Chapter 10

6.2K 137 20
                                    

Laking gulat nila nang tumambad sa kanila ang walang malay na si Tamara na nakulblob ang ulo.

Labis ang pag-aalala ni Cecil para sa anak, hindi niya kayang makitang ganito ang sitwasyon niya.

Agad-agad na hinango ni Philip si Tamara mula sa pagkakalublob. Malakas pa ang pintig ng pulso niya at humihinga pa siya.

Marahil kung nahuli pa sila ng pagbukas ng pinto ay tuluyan nang malulunod ang kanyang nobya. Kinailangan pa kasi nilang sirain ang pinto upang mabuksan ito sa tindi ng pwersa na pumipigil sa kanila para makapasok.

"Tamara, ok ka lang?" pag-aalala ni Philip.

Mahigpit na yakap ang binigay niya rito, umaasang makakatulong ito upang magkamalay ang nobya.

"Anak, anong nangyari sa'yo? Anak..." pagsamo ni Cecil sabay ng pag-antanda ng krus.

Ilang saglit pa ay wala ni anumang pag-imik ang narinig nila mula kay Tamara. Kaya ganoon na lang ang takot ni Cecil sa kung anong pwedeng mangyari sa kanya.

Bigla nilang narinig ang mahinang pagtawa nito, tila nang-aasar na tawa. Maging si Philip ay nagulat sa tunog na nilikha ni Tamara na nasa kanyang mga bisig.

"Anak? Wala kang anak," sabi ni Tamara nang dumilat ang kanyang mga matang napakatalim kung tumingin.

"Itali mo siya, Philip!" natatarantang utos ni Cecil sa kanya.

"Ha? Ano po?" pagtatakang tanong nito.

Walang kaalam-alam si Philip sa nangyayari, samantalang inaasahan ito ni Cecil na mangyari.

"Basta gawin mo ang sinasabi ko!" sigaw nito sa kanya.

Ngunit bago pa man makakilos si Philip ay naunahan na siya ni Tamara. Mabilis na nakahawak ang dalawa nitong kamay sa leeg ni Philip, dahilan para manghina ito at mapahiga sa sahig.

"Tamara! Lumaban ka, Tamara!" sabi ni Philip sa nanginginig na boses dahil sa higpit ng sakal sa kanya ni Tamara na nadagdagan pa ng takot dahil sa nakapaninidak na titig nito sa kanya.

Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya kay Tamara tila isa siyang diablo na ang tanging gusto lamang gawin ay ang pumatay nang pumatay.

Tuluyan nga siyang nakumbinse na maaaring si Tamara nga ang may kagagawan ng karumal-dumal na pagpatay kay Gia.

Gusto niyang magalit, pero hindi kay Tamara, kundi sa mapaghiganting kaluluwa na gumagamit sa katawan nito. 

Ngunit sa sitwasyon na to na nakasakal sa kanya si Tamara ay wala siyang ibang magawa kundi ang hawakan ang mukha ng nobya. Hindi para saktan o gawan ng masama, kundi para mahawakan man lang ang kanyang mukha maging sa huling pagkakataon.

Pero tila hindi pa ito ang katapusan ng buhay niya. Gamit ang isang lubid ay naitali ni Cecil ang mga kamay ni Tamara. Napakasakit ito para sa kanya dahil kahit kailan ay hindi niya pinagbuhatan ng kamay si Tamara. Itinuring niya itong tunay na anak. Inalagaan. Minahal. Pero ngayon kailangan niyang gawin ito para hindi makapanakit.

"Aaaaagh!" malakas na sigaw ni Tamara habang pumipiglas sa paghawak sa kanya ni Cecil. Muli na ring bumalik ang lakas ni Philip at tinulungan siya nito upang tuluyang hindi makagalaw si Tamara.

Dali-dali nila siyang itinali sa isang upuang kahoy at patuloy pa rin ito sa pagpiglas.

"Pakawalan niyo ako, pakawalan niyo ako!" sabi ni Tamara sa napakalaking boses.

"Kung sino ka man, umalis ka sa katawan ng anak ko," lakas-loob na pag-utos ni Cecil sa kanya, "huwag na huwag mo siyang sasaktan!"

Naglabas ng crucifix si Cecil at nagbabadyang itatapat ito kay Tamara.

"Aaaaagh!" tila apektado si Tamara sa paglapit ng krus kanyang nanay Cecil. Kaya't ganun na lang ang pagsigaw niya.

Ilang pulgada na lang ang layo ni Cecil kay Tamara nang biglaang mawalan ito ng malay matapos ang isang napakalakas na pagsigaw.

Kinakabahan si Philip sa kung ano ang susunod na mangyayari. Tila napako siya sa kanyang kinatatayuan dahil sa tindi eksenang nakita niya.

Ilang segundo pa ang lumipas at muli nang nagkamalay si Tamara. Tila gulat siya sa kanyang nakikita.

"Anong nangyari? Philip? Nanay?" tanong nito.

Wala na ang malaking boses at wala na rin ang nakapanlilisik na tingin sa kanyang mga mata.

Tila natanggalan ng tinik sa dibdib si Philip nang makitang bumalik na sa katinuan ang nobya.

Antanda ng krus na lang ang tanging nagawa ni Cecil nang makitang bumalik na ang kanyang anak. Naaawa siya sa kanya dahil hindi alam ni Tamara ang kanyang pinaggagawa kanina lamang kaya agad niyang binitiwan ang krus. Para agad na kalagan ang pagkakatali sa anak.

"Tamara, anak, sorry," saad nito habang lumalapit sa kanya. Maging si Philip ay handa na ring tumulong upang tanggalin ang lubid.

Hindi pa man tuluyang nakakalapit ang dalawa sa kanya ay pinigilan na sila ng isang tinig.

Tinig na pamilyar kay Cecil.

"Huwag niyo siyang, lalapitan, sister Cecilia!" sabi nito.

Agad silang napalingon sa direksyon na pinagmulan ng boses. Gayun na lang ang tuwa sa mukha ni Cecil nang makita sila.

"Nililinlang lang niya kayo," sabi nito at tuluyan nang lumakad mula sa pintuan ng kanilang bahay, papalapit sa kanila.

"Father, ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ni Cecil sa pari na kanya ring tinawag noong mga panahon na ang tunay na ina ni Tamara ang nasa ganitong kalagayan.

Kasama niya sa kanyang tabi si Claire, ang yoga instructor na aksidenteng muling nakapagbukas ng lagusan ni Tamara.

Bago pa man makarating si Cecil sa tinutuluyan ni Tamara ay nakaramdam na siya ng ganitong pangyayari, kaya agad niyang sinabihan ang pari na minsan na ring tumulong sa kanya para muli siyang matulungan.

Samantalang si Philip naman ay humingi ng tulong sa mga kakilala para macontact si Claire na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos na maisip na siya ang naging dahilan upang magkaganoon si Tamara. Wala siyang kaalam-alam na magiging ganito ang kahihinatnan ng meditation na ginawa nila.

"Ano man po ang maitutulong ko, sabihin niyo lang po sa akin. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko," sabi niya sa kanila.

Kung paano siya makakatulong, iyon ang hindi pa niya alam sa ngayon. Basta't ang sinabi sa kanya, siya ang nagbukas, kaya siya ang dapat magsara.

Pinilit niyang lumapit kay Tamara na nasa kaawa-awang sitwasyon. Gusto niya nang matapos ito para mapanatag na rin ang kalooban niya. Binabagabag kasi siya ng kanyang konsensya, kapag naiisip niyang may buhay na nagbago dahil sa kanya.

Pero pinigilan siya ng pari na lumapit kay Tamara. Sa halip, winisikan niya ito ng agua bendita upang patunayan na hindi pa rin si Tamara ang nasa katawan na ito.

"Aaaaaagh!" napakalakas na pag-ungol ni Tamara sa tuwing mabubuhusan siya ng banal na tubig.

Matapos nito'y isang nakapapanindig-balahibong tawa ang narinig nila mula sa kanya.

"Hindi niyo ako kaya. Hindi niyo na ako mapapaalis dito. Akin na ang katawang ito," wika nito sa napakalaking boses.

"Hindi totoo yan," sagot ng pari, "kay Tamara ang katawan na iyan at hindi sa'yo."

Sa isip ng pari ay unti-unti na silang nauubusan ng oras. Kailangan na niyang magawa ang exorcism sa lalong madaling panahon pero magiging delikado lamang ito kung hindi agad masusundan ng pagsasara ng lagusan pero ngayon wala ni isa sa kanila ang nakakaalam ng ritwal upang gawin ito. Maging si Claire ay walang alam sa mangyayari. Isang tao lang ang makakatulong sa kanila.

"Nandito na ako," sabi ng isang malumanay na tinig ng matandang babae.

Ikalawang LagusanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon