FACE MASK
Ralph Summers“Hay, salamat!” bulalas ni Gina, isang Head Nurse, pagkatanggal niya ng kanyang face mask pagkatapos marinig ang balitang tapos na ang ‘Enhanced Community Quarantine’ na nagsilbing proteksyon sa mga mamamayan laban sa pandemic disease na tinatawag na COVID-19.
“Kumusta na kaya ang mga anak ko? Nabigyan na kaya sila ng relief goods ni kapitan? O kaya ayuda na mula sa DSWD? Kumakain kaya sila? Hay, hindi ko talaga maiwasang mag-alala sa mga oras na 'to.” Lumuha siya pagkasabi niyon.
Tatlong katok sa pinto ang nagpahinto sa kanyang pag-iisip. Niluwa ng pintuan ang isang magandang babae na nakasuot ng uniporme na katulad ng sa kanya, isang nurse. May dala itong plastic basket na naglalaman ng mga testing kits, bulak at iba pang kagamitan sa panggagamot. “Ma’am, oras na po ng pag-inom ng gamot,” pagpapaalala nito sa kanya.
Ngumiti siya sa papalapit na nurse at malalim na huminga. “O… siya…” hugot ng hininga. “Gusto ko nang…” hingang muli, “umuwi…” ‘Masyado pang bata ang mga anak ko para mawalan ng ina. Paano na lang sila kung wala na ako?’ anas niya sa kanyang isip.
Hindi na muling nagsalita ang nurse at kaagad siyang inalalayan sa pagtayo at sinimulan ang swab testing.
Makalipas ang isang linggo, uuwi na si Gina sa kanyang pamilya.
“Toto, andyan na si Mama!” sigaw ni Nonoy sa kanyang bunsong kapatid.
May luha sa mga mata na sinalubong nila ang ina at niyakap ito. Humagulgol sila ng iyak habang bitbit ang sisidlan ng abo ng kanilang ina na inihatid mula sa punerarya.
#DAGLI
BINABASA MO ANG
Papagayo Sa Himpapawid
DiversosPapagayo Sa Himpapawid Koleksyon ng mga tula, prosa, dagli at maikling kuwento na isinulat ni Ralph Summers