Prosa (1) Ang Minsa'y Namukadkad

3.1K 30 1
                                    

ANG MINSA'Y NAMUKADKAD
Ralph Summers

Lagi't laging ginigising ng ngiti mo ang litrato na  matagal nang inililihim
sa ilalim ng unan hanggang manumbalik ang aking malay kinabukasan.

Paulit-ulit ipinipilit ang kabuuan sa hindi na magpantay na hangganan ng kumot na noo'y magkasama nating pinagsasaluhan upang maging pananggalang sa mapaminsalang hatid ng maginaw na gabi.

Gaya ng sabi mo noon sa dambuhalang gulong ng traktora na nakatambak sa isang bakanteng lote na pagmamay-ari ni Tatay Lito:

"kung sakali mang isang araw ay hindi na ako abutan ng bukang-liwayway, maaari bang ikaw ang mangalaga sa aking alaala — pakawalan mo ako sa kahariaan ng mga diwata."

"Sapagkat, nais kong maging kaisa ng hangin, ng kagubatan, ng daigdig; ng paglalakbay na walang hanggan—iikot ako saan man naising dalhin ng mapaglarong tadhana ang aking gunita upang sa gayon ang halimuyak ko'y magpaparamdam sa mga bulaklak, sa mga halaman; sa gintong uhay tuwing bilog ang buwan na sinumpa ng mga bantay ng kalikasan na hindi mamukadkad sa panahon ng taglagas."

"Sisibol ako na kasabay ang pagtilaok ng sari-manok habang tinatanaw ang padilat pa lamang na langit sa silangan tangan ang nakulob na hamog na naglibing ng pinirapirasong larawan ng ating nilimot na kundiman."

Sa sandaling iyon ang tanging laman na lamang ng aking pananahimik ay pagtakpan ang namumuong paghihimagsik at galit sa aking sarili.

Marahil, panahon na rin para pakawalan ang laman ng garapong pinamamahayan ng alaala mo, lulan ng dalawampu't anim na taong pananatili mo sa aking silong.

Maging malaya ka, gaya ng nais mong maging kaisa ng mga elemento na nangangalaga sa sangnilikha—bisitahin mo ang mga bulaklak sa hardin na napaparam sa panahon ng tag-lagas.

Hawiin mo ang mga nalalantang talulot sa araw upang hindi malanta.

Akayin mo ang mga insekto patungo sa hiwaga, huwag mong hayaang paglingkuran ng mga dayuhan ang Panginoon ng karilamlan at maging alipin ng gubat.

Malaya ka na...
Alley

Papagayo Sa HimpapawidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon