Chapter LX: Black Arena
Malalim na ang gabi. Kasalukuyan naglalakad ngayon sina Finn Doria at Hina sa isang madilim na kalye. May pa-ilan-ilan silang nakakasalubong at nakakasabay. Sa kasalukuyan, nakakubli ang hitsura ng dalawa sa suot-suot nilang itim na balabal.
Makalipas ang ilang saglit pang katahimikan, sa wakas ay napagdesisyunan na rin ni Hina na basagin ang katahimikan. Mayroon siyang inilabas na medalyon na may isang bituin at inilahad niya ito kay Finn Doria.
“Nakalimutan kong ibigay sa ‘yo. Para lang makasigurado tayo,” pabulong na sabi ni Hina habang nakalahad pa rin ang medalyon kay Finn Doria.
Tinanggap naman agad ito ni Finn Doria. Napagtanto niyang may punto si Hina, at isa pa, kakailanganin niya rin ang kanyang pagiging Blacksmith.
“Salamat,” pasasalamat ni Finn Doria habang itinatago sa kanyang bulsa ang medalyon.
“Hm,” tumango si Hina. Tumingin muli siya sa kanyang harapan at marahang nagsalita, “Gamitin mo ang One Star Grandmaster Blacksmith mong katauhan kapag papasok ka sa mga lungsod o bayan. Sa tulong ng katauhang iyan, hindi mo na kailangan pang ipasuri ang iyong mga interspatial rings.”
Sa likod ng itim na balabal, pilit na ngumiti si Finn Doria. Bumuntong-hininga siya at marahang nagsalita, “Hindi ko alam kung sa akin ka nag-aalala o sa dala kong Heaven Armaments.”
Hindi na nagkomento si Hina sa sinabing ito ni Finn Doria. Nagtuloy-tuloy lang sila sa paglalakad hanggang sa huminto si Hina sa tapat ng isang pinto. Sumunod lang sa kanya si Finn Doria, nahihiwagaan sa bigla nitong paghinto sa tapat ng pinto.
Pinagmasdan ni Finn Doria ang kalawanging bakal na pinto. Napansin niyang mayroong maliit na bintana na halos mata lamang ang kasya.
Kumatok si Hina sa pinto, tatlong mababagal na pagkatok ang kanyang ginawa. Pagkatapos nito, nagbukas ang bintana at mayroong sumilip na mga mata. Matalim ang tingin nito, pinagmasdan niya ang dalawang pigura na nakasuot ng itim na balabal at suminghal.
“Malalim na ang gabi. Hindi ninyo—”
Bago pa man tuluyang matapos ng malalim na boses ang kanyang sasabihin, mayroong ipinakitang pilak na medalyon si Hina rito.
Hindi agad nakapagsalita ang lalaki, pero ilang saglit pa, dahan-dahang bumukas ang pinto at isang malaking lalaki ang sumalubong kina Hina at Finn Doria. Sobrang tangkad at matipuno ng katawan ng lalaki, nagmistulan na siyang higante dahil sa kanyang napakalaking pangangatawan.
‘2nd Level Heaven Rank,’ sa isip ni Finn Doria habang sinusukat ang awra ng malaking lalaki.
“Pasok,” malalim na sambit ng lalaki.
Tumango si Hina at agad na itinago sa kanyang interspatial ring ang pilak na medalyon. Nagsimula siyang maglakad habang si Finn Doria naman ay sumunod lang sa kanya.
Matalim ang tingin ng lalaki kay Finn Doria. Hindi naman ito pinansin ng binata; nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Tumingin nalang siya sa kanyang paligid.
Kung sa labas mukha itong maliit na bahay, sa loob naman ay para itong kuweba. Matigas na lupa ang sahig, kisame at ang haligi. Maraming sulo ang nakasabit sa pader, iisa lang din ang daanan at pababa pa ito.
Napakahaba ng daanan. Hindi na mabilang ni Finn Doria kung ilang minuto na silang naglalakad sa malawak na daanang ito. Gayunman, hindi siya nakaramdam ng inip. Nanatili nalang siyang tahimik at hindi na nagtanong pa.
Habang lumilipas ang mga minuto, ang dalawa ni Hina at Finn Doria ay nakaririnig ng malalakas na paghiyaw. Magkakahalong tinig ang naririnig ng dalawa at hindi lang basta ito nagmumula sa isang dosenang tao.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
FantasyTapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng lahat. Simula pa lang ito ng lahat dahil susubukin pa siya ng kanyang kapalaran. Dahil sa kanyang to...