lahat. Natawa maging si Amang.
"Ano ho ba ang maitutulong ko sa inyo, Ginoong Esteban?"
"Gaya ng mga pagawaan dito sa Pampanga ay nais kong magkaroon ng magandang pakete ang aking mga tabako. Isang Ginoo sa San Fernando ang kukuha ng iyong mga larawan sa kanyang studio. Hindi naman kailangang lumabas ka pa upang kuhanan ng larawan. Iyon nga lang ay sadyang maraming ginagawa si Ginoong Isidro kung kaya ikaw na lamang ang pinapunta."
"Naiintindihan ko po. Bukas po ay aalis kaming magkakapatid papunta ng San Fernando. Magpapalipas po kami doon ng Sabado at Linggo."
"May tutuluyan ba kayo sa San Fernando?"
"Mayroon akong kapatid doon, kumpadre," sagot ni Amang.
"Kung ganoon ay magkita tayo sa Isidro Studio ng Lunes."
"Makakaasa po kayo, Ginoong Esteban," nakangiting sagot ko.
"S'ya nga pala. Heto ang paunang bayad. Gaya ng napag-usapan namin ng iyong Amang. Maraming salamat Biana at pinaunlakan mo ako." Inilapag ni Ginoong Esteban ang isang sobre sa lamesa.
Hinintay kong makaalis si Ginoong Esteban bago ako nagtatalon sa tuwa. Tatawa-tawa si Amang habang binibilang ko ang laman ng sobre. "Kay daming salapi," wika ko. "Ililibre kita, Amang. Ano ang iyong nais mula sa San Fernando?"
"Hindi ako tatanggi, anak. Ibili mo ako ng sinturon."
Sa bahay ay pinagmayabang ko kay Ate at Ditse ang salaping ibinayad sa akin ni Ginoong Esteban.
"Libre mo kami ng tig-isang sapatos," ungot ni Ate.
"Hmm? Wala akong narinig," tumatawang sagot ko.
"Inang, si Biana ay nagmamadamot na naman," sumbong ni Ditse.
"Biana," sigaw ng Inang mula sa silong. May pagbabanta na makakatikim ako ng kurot kung hindi ako magtitino. Isang ngisi naman ang pinakawalan ni Ditse at saka ito lumahad.
"Aray, Inang, si Ditse kinukurot ako." Nanlaki ang mata ng Ditse habang nagpipigil naman ng tawa si Ate.
"Minyang," sigaw ng Inang. "Kayo ay hindi talaga titigil? Aning, ihanda mo ang pamalo ko at hahaplitin ko 'yang mga pilya mong kapatid."
"Ihanda ang pamalo," bulong ni Ate at saka kami iniwan. "Kahiya-hiya kayo," wika nito habang hinahanap ang patpat ni Inang.
Kahit kami ay dalaga na ay hindi pa rin kami hinihintuan ng palo ng Inang. Mahigpit pa sa Amerikanong sundalo ang Inang kung tutuusin. Masyadong matanda sa sinauna.
Si Ate ay masayang nanonood habang hinahabol kami ng Inang na may hawak na patpat. Hindi tumigil si Inang hanggat hindi kami napapalo ni Ditse. May kwaderno naman kaming inilagay sa pwetan namin upang hindi maglatay ang paghampas sa amin. Ganito kami mula noon hanggang ngayon.
Habang nasa biyahe kami papuntang San Fernando ay hindi mawala ang tawanan naming tatlo habang pinag-uusapan ang habulan sa bahay na naganap kagabi.
"Ang sutil ninyong dalawa," pahayag ni Ate. "Huwag kayong gagawa ng gulo sa bahay ni Tiyo Jose."
"Kami ay mga dalagang Pilipina kapag nasa ibang bahay," sagot ni Ditse.
BINABASA MO ANG
The Portrait
Historical FictionIsang pagmamahalan na paglalayuin ng kapalaran. Si Flaviana "Biana" Bautista ay ang mukha sa likod ng mga paketa ng tabako at sigarilyo. Ang mukha niya ang naging batayan ng kagandahan sa buong Pampanga. Ang sabi nga sa kanilang bayan ay higit pa s...