salamat sa 2.4K reads!
isinulat ang pahinang ito
bilang mumunting regalo
⋆ ˚。⋆୨♡୧⋆ ˚。⋆Kung natuturuan lang ang puso, marahil ay pinagtatanim ko na siya ng paborito niyang bulaklak na bubungad sa kaniya tuwing umaga, nabili ko na siguro ang mga bagay na inilista't tinandaan ko dahil iyon ang mga bagay na gusto at paborito niya. Nasamahan ko na siguro siya sa mga lugar na gusto niyang puntahan at nagawa ang mga bagay na gusto niya nang magkasama. Kung natuturuan lang ang puso kung sino ang dapat magustuhan, hindi malabong piliin ko siya.
Maganda si Elina. Parang bulaklak sa hardin na mas pipiliin mong alagaan kaysa pitasin.
Maikukumpara sa talulot ng gumamela ang mga ngiti niya, makulay--- masarap sa mata. Singpayapa ng hardin ang kaniyang pagkatao, tahimik at simple lamang. Hindi man siya gaanong matalino sa ibang bagay, bukal naman sa loob niya ang matuto at maturuan. Mabait, mapagbigay--- lahat yata ng positibong katangian ay makikita mo sa kaniya. Kung paiikliin, si Elina ang klase ng babae na hindi mahirap magustuhan at mahalin. Siya iyong klase ng tao na gugustuhin mong makasama sa buhay. Siya 'yong tipong makapagpapanatag sa'yo tuwing kalooban mo'y magulo. Hindi ko nga maintindihan ang sarili ko. Hindi ko rin masagot ang tanong na paulit-ulit kong sinasambit sa utak ko.Bakit kasi hindi ko siya magustuhan?
"Tulala ka na naman, masama na 'yan. Paano kung ipatingin na kita sa doctor, ha?"
Napuno nang tawanan ang computer shop kung saan namin napagpasyahang maglaro. Wala kasi kaming pasok ngayong araw kaya naman nandito kami. Hindi nga dapat ako sasama dahil gusto kong matulog ngayong maulan na hapon ngunit hindi ko na nagawa pang tumanggi dahil pinuntahan na ako ng mga mokong na ito.
"Ayos lang 'yan Terrence, mahal ka pa rin no'n.", ani Rio
Sa pangalawang pagkakataon, napuno ulit ng tawanan ang shop dahilan para sawayin kami ng may-ari. Hindi natinag si Franz at nilakasan pa ang tawa kaya naman napailing na lang si Mang Toto.
Matigas talaga ang ulo ng isang 'to.
"Sungit ni Mang Toto, akala naman napakaganda ng shop. Ang bagal kaya ng internet nila tapos amoy pinaglumaan ng panahon ang headphones."
Natawang muli sina Rio at Troy dahil sa sinambit ni Franz habang ako'y nanatiling umiiling dahil sa kilos ng tatlo.
"Huwag niyo na sabihan ng kung ano-ano pang salita si Mang Toto at ang negosyo niya. Nagttrabaho nang maayos iyong matanda, lumipat ka ng shop kung gusto mo.", saway ko rito
Sinimangutan lamang ako ni Franz, "Ito naman hindi mabiro, hindi ko naman binubully si Mang Toto. Palagi kaya akong nandito sa shop niya at inuubos ang baon ko sa paglalaro para marami siyang kita.", anito habang nakangisi
YOU ARE READING
Bakit 'Di Maramdaman?
Ficção Adolescenteepistolary | completed 𝗿𝗲𝗻𝗰𝗲 & 𝗲𝗹𝗶'𝘀 Bakit naman kasi sa lahat ng maaaring magustuhan, doon pa sa taong hindi makaramdam? bakit hindi series - one © seathernae, 2023 R13+