Alas kwatro ng hapon, Martes.
Isang klase ni Steve ang kanyang hindi pinasukan pagkat abala siya sa paghahanap ng mga diyaryo o artikulo tungkol sa taong 1980 ng Santa Monica.
Kahit gaano katikom at kahit gaanong pilit na itinatago ng mga taga Santa Monica ang nangyari sa bayan noong dekada otsenta ay, dahil na rin sa espesyal na talento ni Steve, alam niyang mayroong nangyari noon, at ang mga nangyari noon ay direktang konektado sa mga nangyayari ngayon sa Santa Monica. Alam ni Steve na may alam ang kanyang lola, ngunit pinili niyang hindi magtanong pagkat ayaw niya itong matakot.
Halos nasuyod na niya ang buong silid aklatan ngunit kahit isang artikulo o kwento man lamang tungkol sa dekada otsenta ng Santa Monica ay wala siyang nahanap. Nang sinubukan niyang tanungin ang librarian ay binigyan lamang siya nito ng blangkong ekspresyon at sinabing wala nang natirang mga dokumento sa library tungkol sa taong 1980 pagkat nasunog itong lahat sa taong 1981.
Pero alam ni Steve na nagsisinungaling ang librarian. Gayun pa man ay hindi niya na ito pinilit na magbigay ng impormasyon.
May isa pang librarian sa library na parang nag aayos ng mga libro sa mga shelves. Lalapitan na sana ito ni Steve, ngunit napansin niyang hindi na natatanaw ang mga paa ng librarian at ito ay isa lamang aparisyon ng taong yumao na.
Dismayado, paalis na sana si Steve sa library nang masilayan niya ang isang malaking larawan sa may pader ng malaking silid aklatan. Agad siyang nagkaroon ng “pakiramdam” tungkol sa larawan, at maaring nasa larawang iyon lamang ang natatangi niyang pag-asa upang malaman ang mga nangyari noon sa Santa Monica…o upang mapigilan ang nagbabadyang panganib sa bayan.
***
Mag isa si Dr. Mark sa kanyang kwarto sa ospital ng Santa Monica. Nakabukas ang TV ngunit ang kanyang isipan ay wala sa kanyang pinapanood. Iniisip niya pa rin ang sinabi ng nurse na si Raymond tungkol sa mga narinig nitong nag uusap sa kanyang kwarto bago siya bumalik sa ospital.
Bilang isang doktor at alagad ng siyensya ay hindi naniniwala si Dr. Mark sa mga multo at iba pang mga superstisyon na popular sa mga Pilipino. Ngunit sa mga naririnig niyang mga kwento sa nagdaang mga araw ay nagdadalawang isip na ang doktor sa kanyang mga paniniwala.
“Maaring niloloko lamang ako ni Raymond, pero paano kung hindi?” tanong niya sa sarili.
Di naglaon ay nakaramdam ng pagka-antok ang doktor. Napahiga siya sa sofa na kanyang kinauupuan. Maiidlip na sana siya ng bigla na lamang siyang may narinig na pag-hagikhik na parang nagmula sa isang batang babae sa likod ng kanyang sofa. Agad na napatayo ang doktor at tinignan kung kanino nagmula ang tunog.
Sa likod ng sofa ay may nakita siyang isang batang babaeng naka-damit pang-pasyente ng ospital.
Nagulat ang doktor sa kanyang nasilayan. Hindi siya makapaniwala. Walang salita ang lumabas sa kanyang bibig at ilang segundo siyang natulala sa batang babae.
Tumingin sa kanya ang batang babae at nakangiti pa rin ito at tumatawa. Kung tutuusin ay walang nakakatakot sa batang babae. Maliban na lang na pasyente ito ni Dr. Mark. May leukemia ang bata at sumakabilang buhay ito tatlong araw na ang lumipas.
“Doktor?” may narinig siyang pagkatok mula sa pintuan ng kanyang kwarto. “Dr. Mark?”
Napatingin si Dr. Mark sa may pintuan at sinabing “Bukas yan.” Nang muling tiningnan ng doktor ang likod ng sofa ay wala na ang batang babae.
***
Ang larawan na nakita ni Steve sa library ay tungkol sa mayor ng Santa Monica na nagsilbi sa loob ng halos dalawang dekada, mula 1965 hanggang 1985, si Sebastian Santos. Ang dating alkalde ay nakuhaan na nakangiti habang nagtatanim ng puno para sa isang pang-kalikasang proyekto sa Santa Monica noong taong 1980. May pirma pa ng dating mayor sa may bandang ibaba ang larawan, katabi ang petsa kung kalian kinuha ang litrato.
BINABASA MO ANG
Santa Monica: A Filipino Ghost Story
TerrorSanta Monica is a small town that was once covered by darkness no one saw coming. An evil being set foot in the town thirty years ago. And with his presence, the dead seemed to have come back. But the evil entity lost his first battle, but not witho...