Chapter 7

7.2K 145 25
                                    

"W-WALANG HIYA KA!?!" sigaw ni Tamara habang pumipiglas sa mahigpit na kapit sa kanya ng misteryosong babae na alam niyang dahilan ng mga kaguluhan sa buhay niya. 

"Mahal! Ano ba'ng nangyayari sa'yo?" rinig niya ang pamilyar na boses ng lalaki na nagsalita. Boses ito ni Philip.

Tsaka niya lang napagtanto na si Philip na pala ang nakahawak sa kanyang mga braso at hindi na ang babae.

Unti-unting kumalma si Tamara habang hinihingal dahil sa kaninang pagpipiglas. Isang mabigat na buntung-hininga ang nilabas niya.

Niyakap niya si Philip nang mahigpit at pinipigil ang pagluha pero may kung anong pwersang humahatak sa mga luha niya pababa. Sa palagay niya, kailangan nang malaman ng nobyo ang nangyayari sa kanya.

"Philip, may nanggugulo sa akin..." mahinang sabi ni Tamara habang nasa mahigpit na yakap nito.

Bumitaw saglit si Philip para tingnan sa mata ang nobya. Hindi niya masyadong naintindihan ang nais sabihin nito sa kanya, "Ano? Sinong nanggugulo sa'yo?"

"Hindi ko alam kung sino siya. Pero hindi siya tao, multo." sabi ni Tamara habang namumuo ang mga luha sa mata niya.

Dito na kinabahan si Philip. Noong una pa man alam niyang may dinadala nang problema si Tamara pero hindi niya aakalain na ganito kaseryoso ito.

Hindi niya rin alam kung ano ang maitutulong niya rito, gayong lumaki din siyang takot sa kababalaghan. Pero hindi niya pinairal ang takot. Alam niyang kailangan siya ngayon ni Tamara at kailangan niyang magpakatatag.

Isang mas mahigpit na yakap mula kay Philip ang tila pumawi sa lahat ng pangangamba ni Tamara. Handa na nga siyang sabihin kay Philip lahat-lahat. Pero imbis na maliwanagan ay mas maraming tanong ang umusbong sa isip ni Philip tulad na lang ng kung ano ang kinalaman ng misteryosong babae sa pagkamatay ni Gia.

Pinagpahinga niya muna si Tamara sa loob ng hospital room, sabi naman ng doctor na pwede na siyang lumabas kinagabihan dahil nalunasan na ang mga sugat niya sa braso. Ipinangako naman ni Philip na dadalaw sila sa unang gabi ng burol ni Gia sa bahay nila.

Hawak ni Philip ang cellphone ni Tamara, tila nag-iisip nang malalim sa kung ano ang dapat niyang gawin. Binuksan niya ito at tila may di-nial na numero at may kinausap sa kabilang linya.

Kinagabihan, magkasamang pumunta sa burol ni Gia sina Tamara at Philip. Maraming nakikiramay sa pamilya ng namatayan. Ibig-sabihin lamang na maraming kaibigan si Gia at napakabuti niyang tao.

Nakatanod sa kabaong ng kanilang anak ang mag-asawang Mr. at Mrs. Malbano, mga magulang ni Gia. Hindi nila lubos maisip na ang kanilang unica hija ay sasapitin ang ganitong kapalaran. Wala pang malinaw na findings ang mga imbestigador sa kaso ni Gia dahil malinis ang pagkakagawa ng krimen.

Nakita nila na papalapit si Tamara sa kabaong ng kanilang anak. Maliliit na hakbang na animo'y hindi makapaniwala sa sinapit ng kaibigan.

Ngayon lamang nakita ng mga magulang ni Gia si Tamara pero madalas niya itong nakekwento sa kanila.

"Ikaw pala si Tammy," sabi ni Mrs. Malbano sa kanya.

Pagtango lang ang sinagot ni Tamara sa kanya at isang mahigpit na yapos. Sabay silang lumuluha sa pagkawala ni Gia.

Hinatid siya nito papalapit sa kabaong at doon na tuluyang umagos ang mga luha ni Tamara. Awa at paghihinagpis ang nararamdaman niya ngayon sa harap ng kaibigang pumanaw. Sa isip niya'y wala man lang siya nagawa para dito.

Agad namang umalalay si Philip nang muntik na siyang mahimatay sa kakaiyak. Umupo sila sa isang pew sa loob ng chapel at pinakalma niya si Tamara.

Makalipas ang isang oras, may dumating na mga imbestigador sa burol. Marahil para magreport sa mga natuklasan nila tungkol sa kaso ni Gia. Matapos ang pagrereport ng mga ito sa magulang ni Gia, isang imbestigador ang lumapit sa kanya para kausapin.

Ikalawang LagusanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon