"Close your eyes, my dear Dianne...
But don't let the darkness get you...
For there will always be a star in the sky...
To save you and bring light into your life..."Paulit-ulit itong umaalingawngaw sa isipan ni Tamara. Ito ang naaalala niyang lullaby ng kanyang Mama para sa kanya.
Tila nabuo na ang pira-piraso niyang nakaraan sa pagkakataong ito na kayakap niya si Jenn. Walang salitang lumalabas sa kanilang mga bibig pero sapat na ito para ipadama sa bawat isa ang kanilang pagmamahal at pangungulila.
Sino ba naman ang mag-aakala na sa ganitong sitwasyon pa sila muling magkakasama? Gustong isisi ni Tamara sa tadhana ang yugtong ito ng buhay niya dahil sa lahat ng pasakit na dinanas niya pero gusto niya ring ipagpasalamat ang muli nilang pagkikitang mag-ina.
Maging si Madam Amparo ay hindi mapigilan ang pagluha. Pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat ng ito. Kung sana'y hindi niya binuksan ang lagusan ni Jenn ay hindi ito mangyayari sa kanilang pamilya. Kaya't ganoon na lang ang pakiramdam niya na siya ay responsable din sa buhay ni Tamara.
Kung kaya niya lang sabihin sa mga taong nakapaligid kay Tamara, sana ay sinabi niya. Pero hindi niya kayang pigilan ang paghikbi at pagtulo ng kanyang mga luha.
Ayaw nang matapos ni Tamara ang sandaling itong kayakap niya ang kanyang ina. Tila huminto ang oras mula nang magkalapit sila hanggang sa sandaling iyon na magkayakap pa rin sila.
"Tamara, kailangan mo nang tumawid," sabi ni Madam Amparo at inulit naman ni Claire sa kanya.
Narinig ito ni Tamara, kaya ganoon na lang ang higpit ng yakap niya kay Jenn. Tila ayaw niya nang bumitaw pero inisip niya na marami ang naghihintay sa kanila. Na may pamilya pang umaasa sa kanyang pagbabalik. Sapat na sa kanya ang saglit na nakita at nayakap niya ang kanyang ina.
Nang mga oras na iyon handa na siyang bumitaw at tawirin ang kanyang lagusan.
"Clauderent viam. Claudere corpus," winika ni Claire. Hudyat na handa nang maisara ang lagusan ni Tamara at kinakailangan niya nang bumalik bago pa mahuli ang lahat.
Bahagyang lumiit ang pinagmumulan ng liwanag, nangangahulugan lamang na kailangan nang umalis ni Tamara.
Pero may kung anong kaba siyang naramdaman sa mga sandaling iyon. Kung siya ay handa nang kumalas at bumalik, hindi pa rin siya binibitawan sa mahigpit na pagkakayakap ni Jenn sa kanya.
Doon na siya mas nakaramdam nang masama. Sinilip niya ang mukha ni Jenn at nagimbal siya sa kanyang nakita. Hindi si Jenn ang kayakap niya kundi ang babaeng gumamit ng kanyang lagusan.
Nalinlang siya nito at si Madam Amparo. Nagpalit siya ng anyo para lapitan siya ni Tamara at tuluyan nang hindi makabalik.
Napaigtad sa gulat si Madam Amparo. Hindi niya inaasahang mangyari ang bagay na ito. Hawak si Tamara ng masamang kaluluwa na iyon at naumpisahan na ang ritwal ng pagsasara. Hindi na ito mapipigilan pa.
"Kailangan ko ng panalangin niyo, nasa panganib si Tamara," winika ni Madam Amparo.
Napaluhod sa sobrang pag-aalala si Cecil, kasabay ng walang humpay na pag-agos ng luha sa kanyang mga mata, pero patuloy pa rin ang kanyang pagdarasal.
Pakiramdam naman ni Philip na wala na siyang ibang magagawa kundi ang ipagdasal na sana maging ligtas ang kanyang nobya. Mataimtim niyang kinakausap ang Diyos para maging maayos ang lahat.
Nauubusan na sila ng oras. Unti-unti nang lumiliit ang silay ng liwanag habang hindi pa rin makawala si Tamara kahit nagpupumiglas na siya.
Nakakapangilabot ang ngiti ng Babaeng may hawak sa kanya. Alam niyang ayaw siya nitong pakawalan para sabay silang manatili sa kawalan pero hindi siya papayag na hindi gawin ang lahat.
Pero mas lumaki pa ang naging problema niya nang mapansin niyang lumalangoy ang ibang kaluluwa na nasa lawa, paahon sa kanyang lagusan.
"Tamara, lumaban ka. Gamitin mo ang lakas mo. Papalapit na sila," sabi ng tinig ni Claire.
Gusto niyang pumiglas at tumawid pabalik sa kanyang lagusan pero wala siyang magawa sa sobrang higpit ng pagkapit sa kanya ng babae.
Nakakaramdam na ng sobrang kaba si Madam Amparo, dahil baka hindi na makawala pa si Tamara at kahit anong mangyari ay kailangang matapos ang pagsasara ng lagusan bago pa man may gumamit na ibang kaluluwa.
"Clauderent viam. Claudere corpus," ikalawang ulit na sabi ni Claire at mas lumiit pa ang silay ng liwanag patawid sa kanyang lagusan.
Pilit pa rin siyang lumalaban pero mabilis ang mga pangyayari. Marami nang kaluluwa ang malapit nang makarating sa kanya. Sa pagkakataong ito, kailangan niya na ng isang malaking himala.
Hindi alam ni Madam Amparo na magiging ganito kahirap at kadelikado ang pagsasara ng lagusan ni Tamara. Maging siya ay nawawalan na ng pag-asang makabalik pa ang dalaga.
Ganoon na rin ang nararamdaman ni Tamara, nawawalan na siya ng pag-asa. Handa niya nang tanggapin na ito ang tadhana niya, pero ikinabigla niya ang sumunod na pangyayari.
Isang kaluluwa ang tumulong sa kanya upang kumawala sa mahigpit na pagkakayap sa kanya ng babae. At itong kaluluwang ito ay naging malapit sa kanya, ang kanyang kaibigan si Gia.
Hindi makapaniwala si Tamara sa nakikita niya. Nabitawan siya ng babaeng may hawak sa kanya at hinatak ito ni Gia pababa para makaahon si Tamara pabalik.
Tila huli na ang lahat dahil ilang dipa na lang ang layo na ibang kaluluwa sa kanyang lagusan at maaabot na nila ito. Pero isang kamay ng babae ang humatak sa kanya papaahon para mas mapabilis siyang makabilik. Isang babae ang muling tumulong sa kanya at ang babaeng ito ay ang totoong Jenn.
Hinatak siya nito at mabilis siyang nakahabol sa ibang kaluluwa. Mabilis siyang nakarating sa bukana ng liwanag, pero sa pagkakataong ito tila ayaw niya nang bumalik dahil nakita niya na ang totoong Jenn.
"Tamara, ano pa ang hinihintay mo?" sabi ni Madam Amparo.
Paparating na sila pero ayaw nang lumapit pa ni Tamara. Tinititigan niya lang si Jenn na kanina pa siyang sinasabihan na tumawid na, pero ayaw pa rin.
"Tamara, tumawid ka na, bago pa mahuli ang lahat!" mataas na ang boses ni Madam Amparo.
Ramdam niya na ang panganib kapag naunahan si Tamara ng ibang kaluluwa.
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni Tamara kay Jenn. Isang maikli ngunit napakahulugan na yakap at tuluyan na siyang tumawid papunta sa kanyang lagusan.
"Clauderent viam. Claudere corpus."
At naisara na ang lagusan ni Tamara. Matagumpay siyang nakabalik sa katawan niya.
Dumilat ang kanyang mga mata at lumuh. Agad naman siyang nilapitan nina Cecil at Philip, sobra-sobra ang pag-aalala nila para kay Tamara, pero ang mahalaga sa ngayon ay natapos na ang lahat. Magiging maayos na rin ang buhay niya.
Niyakap siya ni Claire nang pagkahigpit-higpit at sinabing, "I am so sorry, Tamara."
Isang matipid na ngiti ang ibinigay sa kanya ni Tamara, "Hindi niyo naman po sinasadya. Walang may gusto ng mga pangyayari."
Hinawakan din ni Madam Amparo ang kanyang kamay. Walang salitang lumalabas sa kanyang bibig. Tanging ang mga mata niya lang ang kumakausap kay Tamara. Niyakap siya ni Tamara at tuluyan nang napaluha si Madam Amparo.
Pagkatapos ng mga pangyayari, isang mataimtim na panalangin ang kanilang ginawa bilang pagpapasalamat sa naging ligtas na pagbalik ni Tamara.
Isinama niya na rin sa kanyang personal na panalangin si Jenn. Hindi man sila magkasama, alam niyang binabantayan siya ng kanyang ina.
Walang inang hindi kayang gawin ang lahat para sa anak.
WAKAS.