Nagimbal ang buong pagkatao niya nang marinig niya ang masamang balita mula kay Philip.
"I've been reaching your phone, pero di kita macontact."
"Sabi ng classmates mo na nandito ka."
"Natagpuan siyang patay sa labas ng bahay nila."
"Hindi pa malinaw ang motibo ng pagpatay."
Patuloy lang sa pagsasalita si Philip, pero tila walang pumapasok sa mga tenga ni Tamara.
Wala siyang ibang naririnig kundi ang malakas na pintig sa kanyang dibdib. Kasabay ng pag-alingawngaw sa isip niya na WALA NA SI GIA.
Hanggang sa maramdaman niya na lang ang pag-agos ng kanyang mga luha sa nanginginig niyang mga pisngi. Hindi niya mapigilan ang pagtulo nito, maging ang mahigpit na pagyakap ni Philip ay walang magawa para pakalmahin ang naghuhurimintadong damdamin niya.
Wala na ang matalik niyang kaibigan. Wala na ang taong handang dumamay sa kanya. Wala na ang taong palaging nagpapalakas ng loob niya.
Gusto niyang sumigaw habang nasa bisig ni Philip pero walang boses na lumalabas sa bibig niya, tila ang mga mata niya na ang naglalabas ng hinanakit sa pamamagitan ng walang batid na pagluha niya.
Iniisip niyang hindi malayong may kinalaman ang sunud-sunod na kababalaghan na nangyayari sa kanya sa kinahantungan ng kaibigan. Isa lang ang pwede niyang sisihin. Ang nambubulabog sa kanya, maging sino o ano pa man ito.
Mula sa mahigpit na pagkakayakap ni Philip, kumawala si Tamara at bumalik sa pinanggalingan niyang CR. Gusto niya ulit makita at makausap ang kaibigan na si Gia. Sa pagkakataong ito hindi na siya tatakbo papalayo.
Isinara niya at ni-lock ang pinto. Dahan-dahang hinanap ng kanyang mga mata ang kaibigan.
"Gia! Gia, alam ko nandiyan ka. Kausapin mo ako please," sigaw ni Tamara sa loob ng CR sa pag-aasam na makausap ang kaibigan pero wala ni anumang kaluskos o tunog ang narinig niya, maliban na lang sa pagkatok ni Philip sa pinto.
Sinubukan niyang tumingin sa salamin kung saan niya nakita si Gia, pero hindi ang kaibigan ang tumambad sa kanya kundi mga katagang tila nakasulat gamit ang dugo. AKO LANG ANG PWEDE MONG MAGING KAIBIGAN!
Hindi alam ni Tamara kung ano ang paiiralin niya, takot o poot pero mukhang mas nangibabaw ang huli. Hindi niya na mapapayagan ang panggugulo sa buhay niya at ng taong mga nasa paligid niya.
"Hayop ka!?! Demonyo ka!?! Sino ka ba talaga? Anong kailangan mo sa akin," bulyaw ng galit na galit na si Tamara.
Sa labas naman ng banyo ay nag-aalala na si Philip para sa girlfriend. "Tamara anong nangyayari sa'yo?" tanong niya habang kinakalabog ang pintuan. Kinailangan niya nang humingi ng tulong kaya naghanap si Philip ng makakatulong sa kanya.
"Bakit di ka magpakita sa akin. Puro ka paramdam, puro ka panindak. Hindi ako natatakot sa'yo," halos magdilim na ang paningin ni Tamara, habang nasa loob ng banyo, sa galit sa kung sinuman ang gumagambala sa kanya.
Gamit ang kanyang braso, binasag niya ang salamin dahilan para masugatan ang mga ito at mabahiran ng sariling dugo ang salamin. Galit na galit siya habang hinahampas ang sarili sa bubog. Kasabay ng bawat paghampas ay sigaw ng paghihinagpis para sa kaibigan.
Sa tulong ng isang janitor, na may susi ng CR ng mga babae ay nabuksan nila ang pintuan ng banyo. At tumambad sa kanila ang duguang si Tamara habang umiiyak sa sahig ng banyo.
"Mahal, anong nangyari sa'yo?" pag-aalala ni Philip. Agad niyang niyakap ang nobya. Hindi niya alam kung ano ang pwedeng mangyari kay Tamara kung nahuli pa sila ng dating. Nangangamba siya para dito, dahil alam niyang mayroon itong bagay na hindi sinasabi sa kanya. Dumagdag pa ang trahedya na nangyari sa matalik na kaibigan nito.
"Pinatay niya si Gia!" pagsamo ng dalaga habang nakaturo sa salamin, "May nakasulat diyan, Philip tingnan mo may nakasulat diyan," sabi nito habang humihikbi sa hapdi ng braso at sakit ng loob.
"Ssshhh!" pagpapakalma sa kanya ni Philip, "Nandito na ako. Hindi ka niya masasaktan." Tiningnan niya ang salamin na tinuturo ni Tamara pero hindi niya na maalintana kung may nakasulat na dugo dahil naghalo na ang sariling dugo ni Tamara sa salamin. Sa totoo lang, hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang nobya, pero binalewala niya iyon dahil alam niyang mas kailangan siya ngayon nito.
Pinakalma niya si Tamara at dali-dali niyang dinala sa ospital para malapatan ng treatment.
Isang malaking eksena ang ginawa ni Tamara. Nagkumpulan ang mga tao sa labas ng CR, nakikiusyoso sa nangyari. Maraming bulung-bulungan na may kakaiba kay Tamara nitong mga nakaraang araw. May ilan naman na nagsasabing mahirap ang pinagdadaanan ni Tamara dahil sa nawala si Gia.
Habang karga-karga siya ni Philip sa kanyang mga bisig, unti-unting kumakalma ang damdamin niya. Kahit kinakabahan si Philip hindi niya ito ipinapakita sa nobya. Kalmado lang siya at pinapapanatag ang kanyang loob.
Sa loob ng sasakyan ni Philip, tulala na lang si Tamara, iniisip ang mga bagay na nangyari sa kanya. Tumingin siya kay Philip na nakafocus ang mata sa kalsada. Naisip niya na maswerte siya dahil nandiyan din ang boyfriend sa panahon na kailangan niya. Nawala na nga si Gia, hindi niya alam kung makakayanan niya nang wala si Philip.
Nagising siya nang makaramdam siya ng malamig na hangin na dumampi sa kanya. Hindi niya alam kung nasaan siya. Mahihinang tunog ng makina ang naririnig niya. Tunog ng aircon at respirator na tila nagsasabay. Pamilyar din ang amoy ng gamut na nalalasap niya. Hindi siya pwedeng magkamali, nasa ospital siya.
Unti-unti niyang idinilat ang mga mata na unti-unting nasisilaw sa mahinang ilaw na tumatama rito. Pero hindi siya nag-iisa. Nasa kanan niya ang isang pamilyar na tao. Taong gustong-gusto niyang makita nang mga panahong iyon, si Gia.
Lumuluha ito habang tila nakabantay sa kanya. Unti-unting kumunot ang mukha ni Tamara sa nakikita niya. Hindi siya makapaniwala na kasama niya ngayon ang kaibigan. Mabilis na umagos ang mga luha sa kanyang mga mata na dumiretso sa unan ng hospital bed.
Wala siyang lakas para magsalita. Tanging mga mata lang nina Tamara at Gia ang nag-uusap at animoy nagkakaintindihan sila. Nagbalik sa isip niya ang mga alaala nilang magkaibigan: ang una nilang pagkikita sa classroom, ang una nilang pagsabay sa lunch, mga panahon na sabay silang nag-aaral, mga araw na pinagagaan ni Gia ang loob niya at marami pang alaala. Puro masasayang alaala. Magkahalong luha ng galak dahil muli silang nagkita at luha ng paghihinagpis sa pagpanaw ng kaibigan ang nasa mga mata ni Tamara. Mga luhang unting nagpalabo ng paningin niya.
Hanggang sa masilayan niya at maramdaman ang pagdampi ng mga mata ni Gia para punasan ang mga luha niya sa mata na lubos namang nagpahagulgol sa kanya. Pero ang luha ng paghihinagpis ay unting napalitan ng takot sa nakita niya.
Nang paglinaw ng mga mata niya, hindi na si Gia ang nakita niya sa tabi niya, kundi ang misteryosong babae na huli niyang nakita noong nakaraang araw.
Nakangiti ito sa kanya. Nakadilat ang mga mata na alam mong may masamang balak sa kanya.