Chapter VI: The Cursed Beast
"Nagbibiro ka ba?" gulat na naibulalas ni Finn Doria. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig kaya naman kinabahan siya ng bahagya, "Ang halimaw na 'yan ay buhay pa? Imposible!"
"Paanong mabubuhay ang isang nilalang kung kinukuhanan ito ng dugo sa nagdaang matagal na panahon? Kahit na malaki ang halimaw na 'yan, imposible namang walang hangganan ang dugo na tinataglay niya. Libo-libong taon nang umiiral ang Soul Serpent Sect, at milyon-milyong miyembro na ang kanilang pinag-eksperimentuhan," nang maalala muli ni Finn Doria ang kasamaan sinimulan nang nagtatag ng Soul Serpent Sect, para bang gusto niyang hanapin ang himlayan nito at wasakin ang iniwan nitong bangkay.
Pinagmamasdan pa rin ni Munting Black ang halimaw na para bang sinusuri niya ito, "Sa mundong ito, kakaunti lang ang imposible. At hindi kasali ang sitwasyon ng Divine Beast na ito sa mga imposibleng iyon."
Bumaling si Munting Black sa binata at nanghahamak na sinabing, "Malamang hindi mo alam kung ano ang Divine Beast na ito at malamang sa malamang hindi mo rin alam ang kakayahan nito. Nagmula ito sa panahon ko at ka-uri ko ito kaya naman alam ko ang kakayahan nito... gayunpaman, mayroon akong mga napansin na kakaiba."
Medyo nainis si Finn Doria nang mapagtantong minamaliit na naman siya ng munting nilalang.
'Alam kong maraming kakayahan ang mga Divine Beast, lalong-lalo na si Sierra... pero sa tingin mo ba ay kagaya ka ni Sierra, Munting Black?' para kay Finn Doria, si Munting Black ay mas malakas lamang sa kanya. Napatalsik siya nito gamit ang tingin lamang pero hindi ibig sabihin noon ay lubusan na siyang humahanga rito. Mas humahanga pa rin siya kay Sierra dahil sa mga kakayahan nito na bumuo ng mga ilusyon.
"Ano bang kailangan kong malaman sa 'Divine Beast' na 'yan? Hindi ba't isa lang naman iyang ahas na may dugo na kayang magpalakas o pumatay ng isang adventurer?" nakasimangot na giit ng binata.
Pinanliitan ni Munting Black ng tingin si Finn Doria. Si Eon naman ay tahimik lang sa tabi at nakayuko. Bahagya niyang sinisipa ang maliit na bato at tila ba takot na takot itong magsalita. Hindi ito makatingin sa dalawa, pareho niyang inirerespeto ang kanyang guro at master kaya naman wala siyang pinapanigan sa ngayon.
"Ignorante," giit ni Munting Black. "Ang nilalang na 'yan ay tinatawag na Ancient Blood Serpent. Mayroon silang kapangyarihan na may kaugnayan sa dugo, at ipaaalam ko na sa'yo, kahit pa ubusin mo ang kalahati ng kanilang dugo, mabilis lang itong manunumbalik na para bang wala lang."
Huminto sandali si Munting Black pero agad rin namang nagpatuloy, "Kabilang ang lahi nila sa nakilahok sa malawakang digmaan sa pagitan ng mga dyablo at iba't ibang lahi. Sa nararamdaman ko, ang lakas ng Divine Beast na ito ay hindi pangkaraniwan sa Divine Realm... at kung malalaman nito ang ginawa niyo sa kanyang katawan, sa isang atake lamang, wasak ang maliit na mundong ito kasama ang mahihinang nilalang na naninirahan dito."
Muling ikinagulat ni Finn Doria ang kanyang narinig. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili, napabaling siya sa malaking ahas at nanginig siya muli dahil sa naglalakihan nitong dalawang mata. Isang kalapastanganan ang ginawa ng nagtatag ng Soul Serpent Sect. Kahit sino ay siguradong makararamdam ng poot kung mayroong lalapastangan sa sarili mong katawan. Hindi pa patay ang nilalang na ito, buhay pa ito at natutulog lang. Kung magigising ito at malalaman kung ano ang ginagawa sa kanya habang natutulog siya, siguradong wawasakin nito ang maliit na mundong kinabibilangan ni Finn Doria.
Agad na inilabas ng binata ang kanyang sandata at aabante na sana pero nagsalita si Munting Black na nagpahinto sa kanya.
"Ano sa tingin mo ang gagawin mo?" taimtim na tanong ni Munting Black.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
FantasyTapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng lahat. Simula pa lang ito ng lahat dahil susubukin pa siya ng kanyang kapalaran. Dahil sa kanyang to...