"OKAY na, Boss!" sabi ni Mark sa may-ari ng kotse na katatapos lang nilang i-carwash. Inabot ng customer nila ang bayad, pagkatapos ay umalis na ito. Binigay niya ang bayad kay Marisse, na siya naman nilagay nito sa lalagyanan ng pera ng Lolo at Lola niya.
"Miguel, papasukin n'yo na 'yung susunod na magpapalinis!" sabi niya sa pinsan.
Sunod na pumasok sa bakuran nila ang kulay puting van. Nagtulong-tulong silang tatlo nila Jester at Jefti na linisin iyon. Habang ang iba naman na mga pinsan niya ay naglilinis ng ibang kotse. Dahil Sabado iyon, dagsa ang mga customers nila na nagpapalinis ng sasakyan. Kaya silang magpipinsan, kumpleto at tulong-tulong doon. Naagaw ang atensiyon niya ng mapalingon siya sa may labas ng bakuran nila. May mga nag-aabang na mga kababaihan doon, ay may mga hawak itong mga face towel. Hindi niya maintindihan ang mga trip ng mga babaeng ito. Tatambay doon sa tapat ng bakuran nila para panoorin lang sila habang nagka-carwash, tapos kapag binati ito ng mga pinsan niya biglang titili at parang kilig na kilig.
Napailing siya ng lapitan ni Wesley ang mga ito. Gaya ng inaasahan, nagtilian ang mga kababaihan, sabay punas ng hawak ng mga itong face towel sa pawisang mukha nito.
"Pare, parang gusto kong kumanta ng kanta sa simbahan." Sabi ni Kevin sa kanya.
Napalingon siya dito. "Bakit naman?" tanong niya.
"Eh hindi ko naman alam na Santo pala itong si Wesley," sagot nito.
Nagtawanan sila. Paano kasi ay feel na feel ng huli ang pinagkakaguluhan ito. Sa kanilang magpipinsan, ito ang nag-eenjoy sa atensiyon na ibinibigay ng publiko. Palibhasa'y mahilig makipag-date.
Napagkatuwaan nilang bitbitin si Wesley, saka nila ito nilagay sa loob ng isang drum na puno ng tubig. Nagtawanan silang lahat, habang ito naman ay halos manginig sa lamig ng tubig. Kaya bilang ganti, nang makalabas ito doon sa drum. Agad nitong kinuha ang hose at binuksan iyon, pagkatapos ay binasa silang lahat.
"Wah! Rambo! Lintik lang ang walang ganti!"
Napuno ng halakhak nila ang bakuran ng Mondejar. Tumatawa pa rin na pinagmasdan niya ang Pamilya niya. Bukod sa kung ano man ang mayroon siya, ang pananampalataya niya sa Diyos at ang mga ito ang higit na mas mahalaga sa kanya.
"Mark! Hi!" tili ng isa sa mga babaeng nakatambay sa harap ng bakuran nila.
Napalingon siya. Napangiti siya ng makitang nakasimangot si Kim sa mga ito, lalo na sa babaeng tumawag sa kanya.
"Mga Miss, mawalang galang nga lang ano? Baka puwedeng umalis kayo dito sa tapat ng tindahan ko? Kasi umagang umaga nahaharangan niya ang grasya papasok ng negosyo ko! Saka teka, hindi kayo taga-rito sa Tanangco ah?" tungayaw ni Kim sa mga ito.
"Ang sungit mo naman, Manang." Anang isa sa mga babae.
Lalo naningkit ang mata ni Kim.
"Pakiulit nga ang sinabi mo?"
"Kayong mga bata nga kayo, eh magsiuwi na kayo!" pagtataboy ni Lola Dadang sa mga ito. "Ke aga aga ay narito kayo at pinagnanasahan ninyo ang aking mga apo! Hala! Uwi! Hamong maglinis kayo ng bahay n'yo, hindi iyong ang mga apo ko ang gusto n'yong linisin, mga tinamaan kayo ng magaling!"
Walang nagawa ang mga ito kung hindi ang umalis.
"Thank you, Mahal!" pabirong sigaw niya kay Kim.
Salubong ang kilay na lumingon ito sa kanya. "Tse! Mahal mo mukha mo!" pambabara nito sa kanya.
"Huwag ka nang magselos, ikaw naman ang number one sa puso ko eh!" hindi apektadong sagot niya dito.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 10: Mark Manuel Meneses
RomanceNoon pa man ay naiirita na si Kim kay Mark, ang kapitbahay at pinsan ng kaibigan niya. Sa tuwina na lang na may gusto siya ay palagi nitong kino-kontra. Ang mas kinaiinis pa niya dito ay parang hindi ito nagsasawa sa pang-aasar nito sa kanya. Hindi...